Kabanata 7: Believe

Magsimula sa umpisa
                                    

"Gusto mo ba talagang mamatay?"

May puting liwanag sa paligid ng kamay niya na tila ba ito ang kumokontrol sa akin para lumipad. May magic nga pala si Scion. Kaya niyang pagalawin ang mga nasa paligid niya pero hindi ko inaasahan na magagawa niya pa rin 'yon dito sa mundo ko.

Ngayon mas lalo na talaga akong naniniwala na siya talaga 'yong character ko na isinulat ko.

"Ayoko, please, h'wag mo akong patayin, sorry na naman, oh! Wala naman akong ginagawang masama sa'yo, eh!" Ayoko pa talagang mamatay. H'wag muna ngayon. "Kaya lang ako lumayo sa'yo kasi baka patayin mo ako bigla dahil sa galit mo, alam ko ang ugali mo."

Ang tagal niya akong tinitigan. Tumutulo na naman ang dugo sa leeg ko pero hindi ko 'yon matakpan dahil kahit ang kamay ko ay hindi ko maigalaw.

Tumigil siya saglit ngunit matapos 'yon, iniatras niya ang kanyang nag liliwanag na kamay na para bang may hinihilang lubid. Kasabay nuon ay tila nahila ako palapit sa kanya.

Nang mapunta ako sa harap niya, umakma siya na para bang huhugutin niyang muli ang kanyang espada. Takot na takot ako dahil akala ko katapusan ko na. Akala ko sasaksakin niya ako pero nang ilapit niya ang kamay niya sa mukha ko, nakita kong tela ang hawak niya at inilapat niya ito sa sugat ko sa leeg.

"Hawakan mo 'yan at sumunod ka sa akin," utos niya. Bumaba na ang paa ko sa sahig.

Sumunod na lang ako sa kanya. Ngayong naalala ko na may kapangyarihan nga pala siya, mas mahirap na suwayin ko pa siya.

"Umupo ka."

Pagka-upo ko ay may kinuha siyang bagay sa bag niya. May hawak siyang bote at tila gasa na pang takip sa sugat ngunit sinauna ang itsura nito. Lumapit soya sa akin.

"Tumingala ka," utos na naman niya.

Hindi na ako nagreklamo at sinunod ko na lang siya. Kailangan kong mag-behave para mabuhay.

Nilagyan niya ng kung anong pampahid ang sugat ko. Napasigaw ako dahil sa hapdi pero hindi nagtagal ay guminhawa ang pakiramdam ko. Pinunasan niya ang leeg ko at nilagyan niya ito ng gasa.

Teka, ginamot niya ba ako?

"Sandali, hindi mo na ba ako papatayin? Ginamot mo ako, eh?"

H'wag niyang sabihin na papatayin pa rin niya ako pagkatapos niyang gamutin ang sugat ko. Aba may tama siya sa pag-iisip kung gano'n.

Tumango siya, "Ikaw ang nag-iisang magpapabalik sa akin sa mundo ko kaya hindi kita pwedeng patayin at isa pa, ikaw rin ang magtutuloy sa istorya namin."

Limang malalaking tinik nawala sa lalamunan ko.

Salamat naman at napagtanto niya 'yon. Sabagay, ginawa ko naman siyang matalino sa kwento dahil matalino naman talaga si Liam. Kahit naman kontrabida siya sa istorya, may mga bagay pa rin naman na pwede kang magustuhan sa kanya. Kung sobrang sama niya ay baka hindi na siya i-consider kahit kailan ni Weiming. May pagkakataon pa rin naman na kahit papaano mapapalapit pa rin si Weiming kay Scion pero sa huli si Chaun pa rin talaga ang gusto niya, ay hindi, mahal na pala niya.

Kahit naman babaero si Scion, bago siya matulog ay si Weiming pa rin ang nasa isip at puso niya.

Bigla siyang nagtanong, "Paano nangyari na nagkakatotoo ang mga sinusulat mo sa libro na 'to?"

"Hindi ko rin alam," pag-amin ko. "May kakaiba talaga sa libro na 'yan, may magic din 'yan katulad niyo."

"Magic, ano 'yon?"

Puro tagalog nga pala sila sa libro kaya hindi niya naiintindihan 'yong ibang mga sinasabi ko sa english. "'Yong magic, salitang ingles 'yon, lenggwahe sa mundo namin, na ang ibig sabihin ay mahika o may kapangyarihan."

Polaris (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon