R71: Pangarap

35 8 0
                                    

"Basta, anak, boyfriend lang muna, okay? Sabay n'yong tuparin ni Andrew ang mga pangarap n'yo sa buhay. ‘Wag magmadali sa lahat. I-enjoy niyo muna ang lahat nang magkasama kayo."

Pinunasan ko uli ang mga luhang nahulog sa pisngi ko. "Opo, dad, hindi po kami magmamadali ni Andrew. Dad, I'm sorry din po dahil naging makasarili ako."

"Tapos na iyon, anak, at alam namin na ginagawa mo ang lahat para maitama mo ang mga mali mo. Ako din, humihingi ng tawad sa mga nangyari."

Oo, hindi sila perpektong magulang, may mga pagkakamali rin silang magagawa hangga't nabubuhay sila, at naiinis ako sa sarili ko dahil makasarili ako. Hindi ko man lang nakita na masaya pala sila sa mga pinili nilang desisyon. Ako lang pala talaga 'tong hindi nakakaintindi. Wala silang ibang hinangad kundi ang maging masaya din ako katulad nila.

"I'm really sorry, dad, mama!"

"Wala ka namang dapat ikahingi ng tawad, anak. Kung hindi mo naranasan 'yan, hindi mo maiintindihan ang ibang side ng buhay. Masarap mabuhay, Zea. Basta, ang mahalaga, anak, masaya ka. ‘Wag mo laging kakalimutan kung ano ang makakapagpasaya sa'yo o kung bakit ka masaya. Basta kami ng papa mo, lagi lang nakasuporta sa’yo."

Dahil sa sobrang sayang nararamdaman ko ngayon, ginawaran ko uli sila ng isang mahigpit na yakap.

Natupad na ang pangarap ko.



NAKANGITI akong bumaba at nagtungo sa dining area, naabutan ko roon si Tito Jun at si Jessa. Ngumiti ako sa kanila at pumasok din naman si mama na may dalang ulam, mukhang galing siya sa kitchen.

"Good morning, Zea," bati ni Tito Jun nang nakangiti.

"Good morning din po."

"Zea, tikman mo 'tong ulam na ginawa ni mama. Imbento niya lang 'to, pero ang sarap."

"Talaga?"

Nakangiting tumango si Jessa at nilagyan ako ng ulam sa pinggan. Nakatingin lang ako kay Jessa habang ginagawa niya 'yon. Ang sarap pala sa pakiramdam na may ganito ako, isang buong pamilya. Hindi man ito ‘yung gusto kong mangyari, masaya na rin ako. Si mama, si Jessa, at si Tito Jun, mababait silang tao. Kailanman ay hindi sila naging masama sa'kin.

Salamat at napagtiyagaan nila ang pangit kong ugali... Ako naman, ako naman ang babawi sa kanila. Muli kong sisimulan ang lahat at gagawa ako ulit ng mga bagong alaala kasama sila. Mas iintindihin ko na ang lahat, mas uunawain ko pa ang mga bagay-bagay at muli kong ipaparamdam sa kanila kung gaano ko sila kamahal.

Matapos kumain ay nagpaalam na akong papasok. Nagtungo na ako sa pinto at binuksan iyon. Hindi na rin masama na piliin ko namang maging masaya sa piling ng bago kong pamilya… buo at masaya.

Natigilan ako nang makita si Andrew na nakasandal sa kanyang motor at mukhang hinihintay ako. Sobrang ganda ng ngiti niya nung makita ako.

"Good morning, honeybabe." Natawa akong bigla. "Bawal umapela. ‘Yun ang gusto ko at bawal ang second opinion."

"Okay, honeybabe! Teka, kanina ka pa ba d’yan? Ba’t hindi mo man lang sinabi na hinihintay mo pala ako? ‘Sana pinapasok kita sa loob."

"Ayoko ko ngang sabihin. Hindi mo ba alam na gusto ko 'yung nabibigla ka, at magugulat na lang na may gwapong naghihintay sa'yo?"

Napangiti ako sa hirit ni Andrew at pinalo siya sa braso. "‘Yan ka na naman."

Ngumiti siya at isinuot sa'kin ang hawak niyang helmet. Habang ginagawa niya 'yon ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko. Ito na naman! Kinikilig na naman ako...

Tumingin sa akin si Andrew. "Aminin mo, kinikilig ka ‘no?" Inipit ko ang labi ko para hindi mapangiti, pero halata pa rin na hindi ko mapigilan ang kilig ko. "Aha, tama ako!"

RestartWhere stories live. Discover now