R42: Pagdurusa

4 2 0
                                    


Nilagpasan ko na lang si Andrew. Pakiramdam ko ang sikip-sikip ng lugar na 'to. Hindi ako makahinga!

Sunod kong naramdaman ay ang pagkahulog ng mga luha ko habang naglalakad paakyat sa rooftop ng ospital.

Naupo ako sa bench habang iniisip ‘yung nangyari kanina. Pakiramdam ko ang sama-sama kong anak!

Napatingin ako sa mga paang kalalapat lang kapantay ng sa akin.

Tumingala ako. "Bakit tinawagan mo siya?"

"Kailangan nilang malaman na nandito ka sa ospital," aniya sa mababang tono.

"Hindi naman grabe ang lagay ko!” asik ko. “Nahilo lang ako."

"Nahilo ka nga lang pero muntik ka ng mapahamak. Kung hindi kita nahawakan, siguradong napahamak ka na," mataas at mariin niyang sambit.

"Tama na! Kung isusumbat mo sa'kin ang pagtulong mo, sana pinabayaan mo na lang ako. Napapagod na ako! Paulit-ulit na lang!"

"Ganyan ka ba talaga kamanhid?! Hindi mo alam ang mararamdaman ng iba dahil ikaw ang nasa sitwasyon! Ikaw ang muntik ng mapahamak! Paano ‘yung mga taong nag-aalala sa'yo, Zea? Sa tingin mo ba, wala lang sa amin ang mapahamak ka?! Sa tingin mo ba, hahayaan lang kitang masaktan at mapahamak?!" sigaw ni Andrew na nagpatigil sa akin. Kitang-kita ko ang sobrang galit na bumalatay sa mukha niya dahil sa inasta ko.

Hindi ko magawang umimik.

"Ang mama mo, halos madapa, makarating lang dito. Kung makikita mo lang ‘yung pag-iyak niya kanina dahil sa sobrang pag-aalala sa’yo... Hindi mo alam ang pinagdaanan niya. ‘Yung iyak tinalo pa ang namatayan! Tapos ikaw, mag-iinarte ng ganyan? Nasaan ang isip mo, Zea?! Tao ka pa ba sa inaasta at kinikilos mo?! Nung muntik ng maaksidente ang mama mo, ba’t ‘di ka lumingon? Narinig mo ang nangyari, huminto ka nang matagal nung mga sandaling iyon! Bakit nagbingi-bingihan ka? Paano kung nabangga ang mama mo no’n? Hahayaan mo na lang? Zea naman... Mama mo iyon at hindi ibang tao. Uulitin ko, mama mo iyon!” gigil na saad ni Andrew kasunod ang pagkahulog ng mga luha sa kanyang pisngi.

"H’wag ka sanang dumating sa puntong huli na bago mo pa maintindihan ang lahat. Kasi alam mo... wala ng kwenta ang pagsisisi kung hindi ka na makakahingi ng tawad sa taong sinaktan mo. Wala ng magagawa ang pag-iyak at ang paninisi sa sarili kapag wala na ang taong mahal na mahal ka. Please lang! Please lang! Mahalin mo ang mama mo!"

Sunod-sunod na nahulog ang luha ko at malakas na napahagulgol. Kitang-kita ko ang panggagalaiti ni Andrew dahil sa sobrang galit. Kulang na lang, suntukin niya ang pader para lang mawala ang galit na nararamdaman niya.

"Alam kong mali ako sa maraming dahilan,” ani ko. “Alam ko iyon... Pero ang hindi ko alam kung bakit ang kitid ng utak ko pagdating sa pamilya, sa usaping pamilya! Naiintindihan mo ba ako?!"

"Naiintindihan kita, pero sana isipin mo rin ang mararamdam nila lalo na ang mama mo. She loves you more than you know, Zea. ‘Wag kang maging makasarili. Sinasabi ko ito dahil ayokong magsisi ka sa huli…"

Panay ang hikbi ko at parang hindi na ako makahinga sa kaiiyak… "Alam ko ang nararamdaman nila, nararamdaman ko 'yon. Alam kong nasasaktan na sila! Ang ‘di ko maintindihan ‘yung nararamdaman ko... kung bakit ako nagkakaganito?!"

Huminga ako nang malalim at tumingala, panay ang pag-agos ng mga luha. "Madalas tinatanong ko sa sarili ko kung nababaliw na ba ako sa mga inaasta ko. Hindi ko na naiitindihan ang sarili ko. Habang tumatagal, nagiging masama akong tao. Naguguluhan na ako! Kapag nasa bahay ako, para akong sinasakal ng lungkot. Hindi ako makahinga nang maayos. Alam mo ba, para akong hinihila ng antok at ayaw ng bumangon. Nasa punto na ako ng buhay ko na... na puro puti at itim na lang ang nakikita, Andrew. Hindi ko na alam kung masaya ba talaga ako dahil sa tuwing tumatawa ako, lungkot ang nararamdaman ko. Sabihin mo sa'kin? Ano bang nangyayari sa akin?!”

Nanlabot ako at napaupo na lang sa sakit na nararamdaman. Tinakpan ko ang aking mukha gamit ang mga palad ko at humagulgol nang humagulhol. “Kung nag-aalala nga sa akin si mama… Bakit, bakit pakiramdam ko, mag-isa lang ako? Ano bang nangyayari sa’kin?! Hindi naman ako ganito! Hindi!"

Naramdaman ko ang paglapit ni Andrew sa akin at ang muli niyang pagyakap.

"You’re not alone, Zea. Lagi akong nandito para sa’yo at lahat sila. H'wag mong hayaang lamunin ka ng depresyon. Kung walang kulay ang mundo mo, kukulayan natin iyan. Kung malungkot ka, araw-araw kitang patatawanin… kung hindi ka makahinga at nasasakal ka na, isipin mo lang ako o kaya tawagan mo ako. H'wag mo lang isiping mag-isa ka at malungkot. Tulungan mo ang sarili mong maging malakas, alam kong magagawa mong malagpasan ang bagay na 'to. Nasasaktan ako kapag nakikita kitang nagkakaganito, nahihirapan ako, hindi ko alam ang gagawin. Please, ayusin natin ang buhay mo. H'wag kang magpalamon sa lungkot."

Iyak lang ako nang iyak habang nakasubsob sa dibdib niya. Para akong nakalutang sa dagat ng paghihirap at sakit! "Ayoko na ng ganito! Hirap na hirap na ako!"

NANG makabalik kami sa kwarto, sandali akong iniwan ni Andrew. Binilin niya ako sa isang nurse, kaya natawa ako. Okay na ako at isa pa, ‘di naman ako magpapakamatay. Wala iyon sa isip ko. Takot masyado!

At nang makabalik siya, inayos niya ang kumot ko at naupo sa tabi ko. "Sabi ng doctor, pwede ka na raw lumabas. Pahinga lang daw ang kailangan mo. Oo nga pala, binayaran na ng mama mo ‘yung bills at umuwi na rin siya. Ang sabi niya, ‘wag mo raw pabayaan ang sarili mo at sabi ko kay mama mo, ako ng bahala sa’yo. Aalagaan kita."

"Andrew, ba’t ba ang bait mo sa'kin? Bakit sa tuwing kailangan ko ng tulong dumarating ka? Bakit–" Natigilan ako sa pagsasalita nang maglapat ang mga labi namin. Pakiramdam ko, namula ako sa ginawa niya. Gusto kong magreak pero kinain ako ng hiya.

Bakit bigla siyang nanghahalik?

"Ba-bakit mo g-ginawa ‘yon?"

"Bayad ‘yon sa ninakaw mong first kiss."

"Ano?! Wala akong utang na kiss!"

"Kung ayaw mong magbayad, pwede namang bawiin mo," hirit niya sabay nguso.

Agad kong tinulak ang mukha niya. Bakit ganito, kinikilig ako at nahihiya! Ba't kasi siya ng hahalik?! "Magpapahinga na ako!" saad ko at agad nahiga’t nagtalukbong.

"Uy, Zea, bawiin mo na ‘yung kiss!" aniya na parang batang nagmamaktol, pero hindi ko alam kung bakit ako kinikilig nang ganito. Ba’t hindi ko mapigilang hindi mapangiti? Sobrang lakas pa ng kabog nitong puso ko. Teka nga... gusto ko na rin ba si Andrew? Ano? Dalawa sila ni Eren?

Ba’t ba ang hilig ko sa one-sided? Haist! Kung magustuhan ko man si Andrew ngayon, tatanggapin ko na lang na masasaktan din ako sa huli dahil nagkagusto ako sa taong pag-aari na ng iba, taong ayaw kong bigyan ng espasyo sa puso ko noon, kaya lang... hindi ko na siya napigilan pang gumawa ng lugar dito sa puso ko.

Oo, meron na nga siyang puwang sa puso ko at kung hahayaan ko siya sa mga ginagawa niya, baka isang araw... nasakop na niya nang tuluyan ang lahat sa'kin.

To be Continued…

RestartWhere stories live. Discover now