R45: Realization

5 2 0
                                    

May suot siyang guitar case sa balikat. Diretso at matalim ang pagkakatitig sa babaeng hawak-hawak niya sa palapulsuhan.

“Bitawan mo ako, Eren!” daing ni Zyra. “Nasasaktan ako!”

"Anong karapatan mong manakit?!" bulyaw ni Eren at pagkuwa’y nilingon ang apat na babaeng kasama nito.

"Nakita mo naman ang ginawa niya sa mamahalin kong damit. Napakatanga niya! Kung babayaran niya ang damit na 'to, kulang pa ang sasahurin niya!"

Marahas na binitawan ni Eren ang kamay ng babaeng hipon. "Sige… saktan mo si Zea. Isang sampal lang, sinasabi ko sa'yo... sisiguraduhin kong malaki ang makukuhang danyos perwisyo ni Zea sa physical injury na ikakaso namin sa'yo."

"What?!"

"At 'yang damit mo, mahal? Napakapangit naman... kasing papangit ng ugali n'yo. Bago ka nga pala bumili ng mamahaling damit sa susunod, pwedeng unahin mo ‘yung pagbili ng mabuting ugali? Naiirita kasi ako sa maaarteng tulad niyo. Pinanganak lang na may kaya, kung umasta, akala mo kung sino na."

"Napakasama ng ugali mo!" naiiyak niyang sigaw.

"Mas masama ang ugali mo, ninyo. Umalis ka na dito at isama mo na 'yang mga alipores mo, kung ayaw n'yong ako mismo ang kumaladkad sa inyo palabas."

"Magsasampa ako ng kaso sa ginawa mo, at sisiguraduhin kong babagsak ang coffee shop na ito. Ipapasara ko ‘to."

Isa-isang binilang ni Eren ang CCTV sa paligid. “Do it, para mapahiya ka.” Gumuhit ang ngiti sa labi niya…  “Kung umarte ka, akala mo biktima ka samantalang ikaw naman ang pumatid sa kanya. Baka ikaw ang bobo dito. Alis mangkukulam, kung ayaw mong sa kulungan ka magpalipas ng gabi!"

Natulala talaga kaming lahat sa nangyari. Nagkatinginan na lang kami ni Mecy at natahimik. Asar na asar naman na umalis ‘yung mga babae na may mga mantsa ng chocolate sa damit. Bigla ko lang naalala ‘yung unang araw ng pag-uusap namin ni Eren, ganitong-ganito rin iyon.

"Ayos ka lang?"

Napatango na lamang ako sa kanya.

"Ang galing mo, Sir Eren! Napalayas mo ‘yung mga mangkukulam na iyon! Ang papangit, pero ubod ng aarte. ‘Yung isa nga, tabingi pa mukha!"

"Mecy," sita ni Eren na biglang ikinatikom ng bibig nito.

Ngumisi siya at agad na kumuha ng mop para maglampaso.

"S-sir?” naitanong ko. “Bakit sir?"

Ngumiti lang si Eren saka ako humingi ng tawad.

"Hala, hindi ko alam. Sorry sa ginawa kong gulo, sir!"

"H'wag ka ngang maging formal, Zea. Si papa pa rin ang boss n'yo dito."

"Kahit na, sorry talaga sa nangyari."

"Ayos lang. Ang importante naman… hindi ka nasaktan at hindi nagulo ‘yung ibang customer."

"Magkakilala pala kayo ni Sir Eren, Zea?" bulong ni Mecy na halatang hindi makapaniwala.

Nagulat din talaga ako. Sa tatlong buwan kong pagtatrabaho rito, wala akong idea na ama pala ni Eren si Sir Renjie. "Grabe! Wala akong kaalam-alam. Ibig sabihin, kung dad mo si sir... kapatid mo si Kylie?"

"Kilala mo ‘yung kapatid ko?"

Napakamot na lang ako sa aking ulo. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o kung anong ire-react ko.

"Jay, tara na." Napatingin kami sa nagsalita. Nakataas ang isa niyang kilay habang papalapit sa amin. "Nagtatrabaho siya rito?"

Tumango si Eren… "Aalis na ba tayo, Kath?"

"Oo,” sagot nung Kath, pero sa'kin pa rin siya nakatingin. “Hinihintay na nila tayo, kanina pa."

"Sige, Zea. Kailangan na naming umalis. Tawagan mo lang ako kapag nagkaroon ulit ng problema.” Tumango ako… “Usap na lang tayo sa susunod."

Bago siya umalis, ngumiti pa ito sa’kin, kaya napangiti na lang din ako. "Ayiiiie!" rinig kong pang-aasar ni Mecy, kaya naman pinandilatan ko siya. "Ikaw ah! Hindi mo sinabi na magkakilala pala kayo ni Sir Eren!"

"Hindi ko alam."

"Halata naman e. Kitang-kita sa mukha mo ang pagkabigla kanina nung makita mo ‘yung prince charming mo na niligtas ka sa mga bruhang ‘yon," nakangising sambit niya. "Ang gwapo niya, ‘diba? Kinikilig ka, ‘no?! Ayyieee!"

"Ikaw kaya ‘yung kinikilig diyan. ‘Wag mong ipasa sa'kin."

"Mecy, padala sa Table 10."

"Opo!"

Nang umalis si Mecy sa tabi ko, bigla na lang akong napabuga ng hangin. Hindi talaga ako makapaniwala. Sa dami ng coffee shop na pwede kong pagtrabahuhan, dito pa ako napunta sa coffee shop na pagmamay-ari nila Eren.

Teka? ‘Yung mascot… siya ang nagdala sa'kin dito. Hanggang ngayon, palaisipan pa rin sa akin kung sino ang mascot na iyon…

Alam ko na ngayon kung bakit laging nandito si Andrew. Bakit hindi man lang niya sinabi na pagmamay-ari pala nila Eren ang coffeshop na 'to? Napapikit na lang ako nang mapagtagpi-tagpi ko ‘yung mga bagay-bagay. Nag-sink in na din sa utak ko sa wakas…

Naalala ko na kung kanino ko narinig ang pangalang Shiena, kay Kylie. ‘Yung batang nakabangga sa'kin noon ay kapatid ni Eren. Magkapatid pala sila at anak siya ni Sir Renjie.

Siguro kaya lagi ring nakatingin sa'kin ‘yung Kath na kasama ni Eren kanina dahil kilala niya ‘yung Shiena. Kaya pala umpisa pa lang iniiwas na ako ni Jam kay Eren kasi iniisip niya na baka nakikita sa'kin ni Eren ‘yung ex niya.

Ibig sabihin ba... alam din ni Andrew na maaaring nakikita sa'kin ni Eren ‘yung ex niya? Kaya ba sinabi niya sa'kin dati na... hindi ako magugustuhan ni Eren, na masasaktan lang ako dahil alam niya?

Alam ni Andrew.

Pagka-out ko sa coffee shop, hindi ko maiwasang hindi mapatingala sa langit. Napangiti na lang ako sa taglay nitong ganda. Sobrang daming bituin. Kahit pala nalaman ko ‘yung mga bagay na 'yon ngayon, parang normal na lang. Kung kamukha ko nga siya, wala naman akong magagawa.

Napalingon ako nang marinig ang boses ni Eren sa likuran ko. Nakangiti siyang lumapit sa akin.

"Eren… Teka, pupunta ka pa ba sa coffee shop?" tanong ko, pero umiling lang siya.

"Hindi na, magsasara na rin naman ‘yun. Gusto mo bang kumain?"

Gusto ko sanang tumanggi pero nagugutom na rin ako.

"Sige ba, nagugutom na rin naman ako."

"Tara na, may alam akong masarap na kainan."

Nakangiti akong sumunod sa kanya. "Eren, may tanong ako. Bakit parang hindi ka nabigla nang makita mo ‘kong nagtatrabaho sa coffee shop ninyo?"

"Matagal ko ng alam na dun ka nagtatrabaho."

"Talaga?!"

“Hindi ko sinabi kasi ayokong mailang ka kapag nalaman mong sa'min ‘yung shop, at ayoko ring umalis ka."

Natigilan ako sa huling sinabi ni Eren.

To be Continued…

RestartWhere stories live. Discover now