R40: Deep Talks

12 2 0
                                    

Ultimate Dream.

"Naitanong ko na rin 'yan sa sarili ko, pero wala akong maisip. Siguro… pagkatapos mag-aral, magtatrabaho, pagkatapos hindi ko na alam..."

"Baka alam mo na, hindi ka lang sigurado."

"Siguro, tama ka."

"Pero mahirap naman talaga minsang isipin kung saan patungo ang buhay natin, lalo na kung hindi natin 'yon kontrolado, kasi may ibang gustong kumontrol,” aniya. “Minsan naman, may gusto kang gawin para sa iba pero ayaw nila dahil takot silang masira ang buhay mo. Meron naman na kung ano-anong kalokohan ang pinaggagagawa tapos dun pa rin pala ang bagsak.”

"Malalim ka rin palang mag-isip. Ang alam ko kasi… kapag malalim ang mga sinasabi ng isang tao, masakit ang pinagdaraanan nila."

"Ganun ka rin naman, ‘diba?" Inangat ni Eren ang kamay niya at tinuro ang kanyang dibdib. "Malalim ang sugat ko dito. Sa tuwing natatapalan ang pilat nito, bumubuka rin ulit at nadadagdagan ng panibagong sakit. Minsan nga iniisip ko kung may patutunguhan pa ba ang pinaglalaban ko, ang gusto ko."  

Natahimik ako sa huli niyang pangungusap. Ngayon ko lang naintindihan na wala kaming pagkakaiba. Nung magtagpo ang landas naming dalawa sa train station, hindi iyon nagkataon; pinagsalubong kami ng tadhana para siguro ipakita sa'kin ng mundo na hindi lang ako ang malungkot. Sa kahahanap at katatanong ko sa sarili ko noon kung may katulad ba ako, ito na’t nakatagpo na rin ako… sa katauhan ni Eren.

"Alam mo ang nakakainis? 'Yung isa pang nakakapagpasaya sa akin, hindi ko pwedeng kunin at hindi pwedeng maging akin."

"Bakit naman?"

Sandali siyang natahimik… "Hindi pwede e."

Bumangon si Eren sa pagkakahiga. Gusto ko pa sana siyang kulitin gamit ang pagtatanong, pero nahihiya na ako. Baka makulitan na siya. Baka kaya niya ako dinala rito para makinig ako sa kanya. Dapat nga siguro pakinggan ko na lang siya dahil iyon ang kailangan niya, hindi ang mga katanungan ko.

ILANG ARAW ko ng iniisip kung ano ang ultimate dream ko, pati na ang mga sinabi ni Eren nung araw na iyon. Nakakaloka talaga! Sobrang misteryoso ng buhay niya. ‘Yung sakit na nararamdaman niya... tinatago niya ang mga iyon sa salita, kagaya sa lyrics ng mga kanta. Hindi halata, pero tagos sa puso ang sakit kapag naintindihan mo ang pinagdadaanan niya’t ipinaparating.

Parang si Andrew, mukhang loko-loko, pero ang galing magpayo. Balak yatang maging pastor…

Naisip ko na lang na ipagpatuloy ang pag-ma-mop ng sahig. Napasulyap ako sandali sa paligid at may nakita akong pamilyar na mukha. Nang ibalik ko ang paningin ko para alamin kung sino siya... biglang nanlaki ang mga mata ko. Nakita ko si Andrew na nakapangalumbaba habang umiinon ng juice at nakangiting nakatitig sa'kin. Mariin kong ipinikit ang mga mata ko at inisip na sa pagdilat ng mga ito'y wala na siya.

Andrew!

Nang mapansin niyang nakita ko na siya, nakuha niya pang kumaway.

"Zea, padala naman sa Table 7."

"Sige po!"

"Ako na ang magtutuloy ng ginagawa mo," sabi naman ni Mecy at kinuha na niya sa'kin ‘yung mop. "Uy, Zea, ikaw ah! Hindi mo naman sinabi na kakilala mo pala 'yon. Nag-request nga siyang ikaw na lang daw ang magdala sa order niya. Ayieeee!"

Hindi ko magawang ngumiti dahil sa hiya, at syempre ang bilis pa rin ng kabog ng dibdib ko dahil din sa pang-aasar ni Mecy. Ano ba 'yan. Hindi ko naman inaasahan na makikita ko siya rito ngayon.

Nang makalapit na ako, inilapag ko na ang inorder ni Andrew.

"Sir Andrew Ace Matteo, your order, one dark forest frappe."

"Anong iniisip mo, Zea? Ako ba?"

Nagulat ako sa tanong niya kaya agad akong napatingin sa kanya. Ngumisi lang ang abnormal.

"Kailan mo pa nalaman na dito ako nagta-trabaho?"

"Ngayon lang. Natatawa nga ako sa’yo, kasi kanina pa kitang pinapanood, mukha kang baliw," anito kasabay ng malakas niyang paghalakhak, dahilan ng pagtingin sa'min ng ibang taong nandito.

"Andrew, ‘wag ka ngang maingay!" sita ko sa kanya, pero lalo pa siyang tumawa nang malakas.

"Sorry, hindi ko mapigilan. Hindi ko kasi alam na may pagka—" Huminto siya sa sinabi niya at tumawa uli nang malakas.

Kahit matalim na titig na ang ibinabato ko sa kanya, wala pa rin siyang pakialam. Basta tawa pa rin siya nang tawa.

Bwisit!

"Tumahimik ka na nga!"

"Alam mo ba? Kanina ko pa talagang pinipigilang tumawa, kaso hindi ko na talaga mapigilan. Muntik na ngang sumingaw sa ano... alam mo na. Nahiya lang lumabas kasi kinilig nung lumapit ka na!"

"Anong pinagsasabi mo?! Kadiri ka!"

Sa inis ko ay nilayasan ko si Andrew na patuloy pa rin sa pagtawa. Naisip kong dumiretso sa restroom at dito nanggigil sa inis... Andrew! Argh! Puro ka kalokohan! Isa pa, mukha ba akong clown sa paningin mo?! Kung makatawa ka diyan! Sarap mong tirisin!

NANG mag-uwian na, bigla kong naalala ang nakakaasar na mukha ni Andrew kanina. Naipikit ko nang mariin ang aking mga mata dahil sa inis na nararamdaman.

Hindi naman ako nainis dahil nalaman niyang nagtatrabaho ako sa UDream na madalas niyang tambayan. Dun lang talaga ako naiinis sa pang-aasar niya at pagtawa na parang takas sa mental!

Paglabas ko sa exit door, napahinto ako dahil sa biglaang pagkirot ng aking ulo. Sandali akong pumikit. Inaatake na naman ako ng migraine ko. Mga ilang saglit ay nawala rin ito, kaya ipinagpatuloy ko na ang paglalakad.

"Zea!"

Agad kong nilingon ang direksyon ng pamilyar na boses.

Nakita ko ang mga mata niyang nakatingin sa'kin at ang labi niyang nakangiti. Biglang uminit ang mukha ko nang maalala 'yung kiss.

"Alam kong gwapo ako, pero h’wag mo naman akong pagpantasyahan dito sa kalsada."

Bumuntung-hininga ako. Kaysa makipagtalo, sinang-ayunan ko na lamang siya. "Oo na lang. D'yan ka masaya e."

Namamangha siyang tumitig sa'kin. "Wow! Anong himala? Sinakyan mo ata ang biro ko ngayon?"

"Ayaw mo ba? Sige, babawiin ko na lang."

"Huwag.” Akmang aalis na ako nang pigilan niya ako. "Teka lang. Uuwi ka na, ‘diba? Sasabay na ako."

"Ano? Saan ka naman pupunta? ‘Diba sa kabila ang daan mo?"

"Paano mo nalaman?" nagtataka niyang tanong.

"Sinabi sa'kin ni Eren. Akala ko nga dati parehas tayo ng daan kasi madalas kitang nakakasabay pauwi."

"Ah, may pinupuntahan kasi ako, kaya madalas nasa iisang daan lang tayo." Magsasalita sana ulit ako pero inunahan na ako ni Andrew. "Maiba tayo. Kailan ka pa nagtatrabaho sa UDream?"

"Magtatatlong buwan na."

"Matagal na rin pala, pero hindi kita nakikita sa tuwing pumupunta ako do’n."

"Natural. Paano mo ako makikita kung pinagtataguan kita? Madalas nga kitang nakikita, pero lagi akong nagdadahilan para maiwasan ka. Nagkataon lang talagang hindi kita napansin kanina dahil nag-iisip ako at iniisip din kita."

Ano? Iniisip ko siya? Hindi! Iniisip ko ‘yung ultimate dream!

Paglingon ko, nagtama ang mga mata naming dalawa.

To be Continued…

RestartWhere stories live. Discover now