R43: Depression

4 2 0
                                    


Pagkalipas ng isang linggo…

Nagising ako sa tunog ng alarm clock ko. Masigla akong bumangon. Enrollment na naman ng first semester. Once enrolled, I’ll be officially called a third year college student. Kaunting tiis na lamang, malapit na akong grumaduate.

Nang makapagbihis, agad akong lumabas sa'king kwarto, pero natigilan ako nang makita ko si Jessa na kalalabas lang din sa kwarto niya. Ngumiti siya sa'kin, pero iniwas ko lang ang tingin ko’t naglakad na pababa. Sinilip ko si mama sa kitchen at doon ay busy siyang nagluluto. Bigla kong naalala ‘yung ginawa ko sa kanya dun sa hospital.

Umalis na lang ako at nagtungo sa pinto. Hindi pa ako handang makipag-usap sa kanya. Paglabas ko ng gate, natigilan ako sa kotseng kahihinto lang sa harapan ko. Lumabas ang nagmamaneho no’n… Sa isang kisap-mata, nawalan ng sigla ang mukha ko.

"Anak, pwede ko bang mahiram ang oras mo ngayon?"

"No, sorry. Enrollment kasi ngayon."

"Pwede ka pa namang mag-enroll sa ibang araw. I want to talk you, Zea, my princess."

"About what?" I asked.

Hindi sumagot ang ama ko. Pumasok lang ito sa sasakyan. At nang makaupo na sa driver’s seat, sinenyasan niya akong sumakay. Hindi ko alam kung bakit ako pumayag na sumama kay daddy, samantalang noon naman ay madalas akong nagdadahilan para lang makaiwas sa kanya.

Buong byahe ay tahimik lamang ako. Hindi na ako ‘yung Zea Mae na magkukwento sa kanya araw-araw. Hindi na ako ‘yung Zea na mataas ang tingin sa kanya. Hindi na ako ‘yung Zea na mabait.

Nang makarating na kami sa isang restaurant, umorder na si dad. Hinayaan ko na lang siyang pumili ng makakain namin. Napansin ko lang... ‘yung inorder niya, paborito ko lahat. Hindi ko pinahalatang natuwa ako. Akala ko kasi nakalimutan niya na ‘yung mga gusto kong kainin.

Habang kumakain, tahimik pa rin ako at inaantay ‘yung sasabihin niya.

"Zea, kamusta ka na?"

Ibinaba ko ang kutsarang hawak ko.

"Ayos lang po," maikli kong sagot.

"Oo nga pala, si Jaymie gusto ka pa ring maka-bonding. Lagi niya pa rin akong kinukulit na kulitin ka, kaso lagi kang busy. Sana anak, bigyan mo naman ng time ang kapatid mo."

Kumibo ang kilay ko. Gusto niya ba akong kausapin dahil kay Jaymie? Nakakairita, kung hindi Jessa ang naririnig ko kay mama, Jaymie naman kay dad.

"Busy talaga ako."

Tumahimik siya, kaya kumain na lang ako. Hindi nagtagal ay pinutol niya ang katahimikan. "Nalaman ko sa mama mo ‘yung nangyari sa'yo. Na-ospital ka raw?"

Nakakatuwang isipin na kahit papaano, may pakialam pa rin siya sa'kin, pero disappointed lang din ako dahil nalaman niya pa… Isang linggo na ang nagdaan e. Magaling na ‘ko. Sana nga hindi na lang niya ako kinumusta. Ang sakit kayang umasa na darating siya at bibisitahin ako. ‘Dahil sa kanila... nagsa-suffer ako sa depression.

“Ang depression ay isang mood disorder kung saan ang isang tao ay nakararanas ng patuloy na kalungkutan at pagkawala ng interes sa maraming bagay.

We’ve seen the symptoms of mild depression in you. Upon analyzing the examination and tests results, you’re dealing with Persistent Depressive Disorder or Dysthymia. Ms. Forteza, if we do nothing about your illness, and if it’s not treated right away, it may lead to severe depression. Mas mahihirapan tayong gamutin iyon. I know that everything is so hard for you right now, but don't worry, it is not permanent.

Bibigyan kita ng reseta, at ang maipapayo ko sa’yo, hayaan mong malaman nila ang sakit mo para alam ng mga nasa paligid mo ang gagawin nila. Higit na makakatulong sa'yo ang pang-unawa ng mga kaibigan mo at ng iyong pamilya.

At gaya ng sabi mo, pamilya mo ang problema mo, pero sa tingin ko, mas makakatulong kung kakausapin mo sila at sasabihin ang saloobin mo. Nagsimula ang nararamdaman mong depresyon noong kimkimin mo ang sakit na nagpapahirap sa iyo ngayon. Hayaan mong malaman nila ang pinagdaraanan mo upang maintindihan ka nila at upang mas madali kang gumaling. Sila ang tanging lunas upang bumalik ang sigla mo at upang magawa mo na ulit na humarap sa mundo nang nakangiti. Ang pinakagamot mo ay sila rin mismo, ang mga taong nakapaligid sa’yo...

Trust the process, Ms. Forteza. You will recover and you will get through this matter. I hope after this therapy, you will find light and joy again to move on with your life.”

"Zea, okay ka lang?" tanong ni dad dahil sa hindi ko pagsagot.

I sighed… "Matagal na po ‘yung tapos. Isang linggo na ang nakalipas, dad. Okay na po ako."

Sandaling nanahimik ang paligid.

"I'm sorry, anak, kung hindi ako nakapunta sa ospital. Pinilit kong pumunta, pero hindi ko nagawa dahil sa sobrang busy. Hindi ko maiwan ang trabaho ko."

"Okay lang naman kahit ‘di ka pumunta… Sanay na ako, dad. Nakauwi naman ako kahit wala ka."

"Zea…"

"Naiintindihan ko naman. Nagbago na ang lahat, at wala na akong magagawa sa pagbabago na iyon kundi ang tanggapin na lang, tama?"

Bumuntung-hininga si dad… "Zea, anak. Alam kong may tampo ka sa'kin at sa mama mo…"

Natigilan ako sa pagsubo.

"I'm sorry kung nasira namin ‘yung masayang pamilyang meroon ka noon.” Napatungo ako sa paghingi niya ng tawad. “Mahirap din para sa amin 'yon kasi... alam kong masasaktan ka namin pareho."

Sa mga sinabi ni dad, bigla na lang nagtubig ang mga mata ko. Ibinalik ko ang aking atensyon sa pagkain para mapigilan ang pagpatak ng luha ko, ngunit hindi ako nanalo. Kusa itong kumawala.

Nararamdaman ko na naman ang pananakit ng puso ko at ang pagbigat ng pakiramdam ko. Nagsisimula na namang mag-isip ng kung ano-ano ang isip ko. Mariin akong pumikit.

Alam n'yo palang mahirap para sa'kin... pero bakit ginawa n'yo pa rin? Bakit? Bakit?

Hindi n'yo talaga ako inisip dahil makasarili kayo. Kasiyahan niyo lang ang inisip niyo.

Gustong-gusto kong sabihin ang mga iyon kay daddy, pero hindi ko magawa. Gustong-gusto ko siyang sumbatan at ipakita ‘yung galit ko... pero bakit hindi ko magawa? Wala akong ibang nagawa kundi ang maiyak na lang.

"Alam kong hanggang ngayon, mahirap pa rin sa’yo na tanggapin 'yon, pero, anak... lagi mo sanang tandaan na mahal na mahal ka namin ng mama mo. Ikaw ang una naming prinsesa at hindi na 'yon magbabago kailanman."

Ang pinakagamot mo ay sila rin mismo, ang mga taong nakapaligid sa’yo...

Pinunasan ko ang mga luha ko at inangat ang aking mukha na kanina pang nakayuko.

To be Continued…

RestartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon