Part 18

19.1K 521 8
                                    


"SIGURADO ka talagang magpapaalila ka sa akin ng isang buwan?" tanong ni Bianca kay Milo.

Pagkatapos ng mahigit tatlong oras na biyahe ay narating din nila ang beach house niya sa Nasugbu, Batangas. Isa iyon sa mga property na naipundar niya mula sa pagmomodelo. Nabili niya iyon sa isang kaibigan kaya kahit ngayon lang uli siya nakauwi sa Pilipinas ay pamilyar siya sa lugar. Madalas kasi na doon sila mag-outing na magkakaibigan noong nasa kolehiyo pa sila. Nang mga sandaling iyon ay nasa loob na sila ni Milo ng bahay.

Humarap sa kanya si Milo. "Sigurado ka bang aalilain mo talaga ang kakisigan ko? Hindi mo kilala kung sino ang tatay namin ni Jared. He's a powerful man."

"At sino naman 'yang ipinagmamalaki mong tatay? Patay na ang parents n'yong magkapatid, 'di ba?"

"Si Zeus ang tatay namin. Hindi ba obvious sa pagkakaro'n ko ng Greek god features? Trust me, it runs in our blood," nagmamalaki nitong wika, mukhang inaatake na naman ng pagkaisip-bata.

"And my mother is Athena, the goddess of wisdom. Kaya pinapayuhan kitang manahimik na bago pa kita ipadala sa Hades."

Puno ng kaaliwang ngumiti si Milo. And boy, she couldn't help but stare at him secretly. Nakakaengganyo itong pagmasdan sa estadong iyon. Laging umaabot sa mga mata ng binata ang bawat pagngiti.

"Bianca..."

"O, ano na namang Greek mythology ang ibabanat mo?" napapantastikuhan niyang tanong, gayunman ay tila nais gumuhit ng isang ngiti sa kanyang mga labi. Kakaiba talaga ang binata. Ito ang unang abogado na nakilala niya na may ganoong personalidad.

Tumawa si Milo. "Sabi mo, manahimik na ako, kaya seryoso mode na 'ko. Aalipinin mo ako, 'di ba? At dito rin ako titira? Aren't you afraid of me? Tayong dalawa lang dito..." nanunudyong wika nito, ang mga mata ay nangingislap sa pagkapilyo.

Patay kang bata ka, Bianca! Bakit hindi mo naisip ang bagay na 'yan? Oo nga naman, silang dalawa lang ang tao sa beach house. At paano niya pakikitunguhan ang binata gayong makaharap lang niya ito ay bigla na lang nagririgodon ang kanyang dibdib?

"Dapat ba kitang katakutan, Milo?" Naghahamon ang tinging ibinigay niya sa binata.

"Depende 'yon sa 'yo. Pero sa pagkakatanda ko ay wala pa namang babae na natakot sa akin. They always feel safe and loved in my company. Halos ayaw na nga nilang umalis sa tabi ko kapag—"

"Bakit ganyan ka? Kalalaki mong tao, sobrang daldal mo!" nang-iinis na putol niya sa sinasabi ni Milo. Kung bakit naman kasi nakapagkit na yata sa mga labi nito ang nakakaengganyong ngiti na iyon. Hindi tuloy niya maiwasang pagmasdan ang mapupula nitong labi.

"Kanina lang sinabihan mo akong isip-bata, ngayon naman sinabi mo na lalaking palengkero ako. Aba, Bianca, nakaka-offend 'yon, ha."

Tinaasan niya ng isang kilay ang binata. "Ang tanong, na-offend ka ba?"

Abot-tainga ang ngiting sumilay sa mga labi nito. "Hindi, eh. Hindi kasi ako madaling ma-offend, Attorney Cusap."

"So, hindi ka talaga aatras, ha. Magaling kung gano'n! Anyway, gusto ko lang sabihin sa 'yo na alila kita at ako ang masusunod. Wala kang ibang gagawin kundi ang sumunod lang sa bawat naisin ko."

"Alam mo, paulit-ulit-ulit-ulit-ulit ka na. Mataas ang IQ ko kaya madali akong makaintindi," nakasimangot na reklamo ni Milo. "Oo na, gets na gets ko na ako ang alila rito. Ako ang natalo sa pustahan natin! So please stop stating the obvious already, will you?"

Bahagyang kinagat ni Bianca ang labi upang pigilan ang mapangiti. Hindi niya inakalang may lalaki palang kayang dalhin nang maayos ang pagsimangot. Iyong tipo na nakakabighaning pagmasdan at pakatitigan. Iyong tipong manggigigil ka at kapag hindi mo napigilan ang sarili mo ay pipisilin mo pa ang pisngi nito. "Good. It's clear then. Mabuti na 'yong malinaw. Sa ngayon ay matulog na muna tayo. May tatlong silid dito. Iyon ang gagamitin mo," aniya na itinuro ang magiging silid ni Milo. "This one here is mine kaya off-limits ka rito." Itinuro niya ang isa pang silid.

"Wait." Pinigilan siya ng binata sa braso nang akmang papasok na siya sa kanyang silid. Kailangan na talaga niyang maihiga ang kanyang katawan dahil hindi naman talaga siya nakatulog kahit isang minuto habang nasa biyahe sila. Sa sobrang lakas ng epekto ng presensiya ni Milo ay napupuno niyon ang buong sasakyan.

"Alisin mo 'yan!" utos niya na ang tinutukoy ay ang kamay ni Milo na nakahawak sa kanyang braso. May naramdaman kasi siya na kung anong init mula sa palad nito. Para ngang napaso siya sa init na iyon kaya bahagya siyang napaigtad nang magdaiti ang kanilang mga balat. Naramdaman na niya iyon dati noong una silang magkita. Pero tila mas lumakas ang init na hatid ngayon ng binata dahil hawak pa lang nito ay napapaigtad na siya.

"Grabe ka naman kung makapag-react. Parang gusto ko na tuloy ma-offend. Wala naman akong sakit, walang virus o bacteria na nakakapit sa katawan ko. I'm healthy from head to toe."

"Mabuti na 'yong sigurado," ani Bianca na inirapan ang binata. Kasabay kasi ng init na hatid ng palad nito ay ang pagwawala ng kanyang puso. "Sa dami ng dumaang babae diyan sa palad mo, eh, malay ko ba, 'no. Baka may naiiwan pa diyang germs. Eeww!"

"I don't usually bother explaining myself to others. Bahala na silang paniwalaan ang gusto nilang paniwalaan tungkol sa akin. But not this time. I felt like I need to defend myself. Ito lang ang masasabi ko, my dear Bianca, huwag kang masyadong maniwala sa lahat ng nababasa at naririnig mo tungkol sa akin, okay?" Huminga nang malalim si Milo. "Oh, well, eventually you'll understand what I'm trying to say."

Love On Trial (Completed)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن