Part 16

19.3K 537 19
                                    

IILING-ILING na pinatay ni Bianca ang kanyang telebisyon. kahit saan niya ilipat ang channel, pareho pa rin ang balita. Kung ganoon ay naging sensational talaga ang kaso gayong noong nagaganap pa lang ang mga court hearing ay sa simula lamang iyon sinubaybayan ng media.

Pero nang lumabas ang balita na natalo sa unang pagkakataon si Atty. Michael Lorenzo Montecillo ay para iyong apoy na kumalat. Hindi lang pala si Milo ang sikat ngayon kundi palagi na ring nababanggit ang kanyang pangalan. Lahat ngayon ay nagtatanong kung sino siya. Nang huli siyang mag-check sa Internet, natuklasan niyang isa ang pangalan niya sa most searched sa Google at Yahoo! Philippines. Kung dati ay ang mga fashionista lang ang nakakakilala sa kanyang pangalan, ngayon ay bukambibig na iyon ng mas marami.

Nag-trending din sa mga social networking site ang mga pangalang Bianca Cusap at Milo Montecillo. May lumabas sa isang online page ng litrato niya pati na ang kay Milo at sa malas ay tila pinagpapares sila ng binata na animo love team. Muntik na niyang maibuga ang iniinom kanina nang makitang libo-libo agad ang miyembro ng page na iyon. Nakalagay rin doon ang mga detalye ng buhay niya—mula sa pagiging dating mayaman ng kanyang pamilya, sa pagbagsak ng kanilang negosyo, at ang pagiging modelo niya sa Paris. Kasabay niyon ay dinagsa rin ang account niya ng mga hate comment na malamang ay galing lahat sa mga tagahanga ni Milo. Naiintindihan niya iyon dahil hindi talaga maiiwasan ang ganoon.

Nabulabog na ang katahimikan ni Bianca. Patunay roon ang mga reporter na nagka-camping na yata sa labas ng bahay nila sa pag-asang makakuha ng interview sa kanya. Kaya hayun siya ngayon at hindi makalabas ng bahay. Mabuti na nga lang at wala pa roon ang kanyang papa. Nasa Paris pa rin ito at sa susunod na buwan pa ang balik.

Kung tutuusin ay hindi naman talaga sa kanya ang panalong iyon. Panalo iyon ng kung sinumang nag-iwan sa labas ng pinto nila ng isang selyadong envelope. Balak talaga niyang mag-imbestiga at alamin kung kanino galing ang mga ebidensiya. Pero tila malabo pa niyang magawa ang pag-iimbestiga dahil sa mainit na sitwasyon ngayon. Kaya umupa na lang siya ng private investigator para alamin kung sino ang nasa likod ng kanyang pagkapanalo. Matay mang isipin ay wala talaga siyang maisip na puwedeng gumawa niyon. Sino ang may-ari ng sealed envelope?

Ah, baka isa sa mga abogadong natalo ni Milo sa kaso at ngayon ay gumaganti sa pamamagitan niya. Hindi si Bianca ang nagtrabaho para sa mga ebidensiyang iyon kaya hindi nararapat na siya ang papurihan para doon. Hindi siya kailanman magiging proud na mag-take credit para sa isang bagay na hindi niya ginawa. Gayunman, aminado siya na dapat niyang ipagpasalamat ang mga dokumentong iyon. Dahil doon, hindi nawala kay Yaya Rosa ang mga anak nito.

May nabuo nang plano si Bianca. Hahayaan muna niyang humupa ang excitement ng mga tao dahil sa mga pangyayari. Uuwi muna siya sa kanyang beach house habang mainit pa ang issue. Pagkatapos ay saka siya pupuslit palabas ng bansa para bumalik sa Paris, hindi para rumampa na naman kundi para gawin ang isa pa niyang hilig—ang photography. Ayaw niyang maakusahan na nakikisakay sa popularidad ni Milo kaya papapayapain na muna niya ang sitwasyon.

Ang tanong lang ay kung paano siya makakalabas ng bahay nang buhay. Sa tingin niya ay hindi lamang mga reporter ang naroroon kundi mayroon ding die-hard fans ni Milo na mukhang matindi ang galit sa kanya. Nabasag pa nga ang isang bintana nila dahil may bumato roon. Ayaw naman niyang tumawag ng pulis dahil baka lalo pang dumami ang mga reporter, nakikiusyoso, at mga naiinis sa kanya.

Napangiti si Bianca nang maalala ang pustahan nila ni Milo. Oh! May alila nga pala ako... Inabot niya ang kanyang cell phone at idinayal ang number ng binata. I-s-in-ave kasi niya ang numero ni Milo noong tumawag ito sa kanya. Mayamaya lang ay narinig na niyang nag-ring ang kabilang linya.

"You know what? Waking me up in the middle of sleep is a privilege limited only to my family and friends," sabi ni Milo nang sagutin ang kanyang tawag. Hindi maitatangging naistorbo nga niya ang tulog ng binata base sa namamaos nitong boses. Bagaman nahimigan din niya ang bahid ng tuwa sa boses nito. O baka mali ang kanyang pagkakaintindi.

Aba, at nakakatulog pa pala ang lokong 'to pagkatapos ko siyang patikimin ng unang pagkatalo niya. Samantalang ako, heto at namomroblema! Ani Bianca sa isip. "Well now, you can include me in your list," mataray niyang balik kay Milo bagaman hindi niya maintindihan kung bakit kumabog ang kanyang dibdib sa bedroom voice nito.

Saglit na tumahimik sa kabilang linya, kapagkuwan ay bigla na lang humalakhak si Milo. "The last time I checked, you are not family or even a friend. So, saang category ka kabilang?"

"I'm your master. Natalo ka sa pustahan natin, 'di ba? You are my slave for a month." Kung hindi lamang niya kailangan ng tulong ni Milo ay nunca na tawagan niya ito. Kung bakit naman kasi parang nagkaisa sina Belinda at Krystyn sa pagbale-wala sa mga tawag niya. Wala tuloy siyang choice ngayon kundi ang humingi ng tulong kay Milo.

She heard him groan. Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. She found the sound so masculine and sexy.

"Well, puwede ka namang hindi tumupad, Attorney, eh. Hahayaan kitang umatras sa pustahan natin. Bawiin mo ang salita mo, okay lang sa akin, walang problema," hamon niya kay Milo, bagaman alam niyang hindi iyon papatulan ng binata. Kilala si Milo at ang mga kaibigan nito sa pagpapahalaga sa salita ng mga ito.

"Back out? Sinira mo na nga ang malinis kong record na walang natalong kaso, 'tapos ngayon ay gusto mo ring masira ang pagkakaro'n ko ng isang salita?"

"Binibigyan lang naman kita ng option, Milo."

"Option... yeah, right. So what is your business with me at this very comfortable hour, your highness?" tanong ng binata at diniinan pa ang mga katagang "comfortable hour."

Tumikhim muna si Bianca bago inilahad sa binata ang gusto niyang mangyari. "G-gusto ko sanang s-sunduin mo ako rito sa bahay."

"Sunduin? Attorney Cusap, are you asking me out on a date?" may bahid ng panunudyong ang boses na tanong nito.

"Huwag kang assuming, Milo!" angil niya. Sanay siya sa mga lalaking tulad ni Milo, pero iba ang epekto nito sa kanya. Nagpakawala siya ng buntong-hininga. "Kailangan ko ang tulong mo. Hindi umaalis ang mga reporter sa labas ng bahay ko at mukhang nag-camping na sila ro'n."

"Mga reporter? It seems I've made you quite famous, huh?"

Itinirik niya ang kanyang mga mata. "Milo, wala akong panahon para makipaglokohan sa 'yo, okay? I am quite famous in my own right, hindi ko kailangan ang karagdagan pang kasikatan. Isa pa, dapat lang na mailayo mo ako mula sa mga tagahanga mong nandito at gusto na yata akong patayin."

"What happened?" Agad na nawala ang panunudyo sa boses ng binata at tila dagling nag-switch sa pagiging seryoso.

Bigla namang lumitaw sa isip ni Bianca ang imahe ng isang seryosong Milo. Agad niyang ipinilig ang kanyang ulo para itaboy iyon mula sa isip niya. Kahit kasi seryoso ay makatawag-pansin pa rin ng karismang taglay ng binata. "Binabato na nila ang mga bintana. Hindi na sila makontrol ng mga guard dito sa bahay. I can't go out. Either you get me out of here or I'll call the police. At kapag ginawa ko 'yon, malamang na madadamay ka ri—"

"But are you okay?" putol ni Milo sa sinasabi niya.

Napalunok siya. Kahit kasi sa telepono ay malinaw niyang nahimigan ang pag-aalala sa tinig ng binata.

"Stay put, Bianca. I'll be there as soon as I can. Huwag mong i-off ang cell phone mo, tatawag ako kapag malapit na ako sa bahay mo. Are you sure you're okay?"

Hayun na naman ang nag-aalalang tinig ni Milo. Tila iyon humahaplos sa puso ni Bianca. Pakiramdam niya ay tumatagos sa kaibuturan ng kanyang puso ang pag-aalala nito. "I-I am..." 

Love On Trial (Completed)Where stories live. Discover now