Part 10

19.5K 527 7
                                    


"KUMUSTA ang kaso, Bianca?" agad na tanong ng mga kaibigan niyang sina Krystyn at Belinda. Kadarating lang ng mga ito.

Inalis ni Bianca ang suot na salamin sa mga mata at tinaasan ng isang kilay ang dalawang bruha na inokupa ang upuang nasa harap niya. "Sigurado ba kayo na ang kaso ang kinukumusta ninyo at hindi si Milo? Huwag kayong magde-deny at kayo ang pagbabayarin ko ng bill natin mamaya." Alam niyang mas interesado ang mga ito na makarinig ng balita tungkol kay Milo kaysa sa kaso. Hinding-hindi rin niya malilimutan na muntik na siyang mabingi sa lakas ng tili ng mga kaibigan ng malamang si Milo ang isa mga makakaharap niya sa korte.

"Bakit, kailan ba kami nag-deny?" natatawang sagot ni Krystyn. "Kapag kinumusta namin ang kaso, automatic na kasama na ro'n si Attorney."

Napasimangot na lang si Bianca.

"Dyaran! Mahal ang bayad ko rito, pero sulit na sulit naman!" tumitiling wika ni Belinda bago ipinakita sa kanila ni Krystyn ang isang magazine.

Kulang na lang ay maging hugis-puso ang mga mata ni Krystyn. "Saan ka nakakuha ng kopya niyan? Sold-out na 'yan at marami ang nagre-request na i-reprint 'yan."

"At isa ka sa mga nagre-request na 'yon!" natatawang sabi ni Belinda. "Nakita ko 'to sa isang tauhan ko. Aba at ang gaga, tinaga ba naman ako sa presyo! Pero okay lang, walang problema. Matagal ko nang pinapangarap na magkaro'n ng kopya nito."

Naitirik ni Bianca ang kanyang mga mata. Kung mag-usap ang mga kaibigan, animo hindi siya kasama ng mga ito. Talagang dead-ma ang beauty niya. Kahit siguro bigla siyang maglaho ay hindi mapapansin ng mga kaibigan.

"Ano ba 'yan?" hindi na nakatiis niyang tanong.

Sabay pang bumaling sa kanya sina Belinda at Krystyn. "Ay, nandiyan ka pala, Bianca? Kanina ka pa ba diyan?" wika ni Krystyn, pagkatapos ay humalakhak na halos lumabas na ang mga ugat sa leeg.

Sa inis ay dinampot ni Bianca ang kanyang bag at humanda na para mag-walk out. Ngunit agad siyang nahawakan ni Belinda at muling pinaupo.

"Umiiral na naman ang pagiging balat-sibuyas mo. Huwag ka nang magtampo, babahaginan ka namin ng grasya," sabi ni Belinda.

"Hindi ako interesado sa kung ano man ang nilalaman ng magazine na 'yan," nanunulis ang ngusong wika ni Bianca. Minsan talaga ay kayang-kaya siyang pikunin at pagtulungan ng mga kaibigan. Kunsabagay, nagsimula lang naman iyon dahil kay Milo. Maging siya ay nagtataka sa nararamdaman sa abogado.

"'Sus! Baka oras na makita mo kung sino ang naririto sa magazine, bigla mong bawiin ang sinabi mo."

"Try me," hamon niya.

Nagkatinginan muna ang dalawa bago inilapag ni Belinda ang magazine sa mesa. "This is the Inside magazine. Ang magazine na 'to lang ang nagkaro'n ng pagkakataon para ma-interview si Milo at ang anim pa niyang kaibigan. Isang pribilehiyo na once in a blue moon lang mangyayari. They even did a photo shoot and trailed the men for a day to get a glimpse of how they went about their day."

"Patingin na nga ng laman niyan, bilis!" tila hindi makapaghintay na sabad ni Krystyn. Agad namang binuklat ni Belinda ang magazine at bumulaga sa mga mata nila ang full body shot ni Milo noong teenager pa lamang. His eyes were full of life. At kitang-kita na nag-uumapaw na ang charm ng binata sa ganoong edad.

"Payag na payag akong maging cradle snatcher sa larawang 'to ni Milo," malanding pahayag ni Krystyn.

Inilipat ni Belinda ang pahina. Mga larawan pa rin iyon ni Milo habang nagkakaedad. Ang bawat larawan ay may kuwentong kaakibat sa ibaba niyon. Kung tagahanga lamang si Bianca ni Milo, masasabi niyang collectible item nga ang magazine na iyon. Sa pamamagitan kasi niyon ay parang nasusundan mo na rin ang buhay ng binata mula pagkabata hanggang sa paglaki.

Napansin ni Bianca na habang lumalaki si Milo ay tila nag-iiba rin ang mensaheng hatid ng ngiti nito. When he was younger, his smile was full of innocence. And then it became a friendly smile, then a charming one, and then it acquired a hint of naughtiness, until it became an irresistible smile. Irresistible, dahil mahihirapan kang bale-walain at hindi pansinin ang ngiting iyon. It was very sensual.

"Nakapagtataka kung bakit walang girlfriend si Milo," ani ni Belinda kapagkuwan.

"At naniwala naman kayo na walang naging girlfriend 'yan? He's a playboy, for Pete's sake!" Hindi naiwasang mag-react ni Bianca. Kung akitin nga siya ng ngiti ni Milo ay ganoon na lang. Mabuti na nga lang at hindi na nasundan pa ang encounter nila ng binata pagkatapos ng nangyari sa loob ng ladies' room. Ginawa niya ang lahat para maiwasan na mapagsolo sila. At tumigil naman ang binata. Marahil ay na-realize din ni Milo na wala itong mahihita na ano man sa kanya. Na hindi siya katulad ng ibang babae na sobrang malulugod sa atensiyon na ibinibigay nito.


Love On Trial (Completed)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang