Part 2

24.9K 689 32
                                    


Atty. Michael Lorenzo Montecillo was staring at her!

Kahit hindi pa niya nakakaharap ni minsan, marami na siyang alam tungkol sa binatang abogado. Nasa Paris pa siya noon nang mabasa sa isang pahayagan ang isang controversial na kaso na hinawakan at naipanalo ni Atty. Montecillo nang walang kahirap-hirap. No, she wasn't a big fan of his. Gayunman ay hindi pa rin niya mapigilan ang sarili na alamin ang mga bagay-bagay tungkol sa binata.

Ayon sa mga magazine na kanyang nabasa, sa Harvard Law School nagtapos si Atty. Montecillo. At sa buong karera ng binata ng pagiging abogado, hindi pa ito natatalo sa mga kasong hinawakan. Malakas ang presensiya ni Atty. Montecillo sa loob ng korte at nakakatulong siguro iyon para ma-intimidate ang mga kalaban nito.

Maraming fans ang binatang abogado, huwag nang sabihing magaling talaga itong abogado, kundi dahil sa hindi matatawaran nitong kaguwapuhan. He had broad shoulders and a smile that could brighten up your day. Kung hindi mo kilala ang binata, hindi mo iisiping isa itong abogado. Atty. Montecillo had an engaging, charming character. Laging maaliwalas ang aura ng binata. Palangiti at palabiro din ito. Well, iyon ay ayon sa kanyang mga nabasa.

Bahagyang natensiyon si Bianca nang mula sa sulok ng kanyang mga mata ay napansin niyang patungo sa kanyang direksiyon ang abogado. But she kept her poise; after all, she was a supermodel. Anong silbi ng pagiging catwalk diva niya kung hindi maipo-project nang maayos ang kanyang tindig. Hinagilap niya ang kanyang cell phone at kunwari ay nagkutingting doon kahit ang totoo ay wala talaga roon ang kanyang atensiyon kundi sa binatang ilang hakbang na lang at nasa tapat na ng kanyang mesa.

"Hi," anang baritonong tinig.

Hindi iyon pinansin ni Bianca at nagkunwaring abala pa rin sa cell phone.

"Hi again," muling wika ni Atty. Montecillo pagkatapos tumikhim.

Susme! Parang DJ pala ang boses ng abogadong 'to! Hinamig ni Bianca ang sarili bago nagtaas ng tingin na muntik na niyang ikawindang. Mabuti na lang at napigilan niya ang sarili na mapasinghap dahil tumambad sa kanyang mga mata ang pamosong ngiti ng binata. Ilang beses na niya iyong nakita sa mga magazine at sa telebisyon, pero iba pala ang dating kapag nasaksihan mismo ng mga mata mo ang ngiting iyon. It was definitely very charming. Kahit siguro ang pinakamasungit na tao ay mapapaamo ng ngiting iyon. It was so sensual, iyong tipong nang-aakit na ewan. Iyon siguro ang dahilan kung bakit ngiti pa lang ng binatang abogado ay kinikilig na nang todo ang mga babae.

"Do I know you?" wika ni Bianca sa aral na paraan ng pananalita. Dahil sa abogadong ito ay naging ultimate crush niya si Orlando Bloom. Sa tingin kasi niya ay malaki ang pagkakahawig ng dalawa, lalo na noong panahong gawin ni Orlando Bloom ang pelikulang Troy. Sa pagkakaalam niya ay nasa early thirties na si Atty. Montecillo pero hindi iyon halata sa masayahing aura ng binata. Nakangiti ang mga labi ng binata at ganoon din ang mga mata nito.

"I'm afraid not, but I am more than willing to introduce myself," nakangiti pa ring wika binatang abogado. Walang paalam na inokupa nito ang upuang katapat ng inuupuan niya kahit na hindi naman niya ito iniimbitahan. "Hi again. My name is Michael Lorenzo Montecillo, 'Milo' for short," anito habang deretsong nakatingin sa kanya kasabay ng muling pagsilay ng isang ngiti sa mga labi. Inilahad nito ang kamay sa kanya.

Ngiti pa lang ulam na talaga! Hinamig uli ni Bianca ang sarili at sinaway ang biglang kinilig na puso. Oo, aminado siya na malaki ang epekto sa kanya ni Milo at ng ngiti nito. Gayunman ay alam niya kung paano guwardiyahan ang sarili mula sa kilig na iyon. She didn't want to get involved with this man. She didn't want to fall for his charming looks, his expressive eyes, and his sensual lips. Ayaw niyang masaktan at mapabilang sa mga babaeng halos lumuha ng dugo dahil sa pag-ibig. Ayaw niyang danasin ang sakit na dinanas ng ama nang iwan sila ng kanyang ina at piliing sumama sa ibang lalaki. Hindi lumaking galit sa mundo si Bianca dahil doon, pero sa tingin niya ay walang masama kung bantayan man niya ang kanyang puso. Mas mabuti na iyong nag-iingat kaysa mapahamak.

Binale-wala ni Bianca ang kamay ni Milo at pilit naglagay ng emosyon sa kanyang mukha na nagsasabing hindi siya kabilang sa mga babaeng agad pumupungay ang mga mata para magpapansin dito.

Desimulado namang binawi ng binata ang kamay. "I just have one question, if you don't mind."

May diperensiya na ba ang pandinig ko? Bakit tila musika ang dating ng tinig ni Milo sa tainga ko? "I do mind," kunwari ay mataray na wika niya.

Pero mukhang hindi apektado ng pagtataray niya si Milo. "I'll ask, anyway, Uhm... Miss, medyo naguguluhan lang kasi ako. Puwede mo bang sabihin sa akin kung magugunaw na ang mundo?" anito at tumitig na naman sa kanya.

Naitirik ni Bianca ang mga mata. This man sure knew how to use his charm. Kung tumitig kasi ay tila tagos hanggang buto. Huhulihin talaga nito ang mga mata mo hanggang sa magsalubong ang inyong mga paningin.

"Magugunaw na 'kamo ang mundo? Bakit? Dahil bumaba na sa lupa ang mga anghel na tulad ko?" pambabara niya sa binatang abogado kahit nais niyang mangiti sa sinabi nito. "Lumang style na ang ganyan. Kung magpapapansin ka sa akin, 'yong original pick-up lines naman ang gamitin mo."

Sa halip na mapahiya ay bumakas pa ang amusement sa mga mata ng binata, pagkatapos ay nagkamot sa ulo. He looked so cute when he did that.


:D :D

Love On Trial (Completed)Where stories live. Discover now