Part 15

18.6K 497 16
                                    


"NAGSISISI ka ba sa ginawa mo?" tanong ni Randall kay Milo. Magkakasama silang magkakaibigan at tanging si Miro lang ang wala. Sa pagkakataong iyon, nagkita-kita sila hindi para mag-celebrate ng kanyang pagkapanalo sa isang kaso kundi para damayan siya ng mga kaibigan sa kanyang unang pagkatalo. Tapos na ang kaso at talo ang team niya. Inutusan din ng korte ang DSWD at ang Carla Foundation na bigyan ng kaukulang halaga si Rosa bilang kabayaran sa damage na nilikha ng kaso sa babae.

"Kung nagsisisi ako na ibinigay ko ang mga ebidensiyang 'yon kay Bianca?" ani Milo na tumingin sa mga kaibigan. Ang totoo ay sa kanya nanggaling ang mga ebidensiyang ipinrisinta ni Bianca sa korte. Iyon ang dahilan kaya nanalo ang dalaga at nagkaroon ng dungis ang kanyang record. "Nope," umiling-iling pa niyang sabi. "In the first place, kaya ako nag-abogado ay para maglabas ng katotohanan at hindi para magtago n'on."

Iyon ang bagay na personal na tinutukan ni Milo sa mga nakalipas na buwan. Oo nga at iisa ang sinasabi ng mga DNA result pero sa kung anong dahilan ay tila may nagbulong sa kanya para imbestigahan ang kaso. Lalo na kapag nakikita niya ang paghihirap sa luhaang mukha ni Rosa kapag nasa loob sila ng korte. Marunong magbasa ng body language si Milo at tuwina ay napapakinabangan niya iyon sa mga kasong hinawakan. Kaya basang-basa niya sa mga kilos ni Rosa ang paghihirap at ang pagsasabi nito ng totoo. Controverting scientific evidence had not been part of his plan but he did it, anyway. Tumutok si Milo sa pagbabasa at pagsasaliksik tungkol sa genetics at doon nga niya nadiskubre ang pambihirang kaso ng chimera.

Aaminin niya na natukso rin siyang itago na lamang ang kanyang mga nasaliksik, pero sa bandang huli ay nanaig ang kabutihan ng kanyang puso. Pinalaki silang magkapatid ng kanilang mga magulang na patas at makatarungan. Kung pinili kasi niyang sarilinin ang mga natuklasan ay siguradong nanalo ang prosekusyon. Pero hindi iyon kaya ng konsiyensiya ni Milo. Kahit marami ang nagsasabing sinungaling ang mga abogado, hindi siya ganoon. Natalo man sa kaso, kaya naman niyang maglakad nang tuwid at nakataas ang noo. Alam niyang ginawa niya kung ano ang nararapat.

"I'm so proud of you, Michael Lorenzo," wika ni Jared na hindi maitago ang pagmamalaki sa tinig.

"We're all proud of you, Milo," segunda naman ng lahat.

"Thanks. Magaan ang loob ko dahil malinis ang konsiyensiya ko. Kaya puwede ba, alisin n'yo nga sa pagmumukha n'yo 'yang ekspresyon na 'yan na parang namatayan kayo!" natatawang wika ni Milo.

Hindi naman talaga mabigat ang kanyang loob. Wala siyang nararamdamang kahit katiting na pagsisisi. Ano naman kung natalo siya sa unang pagkakataon? Ang importante sa kanya ay alam niya ang totoo. Iyon lang ang mahalaga sa kanya. Ang isa pang dahilan kung bakit siya natutuwa ay dahil makakasama na rin niya sa wakas si Bianca. He would be her slave for a month. Sa bagay na iyon pa lang ay nakakadama na siya ng kakaibang excitement at thrill. Plano niyang ligawan ang dalaga at iparamdam dito na seryoso siya sa kanyang nararamdaman.

"May plano ka bang sabihin kay Bianca na sa 'yo nanggaling ang mga ebidensiyang 'yon?" tanong ni Arthur Franz o Art.

Umiling si Milo. "At sana, walang lalabas na magmumula sa inyo."

Sumang-ayon ang lahat.

"So, paano ngayon 'yan? Mainit ang pangalan mo, pinagpipiyestahan ng sambayanan ang pagkatalo mo. Imagine, minani mo lang 'yong mga mahirap na kaso, pero itong isang 'to na akala ng lahat ay sisiw lang para sa 'yo, ang magtatala pala ng una mong pagkatalo," sabi ni Mike.

"Lilipas din 'yan," nagkibit-balikat na sagot niya.

"Paano mo nga pala nalaman ang tungkol sa bagay na 'yon, Milo?" tanong ni Pierro.

Ngumiti siya. "Rosa's body language, I guess. Hindi ko makitaan ng butas ang kilos niya para masabi kong nagsisinungaling siya. Kaya nag-imbestiga ako. Natatandaan kong may nabasa akong kaso tungkol sa pambihirang genes na 'yon years ago. Nagduda kaagad ako. I knew I could win the case easily, pero alam kong hindi 'yon magiging patas. Rosa was five months pregnant then."

"So, that's it! Kaya ka ba gumawa ng delaying tactics ay para mahintay mo ang panganganak ni Rosa at patunayang nagtataglay ng ganoong chimeric genes ang mga Artemio?" pag-aanalisa ni Mike.

Tumango si Milo. "Yeah. Palihim kong ipinadokumento ang lahat mula sa panganganak hanggang sa DNA testing ng bagong silang na sanggol ni Rosa. At tulad ng inaasahan, hindi rin match ang DNA ng sanggol sa DNA ni Rosa gayong malinaw na anak 'yon ni Rosa." Iyon ang inasikaso niya kaya itinigil muna niya ang paglapit-lapit at pangungulit kay Bianca. Masyado niya iyong tinutukan at ang mga research na isinagawa niya kaya dumistansiya muna siya sa dalaga. Sumaglit din siya sa Washington at sa Boston para personal na kausapin ang mga pamilyang nagtataglay ng chimeric genes. Personal din niyang dinala ang blood sample ni Rosa sa Boston para ipasuri iyon sa mga dalubhasa kung chimera case din ba iyon. Hinintay pa niya ang DNA test result ng bagong silang na sanggol kaya kinailangan niyang gumawa ng delaying tactics upang maantala ang paglilitis.

"I wish I was there. Hindi ko ma-imagine kung ano ang naging reaksiyon ng judge nang iprisinta ang ebidensiyang 'yon. For sure, marami ang na-shock sa pagkatalo mo," sabi ni Art.

Nakangiting nagkibit-balikat si Milo. "Nasa'n nga pala sina Miro at Margaux?"

"Abroad again," sagot ni Art.

"I'll call Miro," ani ni Jared kapagkuwan.


Love On Trial (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon