Part 8

19.7K 563 13
                                    


ILANG beses na pinuno ni Bianca ng hangin ang kanyang baga, pagkatapos ay ibinubuga iyon. Kinakabahan siya. Iyon na kasi ang sandaling maghaharap sa unang pagkakataon ang prosecution at defense panels. Hindi niya alam kung sino pa ang makakatunggali niya sa korte dahil ang alam pa lang niya ay iyong abogado mula sa DSWD. Tiyak na may ibang abogado pa sa panig ng prosecution kaya lalo siyang kinakabahan. Hindi kailanman pumasok sa isip niya na masasamahan ng mga court hearing ang bakasyon niya sa Pilipinas.

Muli siyang huminga nang malalim bago ipinasyang lumabas na ng ladies' room. Nakasuot siya ng formal suit at mahipid ang pagkakaayos ng kanyang buhok. Nagsuot din siya ng makapal na eyeglasses para kahit paano ay maitago niyon ang kanyang mga mata.

Sa fashion industry, kabi-kabilang mga papuri ang kanyang natatanggap sa maayos na pagdadala ng mga iminomodelong damit o kung anumang produkto. Ngayon ay hindi siya sigurado kung na-achieve ba niya ang nais na lawyer look, bagaman siniguro niyang poised pa rin siya habang naglalakad.

"Santisima!" gulat na bulalas niya nang pagbukas ng pinto ng banyo ay tumambad sa kanyang paningin ang isang malapad na dibdib kung saan muntik na siyang bumangga.

"Ang guwapo ko namang multo para magulat ka nang ganyan, Bianca," anang isang pamilyar na tinig na ikinapitlag ng kanyang puso. Bago pa niya namalayan kung ano ang nangyayari ay nakapasok na sa loob ng banyo ang pangahas na lalaki at ini-lock pa ang pinto.

"M-Montecillo! I... I mean, Attorney Montecillo, what are you doing here?" tanong ni Bianca at napaatras. Inalihan na naman siya ng kaba. Sa mabilis na pagsulyap kasi niya kay Milo ay nakita niyang naka-formal attire din ito. Pero hindi talaga iyon ang nagpapakaba sa kanya, kundi ang kaalamang kasama niya ang binata sa maliit na espasyong iyon. Presensiya pa lang ng binata ay sapat na para lalong sumikip ang comfort room.

Pero bakit ganoon? Pangalawang beses pa lang nila iyong paghaharap ni Milo pero ganoon na ang kanyang reaksiyon.

Napalunok si Bianca at hindi naiwasang palihim na sulyapan uli ang binata. Expressive talaga ang bilugan nitong mga mata na abuhin ang kulay. Ang ilong ay aakalaing perpekto sa tangos pero sa ganoong kalapit na distansiya ay makikitang bahagyang tabingi iyon. Gayunman ay tila lalo iyong nakadagdag sa kakaibang appeal ng binata. Bukod sa smiling face ni Milo ay hindi rin maaaring hindi mapansin ang cleft chin nito. It made him look so sexy, and so did his lips. Tila nakakaengganyong pagmasdan ang bawat pagkibot ng mga labi ng binata. Nahahalina rin sa amoy ni Milo ang ilong ni Bianca. Para siyang tinutukso ng suwabeng bango ng binata para ipikit niya ang mga mata at langhapin iyon. Sa trabaho niya bilang modelo, marami na siyang nakasalamuha at naamoy ng mga lalaking modelo, pero walang ganoong epekto iyon sa kanya.

"Here where? Here in court? Or here inside the ladies' room?" anang tinig ni Milo na nagpabalik kay Bianca sa realidad. Alam kaya ng binata na parang may mga dagang naghahabulan sa loob ng kanyang dibdib kaya may mapanuksong ngiti na nakapaskil sa mga labi nito? Bakit tila may mga kumikislap na ilaw na nagsasayaw sa mga mata nito? And he was gazing at her like crazy.

"Ano'ng ginagawa mo rito sa loob ng ladies' room? Babae ka na ba ngayon, Montecillo?" kunwari ay pagtataray ni Bianca. Kailangan niya iyong gawin para maitago ang nerbiyos na nararamdaman—nerbiyos na noon lamang niya naramdaman sa isang lalaki. Milo stood magnificently tall. Ang malapad na kaha ng katawan nito, ang kakaibang presensiya, at ang katangkaran ay sapat na para pangilagan ito ng marami. Mabuti na lang at matangkad din siya at sanay humarap sa mga tao, kung hindi ay tiyak na mai-intimidate siya sa binata. Oh, well, she was intimidated, she just knew how to hide it.

"Ako, babae? Really, naisip mo talaga 'yan?" sabi ni Milo na may kakaibang ngiti sa mga labi. Humakbang na naman ito palapit sa kanya. Umatras si Bianca ngunit ilang hakbang pa lang ay bumangga na ang likod niya sa malamig na pader. Wala na siyang mapupuntahan.

"W-what are you doing?" angil niya nang makalapit sa kanya ang binata at isang dangkal na lang yata ang layo ng kanilang mga katawan. Sa sobrang lapit ay halos magkapalitan na sila ng hininga ng binata. Para siyang nakikiliti na ewan tuwing tatama ang hininga nito sa kanyang mukha.

Jeez, Bianca! Napagtuunan mo pa talaga ng pansin kung gaano kabango ang hininga ni Mr. DJ-slash-super hunk Attorney-slash-Mr. Jaw-dropping-smile?

"What am I doing? I haven't done anything yet, honey. Gagawin pa lang. But what will I do? Let's see..." mahinang wika ni Milo bago inalis ang salamin ni Bianca sa mga mata at inilapag sa sink. His eyes never left hers.

Bakit hindi siya makagalaw para magprotesta? Bakit hindi niya magamit sa binata ang mga kaalaman niya sa self defense na ilang beses nang nagamit kapag may nambabastos sa kanya sa mga fashion show? She just stood there, anticipating his next move.

Anticipating? Naitanong ni Bianca sa sarili kung hinihintay ba talaga niya kung ano ang gagawin ni Milo. Bakit pakiramdam niya ay may kung anong excitement siyang nararamdaman sa larong iyon?

"You have the softest and fairest skin, did you know that?" ani Milo nang marahang haplusin ang pisngi niya.

Gustong gumalaw at magprotesta ni Bianca pero hindi siya makakilos. Pakiramdam niya ay nasa ilalim siya ng mahiwagang kapangyarihan ng binata.

Nanayo ang mga balahibo niya nang dumako ang daliri nito sa mga labi niya.

"So soft," he said, almost in a whisper.

Kakaiba ang sensasyong idinulot niyon kay Bianca at katulad ng mga naunang pagdadaiti ng kanilang mga balat ay naramdaman na naman niya ang munting init na iyon.

No, Bianca! You're letting your guard down! Get a grip or else you'll end up crying!

Noon siya parang nagising dahil sa paalalang iyon ng isang bahagi ng kanyang isip. Inipon niya ang kanyang lakas para makawala mula kay Milo at nagtagumpay naman siyang gawin iyon. Pagkatapos ay isang ubod-lakas na sampal ang pinadapo niya sa pisngi ng binata. "Bastos!"

"Sorry, I just couldn't help it."

"I'll sue you!"

"On what grounds, honey?" tanong ni Milo na tila hindi man lang natinag sa pagsampal niya. Sa lakas ng sampal ay bumakas ang palad niya sa pisngi ng binata. "Harassment? Sexual harassment?" nanunudyo nitong dagdag, saka muling lumapit sa kanya.

Agad niyang iniharang ang kanyang kamay. "Diyan ka lang!"

"Jeez, Bianca, relax. I won't bite you, okay? Well, I might someday..." sabi nito at kinindatan siya.

Love On Trial (Completed)Where stories live. Discover now