Chapter 12 Part 2

19.8K 442 3
                                    


NAPATIGIL si Janice sa pagsasampay ng mga nilabhang damit ni Martin nang makita ang pagpasok ng binata sa gate na may kasamang isang babae. Hapon na at kagagaling lamang ng lalaki marahil sa trabaho. Mabilis niyang iniiwas ang tingin sa mga ito nang mapatingin sa kanya.
“Nandito ka pa pala,” narinig niyang bati ni Martin.
Humugot ng malalim na hininga si Janice para alisin ang tila tinik sa lalamunan bago pinilit na tingnan ang binata. “Oo... n-naglaba kasi ako ng mga damit mo, i-isinabay ko na rin ang mga bed sheet,” tugon niya, hinihiling na huwag mapansin ng lalaki ang pagkautal.
Tumango-tango naman si Martin. “Ito nga pala si Ailee. Ailee, this is Janice,” pagpapakilala pa nito.
Inilipat ni Janice ang tingin sa babae. Maganda ito, though, mukhang mas matanda lang ng kaunti sa kanya. Binati niya lamang ito ng isang ngiti. Gusto niyang pagalitan ang puso dahil sa paninikip niyon nang wala namang dahilan. Hindi niya alam kung kaanu-ano ito ni Martin at hindi niya na nais pang malaman.
“Girlfriend mo ba siya?” tanong ni Ailee kay Martin.
Sumulyap sa kanya si Martin bago umiling. “Nagtatrabaho lang siya dito.” Inilipat nito ang tingin sa mga sampayin niyang nasa basket. “Mag-uusap lang kami patungkol sa business. Susubukan kong tumulong pagkatapos.”
Kahit huwag na. Ibinalik na lamang ni Janice ang atensyon sa mga sampayin nang makapasok ang dalawa sa loob ng bahay. Wala siyang pakialam kung ano’ng klase ng business ang gagawin ng mga ito, iyon ang sinasabi ng isipan niya. But her heart was screaming with pain. Ganoon na lang ba kabilis na magpalit ng interes sa babae ang Velasco na iyon? Napakawalang-kuwentang lalaki!
Marahas niyang ini-iling ang ulo at galit na galit na nagsampay. Pagkatapos niyon ay bumalik na siya sa paglalaba. Papagurin niya na lamang ang sarili sa trabaho para maiwasan ang mag-isip at makaramdam ng kung anu-ano.
Mahigit isang oras din ang lumipas, tapos na siya sa paglalaba at naghahanda na ng hapunan nang makita ang pagpasok ni Martin sa kusina. Ginawa niya ang lahat para ituon ang atensyon sa trabaho.
“Kailangan mo ba ng tulong?” narinig niyang tanong ni Martin.
“Hindi,” mabilis na sagot ni Janice, hindi alam kung naitago ang inis na nararamdaman. “Nandiyan pa ba ang bisita mo? Para alam ko kung gaano karami ang iluluto ko.”
“Umalis na siya kani-kanina,” sagot ng binata. “Isa siya sa mga humahawak ng sales ng Velasco Auto Supply. Hindi mo ‘ata siya na-meet noong minsang nagpunta ka doon.”
Tumango si Janice. “Dito kayo nag-meeting?” Muli ay pinagalitan niya ang sarili. Bakit ba hindi niya mapigilang iwika ang mga tumatakbo sa isip?
Lumapit sa tabi niya si Martin. “May mga naiwan akong papeles dito na kailangan kong ipakita sa kanya. Hindi na kasi maipapagpa-bukas iyon.” Ilang sandali itong huminto at tumawa ng mahina. “Bakit parang nagpapaliwanag ako sa girlfriend ko?”
Tiningnan niya ang binata, malamig ang mga mata. “I’m just your maid, Martin. Nothing more.” Ngayon ay siguradong hindi na niya naitago ang sarkasmo sa tinig. At agad na pinagsisihan iyon ni Janice nang makita ang pagdaan ng talim sa mga mata ni Martin.
Mabilis niyang iniiwas ang tingin. Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit umaakto siya na parang nagseselos na nobya?
Mahabang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila hanggang sa marinig niya ang pagsasalita ni Martin. “May problema ka ba, Janice?” tanong nito sa tinig na pinipilit maging kalmado.
“W-wala,” bulong niya. “P-pasensiya ka na, p-pagod lang talaga ako.” Humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. “Magluluto na muna ako ng hapunan mo... at puwede bang... gawin ko na lang ‘to mag-isa?”
Hindi niya naman narinig ang pagsagot ni Martin. Ang tanging narinig niya na lamang ay ang mga yabag nito papalabas ng kusina.
Nang mapag-isa ay nanghihinang itinuon ni Janice ang mga kamay sa kitchen counter. Hindi niya na alam ang nangyayari sa kanya. Bakit ba siya nakakaramdam ng pagseselos sa ibang mga babaeng lumalapit kay Martin? Bakit ba siya nasasaktan ng ganito? Kung nawala man ang interes sa kanya ng binata, siya ang may gawa niyon.
Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga para pigilan ang sariling mapaiyak. Hindi niya gustong magmukhang kawawa lalo na pagdating sa mga lalaki. Iyon ang dahilan kaya siya ang unang nakikipaghiwalay sa mga dati niyang nobyo noon, ‘di ba? Kaya hindi siya dapat nagpapakita ng mga bagay sa harap ni Martin na siguradong ikapapahiya lamang.
Hindi naman nagtagal ay nagawa niya ring matapos ang pagluluto ng hapunan. Nagtungo si Janice sa living area subalit hindi nakita doon si Martin. Nahihiya naman siyang akyatin ito sa kuwarto kaya nagdesisyong magpahinga na lamang saglit sa couch bago umuwi.
Pagod na pagod niyang inihiga ang katawan sa couch at ipinikit ang mga mata. Kung makakaidlip siya kahit saglit ay mabuti. Lumipas ang ilang minuto na nanatili lamang siyang nakapikit subalit hindi naman magawang dalawin ng antok.
Hanggang sa mayamaya ay marinig ni Janice ang mga yabag papalapit. Hindi pa rin niya magawang imulat ang mga mata at nagkunwaring tulog. Naramdaman niya ang marahang paghaplos sa kanyang buhok. Hindi na niya kailangang magmulat. Kilala niya ang haplos na iyon – kay Martin.
Gustong imulat ni Janice ang mga mata para makita ang mukha ng binata pero mas pinili ang patuloy na magkunwari. Hindi niya rin naman alam kung ano ang gagawin o sasabihin sa lalaki.
Ilang sandali pa sigurong hinahaplos lamang ni Martin ang kanyang buhok hanggang sa marinig ang pagsasalita nito. “Hanggang kailan mo pa ba ako balak pagpigilin?” tanong nito sa mahina pero magaspang na boses.
Pakiramdam ni Janice ay biglang nanigas ang kanyang katawan dahil sa narinig. She tried hard not to catch her breath or show any signs that she was awake. Subalit hindi naman niya mapigilan ang malakas na pintig ng puso.
Hindi naman nagtagal ay naramdaman niya na ang paglayo ni Martin, maging ang mga yabag nito papalayo. Noon lamang tila nagawang ilabas ni Janice ang pinipigilang hininga. Hindi pa rin niya magawang magmulat, natatakot na baka nasa malapit lamang ang binata. But her heart was still beating wildly in her chest.
Paulit-ulit lamang sa kanyang isipan ang mga salitang binanggit ni Martin kanina. Mababaliw na siyang tuluyan at hindi na alam kung paano pipigilan iyon. He was still interested in her. He still wanted her! Pero ano’ng gagawin niya? Hanggang kailan pa nga ba niya balak pigilan ang sarili na magpakita ng nararamdaman para sa lalaki?

[Completed] Her Master (Published Under LIB Bare)Where stories live. Discover now