Chapter 2 Part 3

24.3K 507 10
                                    

Chapter 2 Part 3

SABAY na lumabas sina Janice at Martin ng sasakyan nang makaparada iyon sa labas ng apartment na tinutuluyan niya. Tinulungan pa siya ng binata sa pagbubuhat ng mga pinamiling gamit ni Krissa hanggang sa mapatapat sa pinto.
“S-salamat,” muling pasasalamat ni Janice.
Tumango si Martin. “Sa susunod, huwag ka na masyadong maglalakad ng mag-isa lalo na kapag gabi.”
Tila may lumukob na kakaibang init sa puso ni Janice dahil sa sinabi ng binata. Nahihimigan niya ang concern sa tinig nito. Malimit na sabihin sa kanya ni Stefie kung gaano kabuting kuya si Martin, totoo nga iyon. Siguro ay nakikita siya nito na parang isang nakababatang kapatid.
Ngumiti si Janice bago tumango. Akmang tatalikod na para umalis si Martin nang muli niyang tawagin. “Oh... K-kuya Martin...” Nagpatuloy siya nang muling humarap ang binata. “G-gusto mo bang uminom muna ng... ng juice sa loob? O kung ano ‘ng gusto mo? B-bilang pasasalamat na rin.”
Bumahid ang pagkagulat sa itim na mga mata ni Martin, mukhang hindi inaasahan ang alok na iyon. Sa loob lamang ng sandaling nakasama ang lalaki, napansin ni Janice na kahit mukhang suplado at seryoso ito, napaka-expressive naman ng mga mata ng binata.
Ngumiti ang lalaki na biglang nakapagpatalon sa puso niya. Gosh, he was becoming handsomer every passing second! “Walang problema, kung hindi ako makaka-abala,” sagot nito.
Iniiwas ni Janice ang tingin dito at binuksan na lamang ang pinto. Still, this man was off-limits. Dapat niya itong tingnan na parang nakatatandang kapatid lamang. Sigurado rin siya na kaliwa’t kanan ang mga babae nito.
Pagkapasok sa loob ay agad nilang nakita ang kasamahan sa apartment na si Yesha. “Thank God at naisipan mo nang umuwi, Janice. Nakaalis na si Aling Cora at—” Napatigil ito nang makita ang kasama niya. “Oh, hi.”
Kinuha ni Janice kay Martin ang mga gamit na pinamili. Matapos ipakilala si Marin sa kaibigang si Yesha ay pinaupo niya muna sa sofa ang lalaki.
“Ipaghahanda lang kita ng maiinom,” wika pa niya bago humarap kay Yesha. “Tulog na ba si Krissa?”
“Oo, matutulog na rin ako,” sagot ni Yesha. “Hinintay lang kita.” Kumindat pa ang babae at sumulyap kay Martin bago nagtungo sa kuwarto.
Umiling na lang si Janice bago nagtuloy sa kusina para ipagtimpla ng juice ang bisita. Pagkabalik sa living area, inilapag niya sa mesitang naroroon ang isang baso ng juice at platito na may lamang cassava cake.
“Here, sana magustuhan mo. Ako ang gumawa ng cassava cake na ‘yan,” ani Janice bago naupo sa katapat na couch nito.
Nagpasalamat naman si Martin bago nagsimulang kumain. Pinagmasdan niya lang ito, namangha pa dahil iglap lang ay tapos na ang binata. Mukhang gutom talaga.
Sumulyap sa kanya ang lalaki at saglit na nagtama ang kanilang mga mata. Janice suddenly felt conscious of herself. His look just made her feel uncomfortable. Hindi niya maintindihan kung bakit siya nagkakaganoon.
“Dito pala tumuloy si Stefie noon bago niya rentahan ang bahay na tinutuluyan ngayon,” wika ni Martin, sandaling iginala ang tingin sa paligid.
Natigilan si Janice, iniiwas ang tingin sa binata. Hindi niya maaaring sabihin na hindi totoong dito nakituloy si Stefie habang wala pang nahahanap na marerentahan. Ang totoo ay nakituloy ang kaibigan sa bagong karelasyon nito noon.
“May naikukuwento ba sa ‘yo ang kapatid ko?” tanong pa ng binata.
“T-tungkol saan?” nauutal na tanong ni Janice.
Humugot muna ng malalim na hininga si Martin bago sumagot. “May karelasyon ba siya ngayon?” direktang tanong nito.
Ilang sandaling natahimik si Janice, hindi magawang tumingin sa lalaki dahil hindi nais ipaalam na may itinatago siya.
“May itinatago ba kayo?” pagpapatuloy nito.
Mabilis siyang umiling. “W-wala... w-wala siyang nababanggit kung may... may bago siyang karelasyon.” Ibinaba ni Janice ang tingin sa mga kamay na nasa kandungan. “Ang huling naikuwento niya ay tungkol sa paghihiwalay nila ni... ni Kenneth. Iyon lang.”
Muling bumuntong-hininga si Martin. “Mukhang mas marami pang naikukuwento sa ‘yo ang kapatid ko kaysa sa akin,” anito. “Hindi ko naman siya masisisi dahil natural lang sa isang babae na maghanap ng makakausap na kapwa babae rin.”
Bumuntong-hininga si Janice. “Huwag kang mag-alala, Kuya Martin. Wala namang ginagawa si Stefie na ikapapahamak niya. Sisiguraduhin ko rin ‘yon, parang nakababata ko na siyang kapatid.” Ngumiti pa siya.
Ilang sandaling pinakatitigan siya ni Martin bago muling nagsalita. “Salamat.”
Tumango lang naman si Janice. Hindi niya gustong magsabi ng nalalaman at pangunahan ang kaibigang si Stefie.
Napatingin siya sa binata nang tumayo na ito. “Kailangan ko nang umalis.” Sumulyap ito sa baso at platitong nasa mesita. “Salamat sa pagkain.”
Tumayo na rin siya. “Sana nagustuhan mo kahit simple lang.”
“The cassava cake is delicious,” komento pa nito.
Hindi naman napigilan ni Janice ang mapangiti. “Gusto mo bang mag-uwi? Kukuhanan lang kita sa fridge.” Hindi niya na hinayaang makasagot ang binata at dali-daling nagtungo sa kusina para kunin sa fridge ang isang tupperware na may lamang cassava cake na siya mismo ang gumawa. Inilagay niya ang tupperware sa isang paper bag bago bumalik sa sala.
Iniabot niya iyon kay Martin. “Here. Huwag kang mag-alala, may mga natira pa naman dito.”
Nag-aalangang inabot ng binata ang paper bag. “Salamat.” Iyon lang at muli na itong nagpaalam.
Inihatid ni Janice hanggang sa pinto ang lalaki. Kinawayan niya pa ito nang makasakay sa sasakyan. Tumango lang naman si Martin.
Nang maisara ang pinto ay sandali siyang napasandal doon. Ipinikit niya ang mga mata at napabuntong-hininga. Noon lamang na-realize ni Janice na sobrang tensed pala siya kanina kaharap si Martin Velasco. Hindi niya maintindihan kung bakit nagkakaganoon. Maybe because Stefie’s brother was oozing with hotness and appeal.
Napamulat si Janice ng mga mata nang makarinig ng pagtikhim. Nakita niyang nakatayo at nakasandal sa isang parte ng dingding si Yesha.
“So sino naman ang hot papa na iyon, Janice? Bagong boyfriend?” Ngumisi pa ang babae.  “Kaya pala sobrang natagalan ka, ha?”
Napailing si Janice. “Kapatid lang siya ng kaibigan ko. Inihatid niya lang ako dito. Inimbitahan ko siyang kumain sandali bilang pasasalamat.” Lumakad siya patungo sa couch at naupo doon. Bigla ay nakaramdam na siya ng pagod at pananakit ng katawan. Parang sobrang dami nang nangyari sa kanya ngayong gabi.
Tumango-tango si Yesha, pero may panunudyo pa rin ang mga mata. “Mukhang type ka niya, ah?”
Hindi makapaniwalang napatingin si Janice sa babae. “Stop it, Yesha. He’s off-limits.”
“Kung hindi ka niya type, dapat hindi na siya nagbigay ng oras para pumasok dito sa loob at makasama ka pa ng mas matagal. Siguradong gusto ka niyang—”
“Yesha,” putol ni Janice. “Magpahinga ka na, okay?” Gusto niya pa sanang idagdag na huwag na siya nitong bigyan ng kung anu-anong magpapagulo lamang sa isipan. Walang katuturan ang mga sinabi nito.
“Fine.” Nagkibit-balikat na lamang si Yesha bago muling pumasok sa loob ng kuwarto.
Sinulyapan ni Janice ang mga pinamiling gamit ni Krissa. Mayamaya ay aayusin niya ang mga iyon, magpapahinga lamang sandali. Ipinikit niya ang mga mata at ilang beses na humugot ng malalim na hininga, pinipilit alisin sa isipan ang lahat ng imahe ni Martin Velasco.

[Completed] Her Master (Published Under LIB Bare)Where stories live. Discover now