Chapter 2 Part 2

24.3K 540 5
                                    


BUMUNTONG-HININGA si Martin bago pumasok sa loob ng sariling pick-up matapos makipag-usap ng sandali sa kapatid na si Stefie. Umalis na kaagad siya dahil sa pangungulit ng kapatid na hiwalayan niya ang nobyang si Andreah. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maunawaan kung bakit napakainit ng dugo ni Stefie sa babae.

Napatigil si Martin sa pag-iisip nang makita ang isang pamilyar na babae sa gilid ng daan. Iyon ay ang kaibigan ni Stefie na sa pagkakatanda ay Janice ang pangalan. May pinupulot itong kung ano sa kalsada at napansin niyang iyon ang mga dala nitong pinamili kanina.

Mabilis na ipinarada ni Martin ang sasakyan sa gilid ng kalsada bago lumabas. Kumunot pa ang noo niya nang makita ang tila paghihirap ng babae sa paglalakad, medyo magulo na rin ang pagkakapusod ng mahaba nitong buhok.

Lumakad siya palapit dito. Marahas na napatingin sa kanya si Janice, may bahid na ng takot ang itim na mga mata.

Mukha namang nakahinga ng maluwag ang babae nang makilala siya. Nagulat pa si Martin nang bigla na lang mapaupo sa kalsada ang babae, tila ba hinang-hina. "Akala ko isa ka sa kanila," nanghihinang wika nito.

Lumuhod siya sa harapan nito. "Sa kanila?" nagtatakang tanong niya. Bahagyang nakaramdam ng pag-aalala si Martin sa nakikitang panghihina ng babae. May nangyari ba dito?

"N-napagdiskitahan ako ng mga tambay na dumaan," sagot ni Janice. "Ninakawan nila ako ng dalang handbag. N-nando'n pa naman ang wallet at cell phone ko. S-sinubukan ko silang habulin pero... pero hindi ko na nagawa." Sumulyap ito sa isang paa. "I think I broke my ankle," she murmured, more like talking to herself.

Nagulat si Martin sa sinabi ng babae. Ito na nga ba ang masama kapag umuuwi ang isang babae nang mag-isa at gabi na. "Hindi mo na dapat sila hinabol," pagalit niya pa. "Mabuti na lang at wala silang ginawang masama sa 'yo." He gritted his teeth. Makita niya lang ang mga gumawa ng bagay na iyon sa kaibigang ito ng kapatid ay siguradong may kahahantungan ang mga ito.

Tiningnan siya ng masama ni Janice. "Masama bang subukang kunin ang mga gamit ko na ninakaw nila?"

Napailing si Martin sa walang kuwentang tanong nito. "Masama kung ikapapahamak mo iyon," mariing tugon niya. Iniiwas niya ang tingin sa mga mata ng babae at sinimulan na lamang pulutin ang mga nakakalat na pinamili nito. The woman had very mesmerizing eyes.

Hindi na naman nagsalita si Janice at sinubukan muling gumalaw para tulungan siya. Kumunot ang noo ni Martin nang mapansin na halos lahat ng pinupulot ay mga gamit ng sanggol. Baka para sa anak nito iyon. Too bad at nanakawan ito. Nasaan ba ang asawa ng babae at hindi man lang ito magawang sunduin?

Nang matapos sila sa ginagawa ay agad na siyang tumayo at tinulungan ding makatayo ang babae.

"Salamat," wika ni Janice. Akmang aabutin nito ang mga hawak niyang bag ng pinamili nito pero agad niyang inilayo ang mga iyon. Nagtataka itong napatingin sa kanya.

"Ihahatid na kita," alok ni Martin. "Sabihin mo na lang kung saan ka nakatira."

Bumahid ang pagkagulat sa mukha ni Janice. "H-hindi na," tanggi nito. "M-malapit lang din naman dito ang—"

"I insist," putol niya. Hindi niya gustong mapahamak na naman ito kapag iniwanan niyang mag-isa. Madilim na ang paligid at wala na gaanong tao sa parteng kinaroroonan nila. Baka mayamaya ay bumalik ang mga tambay na nakasalubong nito kanina at pagkainteresan ito, babae pa naman.

Iniaro ni Martin ang braso sa babae para masuportahan ito sa paglalakad. Wala na namang nagawa si Janice kundi ang kumapit sa braso niya. Nagpasalamat uli ito habang naglalakad sila patungo sa kanyang sasakyan.

Nang makapasok ito sa passenger's seat ay ipinasok niya naman ang mga pinamili nito sa backseat ng pick-up bago nagtuloy sa driver's side. Sumulyap si Martin sa babae habang minamaneobra ang sasakyan. Inaayos na nito ang pagkakapusod ng sariling buhok. Napailing siya nang mapansin ang gasgas na nasa kaliwang braso ng babae.

Ibinalik na lamang ni Martin ang tingin sa unahan. Mayamaya, narinig niya ang pagtikhim ni Janice at sinabi sa kanya ang daan patungo sa tinutuluyan daw nitong apartment.

[Completed] Her Master (Published Under LIB Bare)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon