Chapter 8 Part 3

19.4K 449 10
                                    

NAPATINGIN si Janice sa pinto ng kuwarto ng apartment nila nang sumilip doon si Yesha. Katatapos niya lang palitan ng diaper si Krissa at hinayaan na itong uminom ng gatas sa kuna nito.
“Jan, may bisita ka,” wika ni Yesha. “Pinapasok ko na sila.”
Kumunot ang noo ni Janice. Sino naman ang bibisita sa kanya ngayong araw? Tumayo na siya mula sa pagkakaupo sa kama at lumabas ng kuwarto. Pagkarating sa sala ay ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat nang makita ang kapatid na si Jean, may kasama itong isang lalaki.
“J-J-Jean,” hindi makapaniwalang usal ni Janice sa pangalan ng kapatid na mahigit isang taon ding hindi nakita.
“Ate,” naiiyak na bati sa kanya ng kapatid. Tumayo ito para lumapit sa kanya at niyakap siya ng mahigpit. “A-ate, I’m sorry... kung ngayon lang ako nakapagpakita.”
Hindi na napigilan ni Janice ang mapaiyak, ginantihan ng mahigpit ang yakap ng nakababatang kapatid. “Mabuti naman at naisipan mo nang magpakita sa amin.” Bahagya niya itong inilayo. “Kumusta ka na? Ang tagal ka na naming gustong makita uli, lalo na ni Mama.”
Ngumiti si Jean at pinahid ang mga luha. “Dumaan na ako sa Pangasinan para makita si Mama. Nakausap ko na siya.”
Tumango-tango si Janice. “That’s good to hear.” Sumulyap siya sa lalaking kasama ng kapatid na nakaupo sa couch. Ngayon niya lang nakita ito. Mukhang nasa early thirties na ang lalaki na nakasuot lamang ng simpleng shirt at pantalon. “Sino’ng kasama mo?”
“Oh.” Lumawak ang pagkakangiti ni Jean bago lumapit sa lalaki na nakatayo na. “Siya nga pala si Luke, boyfriend ko.”
Hindi naitago ni Janice ang pagkagulat dahil sa sinabi ng kapatid. Hindi niya inaasahan na sa paglayo nito ay agad na makakahanap ng panibagong lalaking mamahalin.
“Siya ang nakasama ko noong mga panahon na parang... parang gusto ko nang sumuko,” pagpapatuloy ni Jean. “Siya ang nag-comfort sa akin, Ate, at humilom sa sugat na ginawa ni Dante. He accepted me kahit na ganoon ang nangyari sa akin.” Inihilig nito ang ulo kay Luke. “At nakahanda rin siyang tanggapin si Krissa.”
Si Krissa. Bigla ay natigilan si Janice nang maalala ang pamangkin. Right, isa pa sa dahilan ng pagbalik ng kapatid ay dahil sa anak nitong si Krissa. Hindi niya magawang maipaliwanag ang lungkot na bumalot sa buong puso ng mga sandaling iyon.
“Nasaan na nga pala si Krissa, Ate?” tanong ni Jean mayamaya. “G-gusto ko na siyang makita.”
“Ah... s-si Krissa?” Humugot muna ng malalim na hininga si Janice bago nagpatuloy. “K-kukunin ko lang siya sa kuwarto. Hindi pa naman siguro siya natutulog.”
Nang tumango si Jean ay nagtungo na siya sa silid para kunin ang pamangkin. Nakita niya itong nakatayo sa kuna. Ang malalaki nitong mga mata ay nakatingin sa kanya na para bang nagmamakaawang kargahin na siya.
Nilapitan ni Janice si Krissa at hinaplos ang maumbok nitong pisngi. Bigla na lang nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata sa hindi alam na dahilan. Animo may tinik na nakabara sa kanyang lalamunan.
Mariin niyang kinagat ang pang-ibabang labi para pigilan ang pagbigay ng emosyon. Maingat niyang kinarga si Krissa at hinalikan ito sa pisngi. Alam niya sa sarili na ito na ang araw na kinatatakutan niyang dumating. Kukunin na sa kanya ni Jean ang pamangkin. Hindi niya na ito makakasama ng ganito. Subalit wala naman siyang karapatang ipagdamot si Krissa sa kapatid. Hindi siya ang ina nito.
Matapos kalmahin ang sarili ay muli na niyang nilabas ang mga bisita. Agad na lumapit sa kanya ang kapatid na si Jean at tinangkang kunin si Krissa pero mabilis na yumakap sa kanya ang pamangkin.
Kitang-kita ni Janice ang disappointment na bumahid sa mukha ng kapatid. “N-naninibago lang siguro siya, h-hindi ka pa kasi niya kilala,” pagpapagaan niya sa loob nito.
Nangilid na ang mga luha sa mga mata ni Jean. “I’m sorry, Krissa. I’m sorry kung iniwan kita.” Inabot nito ang kamay ni Krissa at muling tinangkang kunin. Sa pagkakataong iyon ay nagpakarga na naman dito si Krissa.
Iniiwas ni Janice ang tingin sa mga ito, pinipigilan ang sariling magpakita ng kalungkutan. “M-magtitimpla lang ako ng maiinom niyo,” wika niya bago dali-daling naglakad patungo sa kusina.
Pagkarating doon ay saka lamang bumagsak ang kanina pang pinipigilang mga luha. Hindi niya magawang patigilin ang sarili, lalo na ang puso sa paninikip niyon. Hindi niya pag-aari si Krissa kaya wala siyang karapatang ipagdamot ito sa tunay nitong ina.
Pinilit niyang kalmahin ang sarili at nagsimula na sa pagtitimpla ng juice para sa mga bisita. Napapitlag pa si Janice nang marinig ang pagtawag sa kanyang pangalan. Nalingunan niya ang kapatid na si Jean na ibinaba sa sahig si Krissa para hayaang maglakad-lakad.
Agad namang lumapit sa kanya ang pamangkin at yumakap sa kanyang binti. Masuyong ginulo ni Janice ang buhok ni Krissa. She would miss this little girl. Siguradong maninibago na siya sa mga susunod na araw kapag hindi ito nagisnan.
“Mukhang mahal na mahal ka niya, Ate,” wika ni Jean, may bahid ng kalungkutan ang tono. “Hindi ko naman siya masisisi dahil ikaw na ang nakilala niyang parang ina.”
Nanatili lamang na nakatingin si Janice sa pamangkin. Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Hindi niya gustong makita ni Jean na nagdadalawang-isip siya kung hahayaang kunin nito si Krissa.
“Pero hindi pa naman huli ang lahat, ‘di ba?” dagdag ng kapatid. “Kaya nga nandito na ako, para magampanan ko na ang responsibilidad ko bilang ina niya. Salamat, Ate, sa lahat ng mga naitulong mo sa akin... kay Krissa. Alam kong hindi naging madali ang lahat.”
Sa wakas ay nagawa nang iangat ni Janice ang tingin sa kapatid. “Alam mong nakahanda akong tulungan ka hanggang sa abot ng aking makakaya.”
Ngumiti si Jean at humakbang palapit sa kanya. “Huwag kang mag-alala, Ate. Isasama na namin si Krissa ngayong araw papuntang Cagayan. Doon na kami maninirahan na isang tunay na pamilya.”
“C-Cagayan?” naguguluhang ulit ni Janice. “B-bakit doon pa kayo maninirahan, Jean? Hindi ba puwedeng d-dito na lang sa Manila o sa... sa Pangasinan. Siguradong walang magiging problema kay Mama kung—”
“Nandoon ang trabaho ni Luke, Ate. Nandoon ang bahay niya. Nandoon din ang pamilya niya.” Bumuntong-hininga si Jean. “Siguradong magiging maganda ang buhay namin ni Krissa doon. Balak na rin naming magpakasal in four months. Iimbitahan ko kayo nina Mama.”
Pakiramdam ni Janice ay biglang nanlambot ang kanyang mga tuhod kaya napahawak sa kitchen counter. Cagayan? Mapapalayo na sa kanya si Krissa ng sobra-sobra. Hindi na magiging ganoon kadali ang makita ito. Bakit biglaan naman yata ang lahat? Bakit kailangang magpakita ng ganoon-ganoon na lang si Jean at bawiin sa kanya ang pamangkin?
“S-sigurado ka bang... h-hindi ka na sasaktan ng... ng lalaking ‘yan?” tanong na lamang ni Janice.
“Mabuting lalaki si Luke, Ate,” sagot ni Jean.
Iyan din ang sinabi mo noon patungkol kay Dante, gusto niya sanang sabihin pero agad na pinigilan ang sarili. Desisyon ito ng kapatid kaya wala naman siyang magagawa.
Tumango-tango na lamang si Janice. “Basta aalagaan mong mabuti si Krissa, Jean. Napakabait na bata niya. Huwag na huwag mo siyang pababayaan.”
Inabot ni Jean ang isa niyang kamay para hawakan iyon ng mahigpit. “Salamat, Ate. Huwag kang mag-alala, puwede mo naman siyang dalawin minsan o ‘di kaya ay kami ang dadalaw dito sa ‘yo.”
Hindi na lamang tumugon si Janice dahil baka mapaiyak lamang siya. Tinitigan niya na lamang si Krissa na abala na sa paglalaro sa paanan niya. Gusto niya itong yakapin ng mahigpit. Gusto niyang itanong kung nais ba nitong sumama sa tunay na ina o manatili na lamang sa kanya. Pero alam niyang mali iyon. Hindi niya dapat agawin ang responsibilidad na hindi naman sa kanya.

[Completed] Her Master (Published Under LIB Bare)Where stories live. Discover now