Chapter 3 Part 1

24.9K 533 11
                                    

NANG gabing iyon ay pumayag si Janice na samahan ang kaibigang si Stefie na bumisita sa bahay ng kapatid nitong si Martin. Sinabi ng kaibigan na matagal na raw itong hindi nakakabisita sa kapatid at inalok siyang magpalipas ng gabi sa bahay na iyon sa Las Piṅas.
Karga-karga niya ang pamangkin habang dala-dala naman ni Stefie ang bag ng mga gamit ni Krissa. Papasok na sana sila sa gate ng bahay ng mga Velasco nang mapatigil ang kaibigan. Napatingin si Janice sa unahan at nakita ang paglabas sa pinto ng isang babae na nasa mukha pa ang pagkainis.
Sumulyap sa kanya sandali ang babae bago ibinalik ang tingin kay Stefie. "It's nice to see you again here, Stefie," wika nito.
Sandaling pinasadahan ng tingin ni Janice ang naturang babae. Maganda ito, morena at may magandang hubog ng pangangatawan. Nakasuot lamang ng dark blue dress na lampas tuhod ang haba. Lumabas ito sa bahay ni Martin Velasco kaya marahil ay may relasyon sa lalaki.
"Maganda na sana ang gabi ko. Hanggang sa masira 'yon dahil sa presensiya mo," tugon ni Stefie, may pagkasarkastiko sa tinig.
Nagulat si Janice sa sinabing iyon ng kaibigan. Nang ibalik niya ang tingin sa babaeng nasa harapan nila ay may pagkagulat na rin sa mukha nito. Akmang magsasalita pa ang babae nang lampasan na lamang ni Stefie. Wala na naman siyang nagawa kundi ang sumunod.
Pagkapasok sa loob ng bahay, agad niyang nakita si Martin Velasco na nakaupo sa couch ng living area habang nanonood ng football sa flat-screen TV.
Napatingin sa kanila ang binata, kumunot ang noo nang mapadako ang tingin sa kanya. Tumayo si Martin at lumapit sa kanila.
Iniiwas naman ni Janice ang tingin dito. Lihim na pinapagalitan ang sarili dahil sa biglaang pagbilis ng tibok ng puso sa presensiya lamang ng lalaki. Ilang linggo na rin mula nang huli niya itong makita.
"Hindi ko alam na pupunta ka pala dito ngayong gabi," sabi ni Martin sa kapatid na si Stefie. "Kumain na ba kayo ng hapunan? Magpapa-deliver na lang ako kung gusto n'yo."
Umiling si Stefie. "Hindi na, Kuya. Kumain na kami sa labas ni Janice."
Sandaling inayos ni Janice ang pagkakakarga kay Krissa na himbing na himbing na sa pagtulog.
"Ilagay na muna natin sa kuwarto ko si Krissa, baka nahihirapan ka na sa pagkarga sa kanya," wika pa ni Stefie, sa kanya naman. Nginitian niya lang naman ang kaibigan kaya muli itong humarap kay Martin. "Dito muna kami matutulog ngayon, Kuya."
Tumango lang naman si Martin bago bumalik sa couch. Sumunod naman si Janice sa kaibigang si Stefie hanggang sa makarating sila sa ikalawang palapag ng bahay kung saan naroroon daw ang dating kuwarto nito.
Inayos ni Stefie ang kama para maihiga niya doon si Krissa. "Mabuti naman at mukhang pinapapalitan ni Kuya ang bed sheet dito kahit wala na ako."
Marahang inilapag ni Janice ang pamangkin sa kama bago hinaplos ang buhok nito. "Sino nga pala 'yong nakasalubong nating babae kanina sa may gate?" mayamaya ay tanong niya sa mahinang tinig.
Bumuntong-hininga si Stefie. "Si Andreah," tila balewalang sagot nito. "Girlfriend ng kuya ko."
"Oh," tumango-tango siya. Tama nga ang hinala niya na karelasyon ito ni Martin. "Bakit gano'n ang pakikitungo mo sa kanya kanina? Parang hindi kayo magkasundo."
Tumayo si Stefie mula sa pagkakaupo sa kama para lumapit sa mga gamit ni Krissa. "Hindi ko lang siya gusto para sa kapatid ko. Siguradong sasaktan niya lang si Kuya."
"Paano mo naman nasabi 'yon?" tanong pa ni Janice.
"Masyado siyang malapit sa ibang lalaki," ani Stefie. "Tumawag na ba uli sa inyo si Jean?" bigla ay pag-iiba nito sa usapan, mukhang ayaw pag-usapan ang patungkol doon.
Hindi na naman pinilit ni Janice. "Hindi pa nga," malungkot na tugon niya. "Sana nga ay maisipan na niyang bumalik. Dapat siya ang makilala ni Krissa na ina." Ang totoo ay masyado nang napamahal sa kanya si Krissa at natatakot si Janice na sumobra sa dapat ang attachment niya sa bata.
Ilang sandali pa siguro silang nag-usap ni Stefie patungkol naman sa personal nitong buhay.
"Gusto ko sanang magkape, puwede mo ba akong ipagtimpla, Jan?" mayamaya ay hiling ni Stefie. "Magpapahinga lang din ako sandali sa tabi ni Krissa. Please?"
Naiiling na napabuntong-hininga si Janice. "Gabing-gabi na pero nagkakape ka pa rin," natatawang wika niya.
"Ganito na talaga kami," ani Stefie bago lumakad palapit sa kama at naupo sa gilid niyon. "Gano'n din si Kuya Martin kaya kung gusto mo, timplahan mo na rin siya," pagbibiro pa nito.
Muling napailing si Janice subalit wala na namang nagawa kundi ang pagbigyan ang kaibigan. Minsan lang naman itong humiling ng ganoon sa kanya.
Pagkababa ng hagdan ay sandali pa siyang nagpalinga-linga para hanapin ang kusina. Hindi naman siya gaanong naligaw sa bahay at agad na nahanap iyon. Medyo nagkaroon lamang siya ng problema sa paghahanap ng mga gamit.
Dalawa na ang tinimpla niyang kape, para kay Stefie at sa kapatid nito. Una niyang iniakyat sa taas ang para kay Stefie. Napailing na lang siya nang makitang himbing na sa pagtulog ang kaibigan. Hindi na niya ito ginising at muling lumabas ng kuwarto para dalhin kay Martin ang tinimplang kape.
Tumikhim si Janice nang makalapit sa lalaking abala pa rin sa panonood ng football. Napatingin sa kanya si Martin, bumahid ang pagkagulat sa mga mata. Inilapag niya sa mesitang naroroon ang dalawang tasa ng kape na tinimpla, para sa kanya na ang isa.
"P-pinagtimpla ako ni... ni Stefie ng kape, sinabi rin niyang ipagtimpla kita," ani Janice. Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil sa kabang nararamdaman sa harapan ng lalaking ito. "N-nakatulog na naman siya kaya... kaya ibinaba ko na lang dito."
"Salamat," wika ni Martin. "Pasensiya ka na rin kung inabala ka pa ng kapatid ko."
Umiling siya at ngumiti. "Wala 'yon. S-sana magustuhan mo ang pagkakatimpla ko."
Inayos ni Martin ang pagkakaupo sa couch. "Have a seat. May gusto ka bang panoorin sa TV?"
Muling umiling si Janice at naiilang na naupo sa tabi ng lalaki. She kept a decent distance between them. "M-makikipanood na lang muna ako sandali habang inuubos ang kapeng 'to," tugon niya.
Inabot niya ang isang tasa sa mesita at lihim na napabuntong-hininga. Hindi pa niya nagagawang uminom ng kape sa gabi. Siguradong mahihirapan siyang makatulog. Pero masasayang naman ang tinimpla kung itatapon lamang. At isa pa, nais niya rin namang makausap kahit sandali si Martin.
Ilang sandali sigurong nakatitig lamang si Janice sa telebisyong nasa harap, hindi alam kung paano magsisimula ng usapan. Napapitlag pa siya nang marinig ang pagtikhim ni Martin.
"Maayos naman ba ang kinahihigaan ng anak mo sa kuwarto ni Stefie?" tanong ng binata.
Nagtatakang napatingin si Janice sa lalaki. "A-anak?" ulit niya.
Kumunot ang noo ni Martin, nakatingin na rin sa kanya. "Iyong batang kasama n'yo kanina."
"Oh." Napangiti na siya. "Si Krissa? Pamangkin ko siya."
Tumango-tango naman ang lalaki. "P-pasensiya ka na, hindi ko alam."
"It's okay." Ibinalik ni Janice ang tingin sa telebisyon. "Madalas namang napagkakamalang anak ko si Krissa ng mga nakikita ko. May hawig din kasi siya sa akin."
"Nasaan na ang tunay niyang ina?"
Humugot siya ng malalim na hininga bago ikinuwento sa lalaki ang nangyari sa kapatid na si Jean. "S-sana lang ay maisipan niya nang bumalik... o magpakita man lang sa amin kahit sandali," pumiyok pa siya. Pinahid ni Janice ang luhang umalpas sa kaliwang pisngi bago muling tumingin kay Martin. "Pasensiya ka na kung naparami na ang mga nasabi ko."
Umiling si Martin, nakatitig sa kanya. "It's alright." Bumuntong-hininga ito. "You're a very good sister. Sana nga ay bumalik na ang kapatid mo."
Pinilit ni Janice na huwag magpakita ng pagkailang dahil sa pagtitig ng binata. "I heard you're a good brother, too. Madalas kang ipagmalaki ni Stefie. At nakikita naman 'yon."
Mahinang tumawa si Martin. "Hindi ko alam kung totoo nga 'yan. Ginagawa ko lang ang lahat ng makakaya ko bilang guardian niya."
Hindi niya napigilan ang pagtalon ng puso dahil sa ginawang pagtawa ng lalaki. Gosh, he was just too gorgeous. Akala niya noon ay napaka-seryoso at suplado nito subalit mukhang madali rin naman pala itong lapitan o maging kaibigan.
Iniiwas ni Janice ang tingin sa binata, baka mapansin na nito ang paghangang kanyang nararamdaman. "H-hindi ganoon kadali na maging guardian. Sobrang pinagpala ni Stefie sa pagkakaroon ng nakatatandang kapatid na katulad mo."
"Wala ka bang nakatatandang kapatid?" narinig pa niyang tanong ni Martin.
"Mayro'n akong kuya kaso nagtatrabaho siya sa ibang bansa at may sarili na ring pamilya," sagot niya.
Hindi naman na nagsalita si Martin. Ilang sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila, tanging ang tunog lamang ng TV ang naririnig.
Tumikhim si Janice at nag-isip ng maaaring pag-usapan. "N-nakasalubong nga pala namin ang isang babae kanina sa gate. Sinabi sa akin ni Stefie na... na girlfriend mo raw 'yon." Huli na para patigilin ang sarili. Hindi niya maintindihan kung bakit iyon pa ang nasabi.
"Si Andreah?" Bumuntong-hininga si Martin. "Inaway ba siya ni Stefie?"
"Ah... h-hindi naman," tugon niya. Lihim na tinitigan ni Janice ang lalaki na nakatingin lamang sa TV. Base sa tanong nito ay alam na sigurong ayaw ni Stefie sa Andreah na iyon. Napailing na lang siya. Bakit ba niya papakialaman pa ang bagay na iyon?
Inubos na ni Janice ang lamang kape ng tasa bago tumayo. "S-sige, Kuya Martin. Magpapahinga na rin ako. Pasensiya ka na kung naabala ko ang panonood mo."
Akmang tatalikod na siya para magtungo sa kusina nang marinig ang pagsasalita ng lalaki.
"Ilang taon ka na nga pala?"
Napatingin si Janice kay Martin, nasa mga mata ang pagkagulat dahil sa hindi inaasahang tanong. "T-twenty-nine," sagot pa rin niya.
Tumango-tango si Martin. "Apat na taon lang naman pala ang tanda ko sa 'yo." Tumingin ito sa kanya. "You can just call me 'Martin'."
Higit na nadagdagan ang pagkagulat ni Janice pero tumango na lamang. "Okay... M-Martin," usal niya, mabilis ang tibok ng puso. Hindi pa siya sanay na tawagin ng pangalan lamang ang binata. "Good night." Hindi na niya hinintay na makasagot ang lalaki at dali-daling naglakad patungo sa kusina.
Damn, what the hell was happening to her? Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. Hindi dapat siya nagpapasok ng kung anu-anong isipin sa utak. Nakikipag-kaibigan lamang si Martin Velasco... siguro. At hanggang doon lamang din ang dapat niyang isipin.

[Completed] Her Master (Published Under LIB Bare)Where stories live. Discover now