'Yung pawis ko, tumatagaktak na sa sobrang takot. Tayong-tayo ang lahat ng balahibo ko sa katawan dahil unti-unting humihigpit ang paghawak ng mga kamay sa aking binti.


"Tatlo..."


Napamulat akong bigla nang marinig ko ang tinig na iyon. Boses ng lalaki...


Halos atakihin ako sa puso sa gulat nang tumambad sa may sink ang pugot na ulo ng lalaki habang nakangiti ito sa akin.


"Hi..." bungad nito.


"Ahhh!" pagpalahaw ko ng sigaw.


Sa sobrang takot ko, kumaripas ako ng takbo papalabas sa loob ng banyo. Sa sobrang taranta at takot ko, hinayaan ko na lang na mabangga ang lahat ng taong madaraanan ko.


"Morixette, anong nangyari sa iyo? Bakit ka sumigaw?" giit ni Izzy nang mabunggo ko siya.


Nakahinga na ako nang maluwag nang makita ko siya. Sa wakas, nakalayo rin ako roon. Napayakap tuloy akong bigla sa kaniya dahil sa tuwa.


"Ay wala iyon, nakakita lang kasi ako ng ipis sa banyo hehehe..." palusot ko habang kinakamot ang ulo ko.


Nakakahiya dahil gumawa pa ako ng eskandalo sa burol ni Charlie. Halos lahat ng estudyante ay nakatingin sa akin. Maging ang mga magulang ni Charlie. Nakakahiya...


"Iyon lang pala, para ka kasing nakakita ng multo dahil namumutla ka," turan ni Izzy.


"Heto tubig, palamig ka muna," singit naman ni Carie sabay abot ng mineral water.


"Salamat," pahayag ko at kinuha iyon saka ininom.


Napawi na ang komusyong naidulot ko. Nagbalik na ang lahat sa kaniya-kaniya nilang ginagawa.


"Ay tanga!" sabi ko sa aking isipan nang mapagtanto kong may kailangan pa nga pala akong puntahan.


"Izzy, Carie, kailangan ko ng umalis. May kailangan pa akong puntahan. Pakisabi na lang sa parents ni Charlie na nauna na ako a?" ani ko.


"Gano'n ba? Okay. Pero bigyan mo ako ng number mo para ma-imbitahan ka namin ni Carie na lumabas minsan. You know, girls bonding," segunda ni Izzy.


Kaagad ko namang itinipa ang numero sa cellphone ni Izzy at naglakad na ako palabas.


Medyo matagal-tagal ang biyahe papuntang park. I hope na makaabot pa ako roon.


Dali-dali akong sumakay ng jeep nang makalabas ako sa subdivision.


---


Nang makalipas ang ilang oras, nakarating din ako sa destinasyon ko. Pagkarating ko roon, mayroon ngang kasiyahang nagaganap. Maraming tao sa paligid. Hindi ko alam kung sino ba sa mga ito ang sunod na biktima.

The Return of ABaKaDa (Published)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant