Chapter 1

117K 3.9K 348
                                    

Sa pagliwanag ng libro, lumabas mula rito ang iba't ibang Alphabeto ng Pilipino.

A Ba Ka Da E Ga Ha I La Ma Na Nga O Pa Ra Sa Ta U Wa Ya

Ang mga ito'y naglipana sa loob ng silid ng dalaga. Dahil nawalan siya ng malay, hindi niya alam kung ang nangyayari ngayon.

Ang ABaKaDa'y nagliliwanag sa loob ng silid at pawang nagkakakawag. Nagbabadyang pumasok sa loob ng katawan ng mga tao.

"Hindi ka dapat nangialam dito, Ate Helga!" Bungad ni Ethel na nakakuyom ang kamao sa sobrang galit.

Bakas sa mukha nito ang pag-aalala dahil sa maaaring maidulot ng pangingialam ng kaniyang kapatid sa naturang aklat.

"Haha! Hindi ka ba natutuwa? Ako na nga ang gumawa ng paraan para buhayin ang mga namatay dulot ng aking libro!" Singhal ni Helga habang siya'y nakalutang sa ere.

"Wala kang alam! Hindi mo alam kung anong kahihinatnan ng dalagang ito dahil sa pagiging mapusok mo!" Giit ni Ethel habang nakatayo lang malapit sa bintana sabay turo sa walang malay na si Morixette.

"Kapahamakan ang maidudulot ng ABaKaDa sa dalagang ito! Maging sa mga taong nakapaligid sa kaniya!" Dugtong pa niya.

"Iyon nga ang nais ko. Ang makita ang bawat taong nagdurusa! Gusto niyang bumuhay ng patay? Pwes, buhay din ang kapalit!" Pambubuska ni Helga at nilapitan ang kapatid.

Nakipagtitigan siya rito at hinaplos ang buhok ni Ethel habang nakalutang sila sa ere. "Habang buhay na akong magiging masama. Samahan mo akong guluhin ang buhay ng mga tao, aking kapatid." Pang-uuyam nito kay Ethel.

"Kailanman, hindi sasama at makikipagniig ang kabutihan sa kasamaan. Ate kita, pero kung galit lagi ang iyong paiiralin, pipigilan kita sa abot ng aking makakaya." Turan ni Ethel sabay hawi sa kamay ng kaniyang kapatid.

"At dahil sa pagiging gahaman mo, ang daming buhay na nasayang. Pati buhay ng ating kapatid ay idinawit mo! Bato na nga talaga ang puso mo." Dugtong pa niya habang ipinagduduldulan ang mga katagang ito sa kaniyang kapatid.

"Kaya nga ginamit ko ang aklat mo para ipagpatuloy natin ang laro." Pahayag ni Helga habang nakangiti sa harapan ng kapatid.

Nakaligtaan ni Ethel na kumakarga pala ang mga letra sa paligid upang umipon ng resistensya't enerhiya.

Ang mga nagliliwanag na Alphabetong Pilipino'y biglang naglaho na parang bula. Isa sa mga ito'y pumasok sa loob ng katawan ni Morixette.

"Huli na ang lahat, kumilos na ang ABaKaDa! Wala na akong magagawa para pigilan pa ito! Pumasok na sila sa katawan ng mga mabibiktima ng aking libro! Hindi maaari!" Sigaw ni Ethel sa sobrang pagkataranta.

"Haha! Nalalapit na ang kanilang paghuhukom dulot ng ABaKaDa mo! Pigilan mo ito, kung kaya mo." Turan ni Helga habang humahagalpak pa sa pagtawa. Bigla na lang siyang nawala matapos magtagumpay sa pag-activate ng libro ni Ethel.

"Paggabay na lang sa kanila ang maaari kong gawin. Pero sinisiguro ko, hindi ko hahayaang magpasakop ang liwanag sa kadiliman." Aniya at bigla na lang siyang naglaho nang biglang bumukas ang pinto sa silid ng dalaga.

"Anak, kakain na tayo ng hapunan. Sumunod ka na lang sa baba." Bungad ng ina ni Morixette at tuluyan na itong bumaba.

--

Mga multo'y magkakalat ng lagim, hindi ka makapagdarasal ng taimtim.

Ika'y kanilang gagambalain, hanggang sa marinig nila ang iyong hinaing.

Sarili'y ihanda, sa kanila'y wala kang mapapala. Naisin mo man na sila'y takbuhan, kahit saan ka man pumaroon ika'y kanilang susundan.

Tandaan, sa pagdalaw nila sayo, huwag maghurumintado. Bagkus, ipikit ang iyong mga mata, sapagkat sayo'y may kailangan sila.

The Return of ABaKaDa (Published)Where stories live. Discover now