Chapter 61

49.7K 1.5K 401
                                    

Hindi ko alam kung lalapitan ko ba siya o hindi. Naaawa ako sa itsura niya ngayon dahil para siyang batang iniwanan sa park at hindi na binalikan ng kaniyang mga magulang.


May kirot dito sa puso ko na tila ba hindi ko kayang makitang nalulungkot at nasasaktan siya. Gano'n pala 'yong pakiramdam kapag nakikita mong nasasaktan 'yong taong mahal mo, parang doble pa ang sakit na madarama mo.


Nakayuko pa rin siya habang nakaupo sa isang upuan. Rinig na rinig ko ang kaniyang paghikbi. Sa mga oras na 'to, parang nakalimutan ko ang ginawa nila ni Denise. Ang gusto ko lang, lapitan siya, punasan ang mga luha niya, at yakapin nang sobrang higpit.


Heto ako, parang duwag na nagtatago sa likod ng puno, nagpipigil ng luha, at pilit na tinitiis na pagmasdan lamang siya sa 'di kalayuan.


Nang mapalingon ako sa kaniyang tabi, nakita ko ang isang bouquet na puting rosas at mukhang may sulat pang nakaipit dito. Hindi ko alam kung kikiligin ba ako o magsisi o kakaawaan siya.


"Mahal na mahal kita, Morixette. Bakit mo ba ako ginaganito?" sambit ni Charlie habang patuloy sa pagtangis.


Unti-unting nadudurog ang kaibuturan ng puso ko dahil sa narinig ko. Parang pakiramdam ko tuloy, ako ang may kasalanan sa kaniya. Ang sakit, sobrang sakit. Parang nilalatigo ang katawan ko ngunit hindi ko lang iniinda.


Maya-maya pa'y bigla akong nakarinig ng kulog. Mukhang magsusungit pa ang panahon ngayon.


Kinuha ko ang cellphone ko sa loob ng aking bag. Nagdadalawang-isip ako kung itetext ko siya o hindi gayong ang lapit-lapit ko lang naman sa kaniya. Para akong tanga.


"Lapitan mo na kasi, alam kong hindi mo siya matitiis," sambit ng aking puso.


"Hayaan mo na lang siya riyan hanggang umaga, niloko ka lang niya 'di ba?" turan naman ng aking utak.


"Hindi mo kayang iwanan siya rito. Pinatunayan niyang mahal ka niya talaga. Walang perpektong tao, kahit sino naman ay nagkakamali," hirit muli ng aking puso.


"Sinaktan ka na nga, babalikan mo pa ba? Hayaan mo siyang magdusa!" giit ng utak ko.


Ano nga ba ang dapat kong sundin? Puso ba? o utak? Hindi ba pwedeng magkasundo silang dalawa?

 

Napapikit akong bigla nang may pumatak sa aking mukha. Nagbabadya na ang panahon, umaambon na't mukhang uulan nga.


Tiningnan kong muli si Charlie, gano'n pa rin ang posisyon niya. Mukhang wala pa rin siyang balak na umalis doon kahit na umulan pa.


Nagpatuloy ang pagpatak ng ulan. Unti-unti itong lumalakas ngunit hindi man lang kumikilos si Charlie sa kaniyang kinauupuan. Dahil sa ginagawa niyang 'to, hindi ko maatim na magtagal siya rito.


At dahil lumalakas ang pag-ulan, hindi na ako nagdalawang-isip pa't lumabas na ako sa aking pinagtataguan at lumapit sa kaniyang kinauupuan.

The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon