Chapter 73

45.9K 1.4K 458
                                    

Nang makarating ako sa amin, 9:30 pm na. Kaya pagkapasok at pagkapasok ko palang sa gate, sermon na kaagad ang aking naging hapunan. Nandoon si Lola Alette na nakasandig sa may pintuan at nasa likod naman niya si Jaycee.


"Malantod ka talagang babae ka! Sabi ko na nga ba't nakikipaglantari ka! Isusumbong kita sa magulang mo!" litaniya ni Lola habang nakaduro sa akin. Ako naman, nakayukong naglalakad papalapit sa kanila.


"Wala naman po akong ginagawang masama. Isa pa, huwag niyo naman po akong husgahan kaagad. Dapat nga po e magpasalamat kayo't nakauwi ako nang ligtas," tugon ko habang naglakad padiretso papasok sa loob kaso bigla niyang hinaltak ang braso ko.


"Aba, magaling ka nang sumagot ngayon. Iyan ba ang natututunan mo sa eskwelahan?" aniya.


"Lola, tama na," singit naman ni Jaycee.


"Huwag kang makialam dito, Jaycee," tugon dito ni Lola.


Hinigpitan ni Lola ang paghawak sa aking braso kaya hindi ako nakapagpigil.


"Lola ano ba? Masakit!" turan ko sabay wasiwas ng aking braso para matanggal sa pagkakahawak niya.


Nanlaki ang mata ni Lola dahil sa inasal ko.


"Walanghiya ka talagang bata ka! Wala kang respeto!" nanggagalaiti niyang sambit sabay sampal niya sa kaliwa kong pisngi.


Kusang napahawak ako sa pisngi kong tiyak na namumula dahil sa lutong ng kaniyang pagkakasampal sa akin.


Unti-unti namang rumagasa ang masaganang luha sa aking mukha. Gusto kong magalit at sumbatan siya dahil sa pang-aalipusta niya sa akin. Kahit anumang oras, maaari akong sumabog dahil hindi ko na kayang magtimpi.


"Morixette, pumunta ka na sa silid mo. Ano na bahala rito kay Lola," segunda ni Jaycee habang inaakay ang lola namin palayo sa akin.


"Mas mabuti pa ngang wala ka na lang dito Lola. Umuwi ka na kay Lolo para wala nang nangingialam sa akin. Hindi mo naman kasi alam kung ano ang nararamdaman ko at pinagdaraanan ko!"


"Matanda ka na't uugod-ugod! Hukluban! Mamatay ka na sana!" sigaw ko at dali-daling nagtatakbo palayo.


"Lola! Lola!" sigaw ni Jaycee.


Narinig ko ang sigaw ni Jaycee dahil para bang sumisikip ang dibdib ng aking lola dahil hindi makahinga. Marahil nabigla si Lola Alette sa mga sinabi ko. Hindi ko na alam kung ano ang sunod na nangyari dahil pagkapasok ko palang sa loob ng aking silid ay nagkulong kaagad ako rito.


Inihagis ko ang aking sarili sa may kama ay doo'y dumapa. Walang habas sa pagtulo ang aking mga luha. Lahat na ng sakit na iniinda ko ay pilit nang sumabog.


Kung nandito lang si Ate Roxette, hindi sana naging ganito ang pamilya namin. Sa buong buhay ko, si Ate lang talaga ang karamay ko.

The Return of ABaKaDa (Published)Where stories live. Discover now