Banana Turon (With a Bitter Twist)

628 11 0
                                    

By: Lala Crux


MGA SANGKAP:

Mga sangkap sa pagluluto. Kaunti lamang ito kaya dapat isapuso, 'wag mo basta nalang kalimutan kagaya nang paglimot mo sa ating nakaraan.

- lumpia wrapper (piliin mo 'yong matabang lang, 'wag na subukan maghanap pa ng iba at baka 'di mo lang magustuhan ang kalabasan)

- saging na saba (saba lang ang gamitin, alam mo namang 'di nararapat ang iba kaya 'wag mo ng ipilit pa pero kung gusto mo talaga edi dun ka na sa kanya)

- pulang asukal ('wag na maghanap ng puti na kulang naman sa tamis pero kung naakit ka talaga sa kaputian, subukan mo nang malasahan mo ang masakit na katotohanan)

- langka (optional lamang ito, subukan mo ring maghanap ng ibang option tutal sanay ka naman d'yan lalo kung nauumay ka na. Totoo naman diba?)

- mantika (isa ito sa dapat 'di kalimutan, aanhin mo pa sila lahat kung mantika nga 'di mo kayang tugunan---pagmamahal ko pa kaya?


PARAAN ng PAGLULUTO hindi ng PANLOLOKO mo.

1. Painitin ang mantika sa isang kawali. Siguraduhing sapat ang mantika sa dami ng iluluto. Sapat lang okay. Matuto ring makuntento minsan kahit alam kong kahit minsan 'di ka nakontento sa akin.

2. Hiwain ng pahaba sa gitna ang saging. Hiwain mo lang at 'wag mo ng durugin pa kagaya ng pagdurog mo sa puso ko noong ako'y iyong iwan.

3. Ilagay ang saging sa lumpia wrapper. Ilagay mo sa dapat kalagyan nang maayos. 'Di 'yong basta-basta mo nalang pabayaan matapos mong pagsawaan.

4. Lagyan ng langka at kaunting asukal ang ibabaw ng saging. Dito mo na gagamitin ang napili mong option. Tandaan: option mo lang siya kagaya ko noon.

5. Ibalot ang saging sa lumpia wrapper. Dahan-dahan mo lang na balutin nang 'di masugatan kagaya ng puso kong sugatan dulot ng iyong kagaguhan.

6. Pahiran ng kaunting tubig ang dulo ng wrapper upang sumara ito. Kaunti lamang ang ipahid. 'Wag pasobrahan sapagkat alam naman natin na isang kasawian ang sobrang pagmamahal kagaya ng ibinigay ko sayo.

7. Iprito ang saging ng lubog sa mantika. Dapat lubog talaga upang maluto talaga ang laman. Mahirap na kasi baka kulang sa luto ang kalabasan kagaya ng kulang-kulang na pagmamahal mo sakin.

8. Budburan ng asukal ang piniritong saging. Dapat alam mo rin na 'di sapat 'yong asukal na nilagay mo bago ibalot. Kailangan din ng tamis na nakikita sa kalabasan. Ito ang wala sayo diba kaya dapat mo 'tong tandaan.

9. Kung sa tingin mo luto na at kulay brown na ang saging, ihain na ito. Dito na nagtatapos ang paghihirap este pagluluto mo kaya dapat ka ng magdiwang.

10. Kung nanaisin, maari mo ring gamitin ang kamote. Pwede mong ipalit sa saging ang kamote sanay ka naman humanap ng pamalit e kaya sigurado akong 'di ka mahihirapan.


--WWG APPROVED--

The Hugot Recipes  | #Wattys2016Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon