Kabanata 12 - Realidad

57 0 0
                                    

Nang bumalik siya sa kaniyang silid, malawak na napangiti si Melissa nang makita ang pera sa kanyang account. Makakahinga na siya ng maluwag ngayon. Parang naayos na ang karamihan sa kaniyang mga problema. Binayaran niya agad ang kaniyang mga bills.

Pagkatapos noon, hinalungkat niya ang isa sa kaniyang mga kahon at naghanap ng isang cute na notebook at ballpen. Hindi siya sanay na gumawa ng mga plano, ngunit sa tingin niya ay kailangan niya iyon ngayon. Ayaw man niyang sundin ang suhestiyon ni Klyde ay ginawa niya pa rin ang sinabi nito at itinabi ang kalahati ng kaniyang pera. Dahil may existing account na siya, naging madali lang ang proseso upang makapag-open siya ng isa pang account. Inilista niya ang amount nito sa notebook.

Huminga siya ng malalim. Ito yung part na hindi niya gusto. Maghahanap ba talaga siya ng trabaho? What does she know about working in an office? Wala siyang masyadong karanasan at maging iyong internship niya ay hindi niya na-enjoy. Na-stress lang siya noon.

Iniisip pa lang niya ang mga kailangan niyang gawin ay nanghihina na agad siya. Nahiga siya sa kama at tumitig sa kisame. Halos kalahating oras din siyang nakatulala at kinukumbinse ang sarili na magsimula nang gumalaw.

Fine. Una, kailangan niyang iupdate ang kaniyang resume. Binuksan niya ang kaniyang laptop at hinanap ang dokumentong iyon. Madali lang niya itong na-edit. Wala naman halos nagbago sa nakalipas na isang taon. Isang page lang ito. Mabuti na lang at iyon ang uso ngayon. Personal information lang at educational background ang makikita roon. Para sa experience, iyong internship lang ang inilagay niya.

Pumunta siya sa study ni Klyde para magprint ng maraming kopya. Dahil wala roon ang binata ay malaya siyang nag-ikot at sinuri ang laman ng silid. May bookshelves at ang mga librong naroon ay patungkol sa business, economics at saka management. Mga librong hindi niya nakasanayang basahin. Hindi siya nakakatagal ng limang minuto sa pagbabasa ng mga text book. Madali siyang ma-boring sa mga iyon.

Ugh, pati ba iyon ay kailangan ding magbago? Kapag nakakuha siya ng trabaho ay hindi pwedeng wala siyang alam. Karamihan sa mga pinag-aralan niya noong college ay limot na niya. Mag-aaral ba ulit siya? Bakit parang dumadami ang kailangan niyang gawin?

Nagsisimula na siyang maramdaman ang bigat ng mga pagbabagong nangyayari sa kanyang buhay. Naku, ibang-iba kapag may pera ka at hindi mo kailangang magtrabaho para mamuhay nang maayos. Danas na ni Lily kung paano ito para sa mga ordinaryong tao, ngunit ngayon pa lang ito mararanasan ni Melissa. Hindi naman sa minamaliit niya ang ibang tao, kung tutuusin ay hanga siya sa sipag at tiyaga ng mga ito. Hindi niya alam kung kakayanin niya ba ang mga ginagawa nila sa araw-araw.

Kahit pa sabihing madaldal siya at maingay, hindi siya mahilig makihalobilo sa maraming tao. Malapit lamang siya sa kaniyang mga kaibigan. Noong nag-aaral pa siya, malapit siya sa kaniyang mga kaklase. Pero... kung tutuusin, hindi niya masasabing mga kaibigan niya iyon.

Alam ng mga kaklase niya ang tungkol sa kaniyang family situation. In a way, nakinabang rin sila sa kaniya dahil lang sa kaklase niya ang mga ito. Mapagbigay siyang tao. Hindi na nila kailangang utuin siya o lokohin. Humingi ka lang, kahit hindi ka na magpaliwanag, ay nagbibigay si Melissa. May mga nanghingi sa kaniya ng pambayad sa tuition fee. Hindi siya nag-atubili na magbigay para doon. Siya rin mismo ang nagbayad at inabot sa kanila ang mga exam permit. Lahat sila ay mabait ang turing sa kaniya dahil ni minsan ay hindi siya nagdamot. Tutal marami naman siyang pera noon.

Bukod roon, sa tuwing magpupunta sila sa mall at namimili siya ng branded items, inililibre din niya ang mga kasamang kaklase. Iilan lang ang tumatanggi sa alok niya. At di kalaunan nga ay halos lahat sila ay umaasa na sa kaniyang kabutihang loob.

She was generous to a fault. Hindi siya mapili. Basta lumapit sa kaniya ay tinutulungan niya. Isa yun sa mga dahilan kung bakit walang nang-aaway sa kaniya noong college.

Pag-akitWhere stories live. Discover now