Sabay silang tumingin doon at tumango bilang pagsang-ayon.

Nagpahabol ng sulyap si Eglantine, malapad ang ngiti. "Naniniwala ako na ipagmamalaki ka din ng dating Emperador, Hadden dahil isa kang Cairon."

Sa sinabi niya ay gumuhit na din ang ngiti sa mga labi ng pansamantalang emperador. "Maraming salamat, ate Eglantine. Salamat at pinalakas mo ang aking loob." binawi na din nito ang tingin at nauna nang naglakad patungo sa pinto. Tahimik at masaya siyang sumunod sa tatanghaling emperador.

Hindi lang ang mga opisyal at mga lupon ng Thilawiel ang dumalo para sa malaking pagtitipon na ito. Gayundin ang mga opisyal mula sa iba't ibang bansa at mga Imperyo. Kahit na sira na ang Kabisera ng Thilawiel ay hindi 'yon hadlang upang idaos ang malaking seremonyas. Ang ipakilala at tanghalin ang pansamanatalng namumuno ng pangalawa sa pinakamalakas na Imperyo sa mundo. Kahit ang mga mamamayan ay hindi rin pinalagpas ang napakaespesyal na araw na ito. Alam man nila na ang bunsong anak ng namatay na Emperador ang tatanghalin na mamumuno simula sa araw na ito ay nais pa rin nilang masaksihan ang magaganap. Subalit, tahimik at mataimim din nilang ipinapanalangin na nawa'y nasa mabuting kamay ang pinakamamahal nilang prinsipe at prinsesa na tagapagmana kung nasaan man ang mga ito naroroon dahil ang mga ito lamang ang nakikita nilang pag-asa upang umahon muli ang pinakamamahal nilang bansa. Sa ngayon ay magtitiis muna ang mga ito habang wala pa ang presensya ng mga itinadhang mga mamumuno ng Thilawiel. Malaki pa rin ang ipinagpapasalamat nila dahil sa likod pa nila ang iilan pang malalakas na Imperyo, ang Severassi, Oloisean, Jian Yu, lalo na ang pinakamalakas at nangungunang bansa, ang Cyan.

Kusang nagbukas ang matayog na pinto. Sa katunayan ay biglaan ang seremonyas na magaganap ngayon kaya sa Throne Room gaganapin ang pagpuputong na imbis ay sa Katedral. Sa pagtapak ni Hadden sa malawak na silid ay binati siya ng matatamis at kaaya-ayang tinig mula sa mga koro ng Katedral. Natanaw din niya sa tabi ng uupuang trono ang Arsobispo. Nadatnan din niya ang mga opisyal at mga lupon na kanina pa hinihintay ang kaniyang pagdating na agad din siya binigyan ng magarbong pagluhod bilang pagbati, maliban lamang sa mga Pamilyang Imperyal mula sa limang Imperyo. Diretso ang tingin ng mga ito sa kaniya. Binigyan siya ng mga ito ng tango, pampalakas ng kaniyang loob.

Patuloy pa siya sa paglalakad hanggang sa narating niya ang harap ng Arsobispo at binigyan siya ng mga katanungan.

"Ginoo, pumapayag ba ang inyong kamahalan na manumpa?" panimulang tanong nito sa kaniya.

"Maluwag sa aking kalooban." pormal at seryoso niyang tugon.

Bago man muli ito nagsalita ay inabot sa kaniya ang isang banal na libro. Tinanggap niya ito saka niyakap. Inangat din niya ang kanang kamay upang gawin ang panunumpa. "Taimtim ka bang nangangako at manunumpa na mamahala sa mga tao ng Thilawiel, Afelagan, Ocalirin, Aliron at Crossa, at ng inyong pag-aari, at iba pang mga teritoryo sa alinman sa sila ay kabilang o nauukol, ayon sa kani-kanilang mga batas at kaugalian?" sunod nitong tanong.

Nanatili pa rin siyang seryoso kahit sa loob-loob niya ay unti-unti nang bumibigat. Sa huli, "Mataimtim kong ipinapangako na gagawin ko ito."

"Sa inyong kapangyarihan, ay ipapatupad mo ba ang batas at karunungan, sa awa, sa lahat ng inyong paghatol?"

"Gagawin ko." saka lumuhod siya't hinalikan ang banal na libro.

Nilapitan siya ng isa sa mga opisyal para bawiin ang naturang libro. Lumapit sila sa ginawang alta para lumagda. Pagkatapos ay lumipat sila sa harap ng trono. Muli siyang lumuhod. Humakbang palapit sa kaniya ang Arsobispo, hawak ang mga bagay na simbolo na siya na ang mamumuno ng Thilawiel simula sa araw na ito.

Marahan siyang pumikit nang maramdaman niya ang mabigat na bagay sa kaniyang ulo. Umigting ang kaniyang panga. Labis niyang naramdaman ang bigat ng responsilibidad na kaakibat nito. Ang korona na nakikita niya sa kaniyang ama, ang dating Emperador Audrick na ngayon ay suot na niya sa mga oras na ito. Hindi mapigilang pumatak ang isang butil ng luha mula sa kaniyang mata. Hindi dahil sa tuwa, kungdi nagpapaawa na sana ay magabayan siya ng yumaong ama upang sa maayos niyang pamamalakad sa inihabilin na bansa na dapat ay sa nakakatanda niyang kapatid na si Otis. Pakiramdam niya sa mga oras na ito ay pasan na niya ang mundo subalit wala na siyang magagawa. Tulad ng sabi ni Eglantine sa kaniya, hindi siya nag-iisa. Nariyan pa ang isa pa niyang kapatid na si Mival na tiyak ay matutulungan din siya sa pamumuno sa kabila na sobra na din itong abala. Pero malaki pa rin ang ipinagpapasalamat niya dahil hindi siya pababayaan nito. Gayundin ang mga emperador ng apat na Imperyo. Sa tulong at gabay ng mga ito, hinihiling niya na sana ay magampanan niya ang kaniyang tungkulin.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon