Chapter 105

1.1K 67 1
                                    


Mabilis kong idinilat ang aking mga mata, suminghap ako saka bumangon. Nagtaas-baba ang aking dibdib. Kusang kumunot ang aking noo. Dumapo ang aking palad doon. Ramdam ko na basa 'to. Hindi pa ako nasiyahan, idinapo ko din ang isang palad ko sa aking leeg. Napagtanto ko na naliligo na pala ako sa sarili kong pawis. Patuloy pa rin ang papghabol ng hininga. Agad ko iginala ang aking paningin sa paligid. Maliban sa akin, wala na akong makita na ibang tao, siguro ay tulog na sila. Ang nagsisilbing liwanag lang sa buong silid na 'to nagmumula sa dalawang kandila na hinayaan lang nakasindi 'yon.

Paikot-ikot ang aking mga mata. Nakakaramdam ako na tila hindi na ako komportable nang may narinig akong boses ng isang lalaki. Bakit pakiramdam ko ay tinatawag niya ako? Bakit ganito na naman ang nararamdaman ko? Sino ba ang tumatawag sa akin? Ano bang kailangan niya sa akin? Bakit hinahanap niya ako?

Para maibsan ang negatibo na nararamdaman ay pinili ko nalang na umalis muna sa ibabaw ng kama. Pinunasan ako ang aking pawis. Kinuha ko ang damit-pamalit. Kinuha ko din ang matingkad na kulay asul na roba saka isinuot 'yon. Lumabas ako mula sa aking silid hanggang sa narating ko ang labas. Dahil sa maliwanag ang buwan ngayon ay namataan ko ang lampara na hugis-parihaba. Nilapitan ko 'yon saka sinindihan. Sunod ay sinuot ko ang aking mga sapatos. Hinawakan ko ulit ang lampara at nagpasya akong lumabas at maglalakad-lakad muna habang dala ko 'yon. Magkakabasakali na antukin ulit ako kapag ginawa ko 'yon.

Halos wala na ako sa sarili habang patuloy pa rin ako sa paglalakad hanggang sa tumigil nang kusa ang aking mga paa. Natagpuan ko ang isang lagusan sa likod ng halamanan. Naniningkit ang aking mga mata na hindi napuputol ang tingin ko doon. Dahil sa pagtataka at umahon na naman ang pagiging usisera, hindi ko mapigilan ang sarili kong humakbang pa palapit doon, inangat ko ang hawak kong lampara para masilayan ko pa kung anong meron sa lagusan na 'yon. Tinagilid ko ang aking ulo. Hindi bale, gusto ko pa malaman kung anong meron doon. Pakiramdam ko kasi tila isang sikretong daan ito.

Tumawid ako sa halamanan. Nang tagumpay kong nalapitan ang bagay na 'yon ay inilapit ko pa ang isa kong kamay doon. Natatakpan kasi 'yon ng makakapal na baging. Nagawa kong hawiin ito. Bahagyang umawang ang aking bibig nang makita ko na medyo madilim ang bahagi na ito. Imbis na matakot at umatras ay hindi ako nagpadaig. Pakiramdam ko kasi ay tila hinihila ako. Parang inuutusan ako na lumapit pa at malalaman ko kung ano ang nasa likod ng lagusan na 'yon.

Swerte akong nakalabas mula sa lagusan. Nanatiling hawak ko pa rin ang lampara. Mabuti nalang ay dala ko 'to para hindi ako maligaw. Naglakad pa ako at sinundan ko ang daan. Base sa nakikita ko ay may mga nakahilerang mga matataas na puno dito. Sa kabila n'on ay may malawak na lawa. Hindi bale, saka ko na malaman ang tungkol doon kapag tapos na ako tahakin ang daan na ito saka malalaman ko din kung saan ang daan nito. At ngayon ko lang nalaman na may sikretong lagusan pala ang Palasyo. Hindi kaya doon dumaan si Emperador Shan kapag naisipan niyang lumabas ng Palasyo kaya nakita ko siya noon sa Kabisera?

Kahit na medyo malayo na ang aking narating ay hindi 'yon ang hadlang para ipagpatuloy ko pa ang aking paglalakad. Sa tuwing papalayo ako nang papalayo, mas ginagapangan ako ng pagkasabik. Tumigil lang ako saglit para ayusin ang aking suot na roba. Dahil nararamdaman ko na ang lamig ng hangin na humahaplos sa aking balat ay nakakaramdam na din ako ng panlalamig kaya ang ginawa ko ay itinali ko ang makapal na roba. Mabuti nalang ay mahaba ito kaya hindi mahahalata na ang nakapaloob ay damit pampatulog pa ako. Ipinagpatuloy ko pa ang aking paglalakad.

Ilang saglit pa ay may natatanaw ako na maliit na liwanag. Ibinuka ko nang kaunti ang aking bibig at sumilay ang maliit na ngiti sa aking mga labi. Hindi ko na mapigilan pa, mas binilisan ko pa ang lakad ko papalapit sa nakikita kong liwanag. Palapit nang palapit na siya naman palaki nang palaki ang naturang liwanag na natatanaw ko.

Kusang huminto lang ang aking mga paa nang matagpuan ko ang sarili ko sa isang hindi pamilyar na lugar : Ang masigla at maingay na pamilihan sa gabi (night market)! Kung ano ang dami ng tao noong unang tapak ko sa Kabisera noong una na kasama ko sina Lin Fen at Dai Ya, dito ay tila dumoble pa ang mga tao na nakikita ko! Nakikita ko na din na maraming tao na abala sa pamimili at pagtitinda. Ipinagpatuloy ko ang aking paglalakad habang abala aking mga mata sa pagtitingin ng kung anu-anong bagay na inilalako. Mayroong mga samu't saring pagkain, mga damit at tela, mga inumin, mga palamuti para sa mga kabahayan at mga kasangkapan, mga alahas na yari sa mga ginto't pilak na maaaring gamitin ng mga babae 't lalaki. At marami pang iba!

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon