Chapter 127

1.3K 95 6
                                    


Nagpalitan kami ng tingin ni Otis habang naglalakad kami sa pasilyo. Sabay din kaming tumingin sa aming harap---si Houstin. Pagkatapos niyang marinig ang mga bagay na dapat niyang malaman mula kay Raegan, wala na akong marinig na mga sunod na tanong niya. Naiitindihan ko kung ano ang nararamdaman niya ngayon dahil naranasan ko din na magulat nang nalaman ko din ang tunay kong pagkatao. Ngunit, hindi ko lang inaasahan na mas madilim pa pala ang nangyari sa mga Bennet noon. Halos maubos na pala ang pamilya ng yumaong duke dahil sa kapatid nito.

Ang sabi sa akin ni Raegan, hanggang ngayon ay hindi pa daw natatagpuan si Makwis Bennet. Ang sabi din daw ay nakatakas ito mula sa panghuhuli at gumagalang mga kawal ng Cyan mula noon. Nasabi na din sa amin ni Raegan kung saan namin matatagpuan ang dating lupain ng pagmamay-ari ng dating duke, sa Rachdale. Kung hindi ako nagkakamali, mula Corbin, dalawang lalawigan pa ang madadaanan namin bago namin marating ang Rachdale. Ayon din sa pinag-aralan ko at sa itinuro ni Raegan noong nag-aaral pa ako, ang Rachdale din daw ay isa sa mga lupain na hindi nawawala ang sistema ng pyudalismo (feudal system). Pinaghalo 'yon ng hukbong militar at politika sa lipunan na pangunahing nakabatay sa pagpapalitan ng mga lupain sa bayad o hindi kaya sa palitan ng serbisyo at paggawa. Malakas at malaking suporta na naibibigay nito para sa Pamilyang Imperyal at sa Kapitolyo. Sa pagkakatanda ko din, ang lupain na nasasakupan ng mga Bennet ay umabot ng mahigit isang libong hektarya. Kung bibilangin, halos dalawampu't limang lalawigan ang nasasakupan ng mga Bennet, lalo na sa hilaga at kanlurang bahagi ng Cyan. Dahil pala sa nawala na ang mga Bennet, ang Pamilyang Bordel, ang pamilyang pinanggalingan ni Caldwell ngayon ang nangunguna at maingay sa lipunan. Hindi lang din kasi kabalyero ang tatay niya, literal na dugong-bughaw din ito kaya may mga karapatan ang mga Bordel. Pero nakakapanghinayang lang, malaki din ang maitutulong ng mga Bennet kung sakaling buhay pa sila---at tanging si Houstin nalang ang natira at nanalaytay pa rin sa kaniyang katawan ang bakas ng dating duke.

Hinatid namin si Houstin pabalik sa Opisina. Sa ganitong paraan, hahayaan muna namin siya mapag-isa at makapag-isip. Kailangan niyang pag-isipan ng mabuti ang desisyon na bibitawan niya. Ang mananatili siyang karaniwang mamamayan ng Cyan at payapang nagtatrabaho sa Palasyo bilang myembro ng pantalinong pansandatahan o tatanggapin niya ang katotohanan na hindi lang siya basta-basta na bastardo ng mga Bennet, na balang araw, siya ang makakapagbalik ng pangalan ng mga Bennet sa lipunan.

"Nag-aalala ka sa kaniya, my rose." rinig kong sambit ni Otis. Hindi 'yon isang tanong, kungdi pagpapahayag.

Kusa akong napatingin sa kaniya. "Hindi ko maiwasan na hindi mag-alala sa kaniya. Kahit ako ay hindi makapaniwala na isa palang magaling, at matapat na duke ng Cyan ang ama niya. Nakakalungkot lang isipin na wala na siyang madadatnan ni isa sa pamilya niya kung pipiliin niya ang reyalidad ng kaniyang buhay."

"Kung sakaling dumating ang pagkakataon na tatanggapin niya ang mga iniwan sa kaniya, hindi rin niya iiwan ang hukbo na inyong binuo, maaari din niyang gawin kung ano ang ginagawa ni Caldwell."

"May pagkakaiba lang, Otis." wika ko sa mababang tono. "Si Caldwell, may panahon pa para asikasuhin ang hukbo dahil tagapagmana palang siya at nagkakaroon pa siya ng oras dahil hindi pa ibinigay sa kaniya ang lahat ng karapatan bilang susunod na duke. Pero sa kaso ni Houstin, mas mahihirapan siya na mamili dahil matinding responsibilidad ang sasalubong sa kaniya sa oras na magpakita na siya sa lalaki na inatasan ng yumaong duke na hanapin siya. Hindi lang ang hukbo at lupain nila ang kaniyang pagtuutunan ng pansin. Kailangan niya ring pakinggan ang daing ng mga tao na kanilang nasasakupan, ang mga kabuhayan at kung papaano siya makakapagdesisyon na parte ng pamamalakad." pumikit ako. "Alam mong kakaunti palang ang kaalaman ni Houstin, hindi pa sapat ang mga nalalaman niya upang hawakan ang lahat ng mga 'yon."

"Pero may tiwala ka naman sa kaniya, hindi ba?"

Natigilan ako. Gulat akong tumingin sa kaniya. "Otis..."

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon