Chapter 89

1.5K 103 6
                                    


Kahit na lumalalim na ang gabi ay halos hindi pa rin nauubos ang mga tao sa paligid. Patuloy pa rin ang pagbili ng mga pagkain sa tabing-kalsada ng mga mamamayan man o mga turista o mga kalahok din sa malaking paligsahan na ito. Kumsabagay ay minsan lang ito kaya nilulubos-lubos na ng iba ang pananatili nila sa Azmar. Ilang araw nalang din ang nalalabi bago man sila magsibalik sa kani-kanilang pinanggalingan na bansa.

Iyon ang kinuha ng pagkakataon ng isang babae. Balot na balot niya ang kaniyang sarili ng itim na balabal na tila takot siyang makilala kung sinuman na makakasalubong niya. Huminto siya saglit sa paglalakad. Iginala niya ang kaniyang paningin sa paligid, pagkatapos ay mabilis siyang pumasok sa isa sa mga eskinita. Madilim iyon at makipot ang daan pero para sa kaniya tila kabisado na niya ang daan na ito at tila sigurado siya sa kaniyang pupuntahan.

Ilang hakbang pa ang ginawa niya bago siya muli tumigil sa paglalakad. Mas lalo nagiging madilim ang paligid pero hindi ito ininda ng babae. Tumambad sa kaniya ang mga ibang tao na naririto. Hindi ito katulad sa labas na ang hanap ay kasiyahan, dito naman ay trabaho. Ang pangunahing trabaho ng mga ito ay magbenta ng mga impormasyon. Anuman ang nais mong itanong sa mga ito ay magagawa nilang sagutin. Kahit na nakapaimposible na tanong ay masasagot nila o hindi kaya ay magbibigay ng palantandaan na tila kinakailangan mong sumagot ng isang napakahirap na bugtong---iyon ang alam ng karamihan sa mga mamamayan ng Azmar. Ang hindi nila alam ay may isa pang bagay na ikinabubuhay ng mga tao na nakatira dito.

Iyon ay nagbebenta ng mga ipinababawal na mahika na nakabalumbon (magic scroll) at mga ipinagbabawal na gayuma.

Patuloy sa paglalakad ang babae. Nakikita niya na mas kumakapal ang hamog na nakapaligid sa lugar na ito na mismo ang mga nakatira dito ang may gawa, upang hindi agad malaman, upang mas matakot pa ang mga nagtatangka maghimasok dito lalo na't wala namang sadya talaga dito.

Kahit na ramdam na niya na pinagtitingnan na siya ng ibang tao dito ay wala siyang pakialam. Patuloy pa rin niya tinatahak ang lugar upang marating na niya ang eksaktong pupuntahan.

Nang maaninag na niya ang nakaukit na pangalan ng tindahan ay dire-diretso siyang pumasok doon. Tumunog ang bell na nakakabit sa pinto ng tindahan, tanda na may bibili o may pumasok.

Tahimik niyang iginala ang kaniyang paningin sa paligid. Hinahanap niya ang tindero o ang may-ari ng tindahan na kaniyang sadya. Naglakad-lakad siya nang kaunti. Pinagmamasdan niya ang mga kasangkapaan na binebenta dito. Mayroon ng mga armas din na tingin niya ay pinaglumaan na ng panahon. Mayroon din sa tingin niya ay mga sagrado ang mga ito. Pero wala siyang interes na bilhin ang isa sa mga ito.

Napukaw lang ng kaniyang paningin nang may narinig siyang tunog sa kaniyang harap. May lumabas na isang matandang babae doon. Palagay niya'y nasa otsentsa anyos na ito pero tila malakas pa ang isang ito. Diretso at seryosong tingin ang iginawad sa kaniya.

Hindi siya nag-atubiling lapitan ang matandang babae. Hindi rin niya hinawi ang hood sa kaniyang ulo. May dinukot siya mula sa bulsa niya. Isang supot na yari sa tela. Sa unang tingin palang ay mabigat 'yon. Tahimik niyang ipinatong ang naturang supot sa harap ng matandang babae. "Ang bilin niya." malamig niyang wika dito.

Nanatiling seryoso at tikom ang bibig ng kausap. Walang alinlangan na tanggapin ang supot. Binuksan niya ito. Tumambad ang mga barya na yari sa ginto. Agad ito ibinulsa ang malaking halaga na naglalaman sa supot. Saka yumuko ito na tila may kinukuha hanggang sa ipinakita sa kaniya ang dalawang bote at isang nakabalumbon na papel. Ang isang bote ay naglalaman ng kulay lila na likido, samantala ang isa naman ay kulay itim na likido.

Tahimik niyang kinuha ang dalawang bote at ang papel. Agad niyang itinago 'yon sa kaniyang balabal upang hindi malaman ng iba na may dala siyang mga ipinagbabawal na bagay tulad ng inutos sa kaniya.

I'm Born as an Eryndor! (Season 1&2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon