Lara: Dreams

2 4 0
                                    

*** You sacrificed your light to shine mine ***

Pinatay ko ang ilaw ng kwarto ko at saka nahiga sa kama.

Nilagyan ni Minho ang kisame ng kwarto ko ng mga glow in the dark na stars. Para raw magaan ang pakiramdam ko bago ako matulog dahil ayaw ko raw ng dream catchers. Hindi ko naman sinabing ayaw ko no'n. Hindi ako bumibili ng mga bagay na hindi ko naman kailangan. Sayang sa pera.

Saglit kong tiningnan 'yon pero mabigat pa din, Minho.

Hindi ako sumagot nang sabihin niyang sasama siya sa akin papuntang New York. Naiinis na ako sa sarili ko. Pakiramdam ko napatahimik na ng tuluyan ang utak ko at puso na lang ang gumagana.

Hindi ko maintindihan kung bakit biglang ayokong bitawan si Minho. Gusto ko siyang panatilihin sa tabi ko.

Babalik din naman agad ako. Magsasama din naman kami pero bakit parang may pumipigil sa aking umalis?

My favorite author once said: Love is no respecter of reasons.

Totoo nga. Nakakabobo ang pagmamahal. Hindi mo maintindihan.

Bakit ako lang ang iniisip mo, Minho? May pangarap ka din. Naniniwala ako na mas malayo pa ang mararating natin at hindi ko hahayaan na pigilan tayo ng pagmamahal na 'yan na maabot iyon.

Ang dami kong iniisip hanggang sa namalayan ko na lang na nakatulog na pala ako.

Buti na lang hindi na binanggit pa ni Minho ang tungkol sa pagsama niya sa akin sa New York noong mga sumunod na araw. Siguro sinabi niya lang iyon para tumigil ako sa pag- iyak.

Tatlong linggo na lang at aalis na ako kaya sabi ni Minho ibigay ko daw sa kanya ang isang linggo. Magroad trip daw kami. Mula Baguio pababa hanggang Manila.

Isinantabi muna namin ni Minho lahat ng iniisip namin para ma- enjoy ang isang linggo na iyon.

Naghiking kami sa Mt. Ulap, pati Sagada pinuntahan namin, nanood kami ng dancing fountain sa Vigan, at nagbeach sa Ilocus Sur. Minsan tumitigil kami sa pagdadrive para tingnan ang sunset o di naman kaya ay ang sunrise. Iyon na ata ang pinaka- nakakabaliw na experience ko pero sobrang enjoy dahil kasama ko si Minho.

Nagsaya muna kami sa kasalukuyan at kinalimutan sandali ang kinabukasan.

Nang sumunod na linggo ay nagkaroon ng farewell party sa restau para sa amin ni Sofia, aalis din kasi siya. Sasama siya sa boyfriend niya sa Manila.

Lumalabas- labas na lang kami ni Minho ng mga sumunod na araw.

Ayaw ko siyang tanungin tungkol sa gagawin niya in the future dahil baka sabihin niyang sasama siya sa akin.

Huling linggo ko na at aalis na ako papuntang New York. Nakaschedule na ang flight ko.

Umuwi muna ako ng La Union para kunin ang iba ko pang gamit at para na din kunin ang ipapadala nila Tita Rina at Patrick. Gusto ko sanang isama si Minho pero may bisita siya, iyong Chef daw na nagmentor sa kanila nang pumunta siya ng Quezon City kaya mag- isa na lang akong pumunta. Tatlong araw lang din naman ako dito.

"Mag- ingat ka doon, Lara," bilin ni Mama habang nilalagay ang iba kong damit sa bag na dala ko.

"Opo," sagot ko.

Lumapit sa akin si Riley at bigla akong niyakap. Napaiyak tuloy ako. "Pasalubong ko, Tita. Pag- uwi mo," malambing na sabi niya kaya napatawa kaming lahat.

Inihatid pa nila ako sa bus station nang umalis ako.

"Ingatan mo ang sarili mo, Lara. Ito na ang pangarap mo," nakangiting sabi sa akin ni Papa.

"Deserve mo 'to, Lara. Ito na ang pagkakataong makabawi sa sarili mo. Sarili mo naman," sabi naman ni Ate saka yumakap sa akin pero mabilis din siyang bumitaw dahil baka daw mabasa niya ang damit ko.

Pinagtitinginan tuloy ako ng mga pasahero dahil tuloy pa din ako sa pag- iyak pagkasakay ko ng bus.

Pagkadating ko ng Baguio inayos ko muna ang mga gamit ko saka pumunta ng restau.

"Si Minho, Ate Nat?" tanong ko matapos magkamustahan sa counter.

"Nasa office, pinatawag saglit ni Mam Minzy. Nandoon din ata si Sofia," sabi niya.

Umakyat na ako ng second floor at naglakad papuntang office ni Mam Minzy. Aabutin ko na sana ang doorknob nang marinig ko ang malakas na boses ni Sofia.

"Baliw ka ba, Minho? Paano ka? May pangarap ka din!" sigaw niya.

Nakaawang ng konti ang pinto baka nakalimutan isara ng maayos kaya rinig ko ang boses niya.

"Ayaw ko nga! Susunod ako kay Lara."

Mabilis na kumabog ang dibdib ko kaya mabilis akong umalis sa harap ng pinto at sumandal sa pader.

"Adeul, sayang naman 'yon, di ba pangarap mo ang Korean Cuisine? Si Chef Lee na ang nag- offer sayo para turuan ka," si Mam Minzy.

Kaya ba siya pumunta dito sa Baguio para i- scout si Minho? Ayaw ni Minho? Pero pangarap na niya ang lumalapit sa kanya.

"Ma, gusto kong samahan si Lara. Ayokong malayo sa kaniya. Gusto kong nasa tabi niya palagi. Hindi ko alam kung bakit, bakit sobrang hirap. Ayoko, Ma."

Bigla akong napaiyak nang marinig ang hirap na hirap na boses ni Minho. Umiyak ako ng tahimik, pilit na itinatago ang mga hikbi.

"Hayaan mo na, Sofia. Okay lang Minho, kung saan ka masaya, doon si Mama."

"Tita! Eh, bakit ba lagi na lang si Lara ang iniisip mo, Minho? Paano ka naman?"

"Bakit ikaw? Susunod ka din naman kay Ghiro? Bakit ako hindi puwede?"

"Hindi naman Korean painting ang prinapractice ko. Saan ka naman nakakita ng nag- aaral ng Korean Cuisine sa New York? Kung gusto mong mamaster ang Korean Cuisine malamang sa Korea ang punta mo. Sikat pa na chef ang nagscout sa 'yo."

Hindi ko na kaya pang itago ang pag- iyak ko kaya mabilis akong bumaba at dire- diretsong naglakad papunta sa pintuan ng restau. Natigilan ako pag- labas ng pintuan dahil umuulan.

Bakit lagi na lang umuulan tuwing ganito?

Isinuot ko ang hood ng jacket ko at naglakad pauwi hindi iniinda ang patak ng ulan. Ramdam ko ang ginaw pero wala akong lakas para tumakbo. Tumigil ako saglit at tumingin sa langit.

Maybe this isn't the right time for us, Minho.

Hindi ko na napigilan ang bigat ng nararamdaman ko kaya hinayaan ko na lamang ibuhos lahat. Umiyak ako ng umiyak. Kung gaano kalakas ang buhos ng ulan ay ganoon din kalakas ang mga hikbi ko.

Huwag mo sirain ang buhay mo para sa akin, Minho. Sino ba ako? Lahat na lang ibinigay mo sa akin pati ba naman pangarap mo ibibigay mo pa? Muntik ko na din ibigay sayo ang pangarap ko.

Itigil na natin 'to bago pa tayo tuluyang baliwin ng pagmamahal na 'yan.

In Another Life, Astra (IALA) | COMPLETEDUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum