50

188 13 0
                                    

Pagkatapos nang nangyari sa gabing 'yon, hinatid na rin ako ni Hugo sa harap ng bahay namin. Wala kaming pansinan habang nasa loob kami ng sasakyan niya, dahil sigurado naman na akong alam niya na ang gusto kong sabihin.

Saktong kaalis ni Hugo ay naabutan ko si Nanay na pababa mula sa tricycle ni Max. Nagtama ang tingin namin, ngunit siya na agad ang nag iwas.

"Anak, kakauwi mo lang?" Gulat na tanong ni Nanay.

"Opo, Nay," Nagmano ako sa kaniya.

"Mabuti na lang at naabutan ako ni Max doon sa pinaglalabhan ko at nakauwi ako," Aniya at dumako ang tingin kay Max. Tipid namang ngumiti si Max kay Nanay. Nagpasalamat ito sa kaniya at akmang aalis na si Max ngunit tinawag ko ito.

"Hoy, itlog,"

Lumingon ito sa'kin at parang nagtaka pa kung tinawag ko ba talaga siya o hindi. Sa loob ng isang buwan, hindi kami masiyado nakapag usap nito. Ayaw ko namang may maisip na kung ano ano 'to at gusto kong mabalik kami sa dati kaya gusto kong mag explain sa kaniya.

"Tawag mo 'ko?"

"Hindi. Si Eric tawag ko," Pamimilosopo ko. Ngumiti ito at umiling. Nauna na ako sa kaniya at sumakay ako sa tricycle niya. Sumunod naman siya at dinrive ang kaniyang tricycle sa park kung saan kami halos tumatambay.

Sabay kaming bumaba nang makarating na kami. Umupo ako sa bench, pero si Max ay nakaupo lang sa batong kaharap ng inuupuan ko. Medyo nakapormang upuan din kasi ito.

"Kamusta ka?" Tanong ko sa kaniya. Napatingin ito sa'kin habang naghahagis ng maliliit ng bato sa gilid niya.

"Ayos lang ako. Ikaw?"

"Ayos lang din... yata,"

"Bakit? May problema?" Napatigil ito sa paghahagis ng mga bato at tinignan ako nang may bahid ng pagaalala sa kaniyang mga mata.

"Oo. Nakaaway ko kasi kaibigan ko,"

"Inaway mo kasi," Aniya at ngumisi.

"Max, sorry..." Pagpapakumbaba ako. Hindi ako yung taong pala sorry, pero ngayon, hindi pwedeng hindi ako humingi ng tawad sa kaniya dahil sa ginawa ko.

"I-reserve mo muna 'yang sorry mo... Magkwento ka na," Ngumiti ito sa'kin habang hindi pa rin nawawala ang paga alala sa tingin niya. Hindi ako sigurado, pero nakikita kong medyo malungkot siya.

Kinuwento ko na ang lahat ng nangyari sa kaniya. Kahit maliliit na detalye, hindi ko 'yon iniwan. Parang hindi ko siya nasaktan sa mga sinabi ko noong nakaraan. Katulad ng dating Max na kilala ko, nakikinig pa rin ito katulad ng dati.

"Yun ang nangyari, Max... Pasensiya na talaga kung ano... Basta. Alam mo naman yung ginawa ko sa'yo. Sorry na," Nanghihingi pa nga ako ng advice kay Eric noon dahil sa nagawa ko kay Max. Pero, kahit ilang beses niyang sabihin na mag sorry lang ako kay Max at magiging okay na ulit kami, hindi ko siya pinapaniwalaan.

Ngayon lang, dahil tumayo si Max at tinapik ang ulo ko na parang bata. Nakangiti ito, pero mukhang hindi siya masaya.

"Ayos lang 'yon, Dalen. Para ka namang others sa'kin," Tumawa pa ito, pero wala akong nahihimigan na tunay siyang masaya. Gusto kong banggitin sa kaniya 'yon, pero mas pinili kong huwag na lang.

"Totoo? Bati na tayo?"

"Matitiis ba kita?"

"Oo, natiis mo ako ng isang buwan e,"

"Aba, sino ba dapat ang lumapit? Sino may kasalanan?"

"Oo, ako na," Pagsuko ko.

Ilang sandali pa ang naghari sa'ming dalawa. Walang nagsalita sa'min. Kulang na lang na dalawin kami ng uwak dito.

"Pero, Dalen, kung ano man magiging desisyon mo, alam ko at sigurado ako... babalik ka sa kaniya," Sabi niya na para bang siguradong sigurado siya na 'yon ang gagawin ko.

"Ba't mo alam?"

"Nakikita ko sa mga mata mo, Dalen. Kahit na nagrereklamo ka sa'kin na ganito siya, ganiyan siya, nakikita ko sa mga mata mo na mahal mo pa siya. Siguro, kung siya, pwede mo pang mapagkunwarian ng tunay mong nararamdaman, ako, basang basa na kita,"

Napatulala ako sa mga lumalabas sa bibig niya ngayon. Bakit kay Abigeyl dati hindi naman siya ganito magsalita? Bakit ngayon akala mo broken na broken talaga siya?

"Kung nababasa mo, sige nga, basahin mo,"

"Sige, wait," Naningkit pa ang mga mata nito na para bang sinusuri nang mabuti kung ano ang mga nasa mata ko.

"Ah, alam ko na,"

"Ano?" Tinaasan ko siya ng isang kilay.

"Jumbo hotdog,"

Pinalo ko siya sa braso niya nang sabihin niya 'yon. Saan niya na naman kaya nahugot 'yan?

"Siraulo ka ba?"

Ngumisi ito. Hindi nagtagal ay hinatid niya na rin ako sa bahay namin. Ang gaan na ng loob ko ngayon. Iba pa rin talaga kapag may mga kaibigan kang totoo palagi sa'yo. Sayang nga at wala si Eric ngayon dito. Ilang buwan lang din pagkatapos niyang makaalis, sumama na rin ang kapatid niyang si Ae sa kaniya.

"Pasok ka na," Aniya.

"Oo na, excited?"

Humalakhak ito. "Lagi lang akong nandito, Dalen. Tandaan mo lahat ng sinabi ko,"

"Oo na. Ang drama mo. Tapos na yung drama time natin kanina,"

"Pinapaalala ko lang naman sa'yo. Napaka ano mo talaga. Kakahingi mo lang ng sorry kanina, tapos ngayon, inaaway mo na naman ako,"

"OA ka lang. Hindi kita inaaway," Kumaway ako sa kaniya nang makasakay na ito sa kaniyang tricycle. Kinawayan niya rin ako pabalik atsaka pumasok na ako sa loob ng bahay namin. Naabutan ko roon si Nanay na naghihintay sa'kin.

"Okay na kayo?" Tanong niya na ikinabigla ko. Alam niya bang may alitan kami ni Max?

"Oo, alam ko," Ngumiti si Nanay na para bang narinig niya ang tanong sa isip ko.

"Ayos na kami, Nanay. Paano mo nalaman?"

"Alam mo namang sinubaybayan ko kayong dalawa simula bata pa lang kayo. Nakita ko ang paglaki niyong tatlo hanggang sa magbinata kayo. Pero, ngayon dalaga na yata anak ko,"

Inilingan ko si Nanay at napangiti.

"Nagtaka lang ako, kasi lagi ko naman kayong nakikita ni Max na magkasama. Kung nandito pa si Eric, baka umagang-umaga pa lang, binubulabog na ang bahay natin. Kaya naramdaman ko na may problema kayo,"

"Mabuti na lang nga, Nay, kasi hindi marunong magtanim ng galit 'yon si Max,"

"Oo nga. Gusto ko ngang palakpakan ang Ninang mo sa pagpapalaki nang maayos kay Max. Ang bait-bait ng batang 'yon,"

Nagkuwentuhan pa kami saglit ni Nanay. Ngayon lang ako nakapagbukas ng saloobin sa kaniya, dahil noon, sa tingin ko'y may nakaharang sa'ming dalawa sa tuwing may magkukwento. Pero, ngayong gabi, tuwang tuwa ang puso ko sa mga ganitong usapan.

"Piliin mo lang ang tinitibok ng puso mo, anak. Madalas kasi... akala natin... wala na yung pagmamahal natin sa taong 'yon. Akala natin, tuluyan na nating silang kinalimutan. Pero, may mga pagmamahal pa rin na... minsan, nakatago... pero, madalas tinatago. Parang self-defense ganoon,"

"Yun nga, Nay, eh... Tinatago kasi sa takot na baka masaktan muli,"

"Pero, paano mo masisigurong masasaktan ka ulit kung hindi mo pa susubukan? Kung masasaktan ka lang ulit, huwag kang mag alala, dahil naka wheel chair na ang Tatay mo, ako na ang magi-itak sa kaniya,"

Napuno lang kami ng tawanan sa sala habang mahimbing na natutulog si Tatay. Nang marealize naming masiyado na kaming maingay, doon pa lang namin napagdesisyunang tumigil para matulog.

Isang pagkakataon na lang... Sana naman...

Sana worth it.

Wrong Send si DalenWhere stories live. Discover now