43

177 14 0
                                    

Lumipas ang isang taon na tanging paggagamot lang sa sarili ko ang inatupag ko. Pinutol ko na ang lahat ng koneksyon ko kay Hugo. Ultimo si Shainah, si Abigeyl, in-unfriend ko na sa Facebook.

Sa totoo lang, miss na miss ko na si Tatang. Namimiss ko na siyang alagaan. Gusto kong malaman kung ano ang ginagawa niya ngayon. Pero, hindi na ako masiyado pa nag abala. Taimtim ko na lang siyang inilalagay sa mga panalangin ko.

"Dalen, punta ka sa Bangketa paminsan minsan ha," Ngiting ngiti na wika ni Max.

Nagsisideline na ngayon si Max sa bangketa kasama ang Nanay niya. Nagtitinda sila ng mga damit pati na rin mga iilang dekorasyon na pwedeng ilagay sa bahay, sa maliit na halaga.

"Oo, sige. Masiyado naman yata akong namimiss ni Ninang,"

"Ay feeling," Ngumisi siya at inirapan ko lang.

Sa isang taon na 'yon, naramdaman ko rin ang pag aalaga sa'kin ng mga bugok kong kaibigan. Tinignan ko siya habang binubuhat niya ang iilang mga kahon na may lamang damit sa tricycle nila.

Mahigit anim na buwan din akong hinintay ni Max. Sinubukan pa niyang manligaw, pero ayaw ko na dumating ang panahon na mawawalan din ako ng kaibigan. Isa pa, parang kapatid na talaga ang turing ko sa kaniya.

Pero, mabuti na lang ay open minded siyang tao. Pwede na siyang kunin ng Frontrow.

Sa ngayon, naghahanap pa lang ako ng maapply-an ko. Kaya tinutulungan ko na lang muna si Nanay sa paglalaba hangga't wala pa akong trabaho.

"Oh, Dalen, kamusta na yung sa pinaga apply-an mong Mall?" Tanong ni Nanay habang inilalagay ang mga damit sa basket. Mga damit ito ng pinagtratrabahuan niya.

"Sabi nila Nay, itetext na lang daw nila ako e,"

"Ay ganun ba. Pero, sigurado ako makukuha ka naman diyan,"

"Pero, noong isang araw ano Nay, sinasabi mo sa'king hindi ako matatanggap," Pinalala ko pa sa kaniya kung gaano niya ako inasar noon na hindi ako matatanggap.

Nag apply ako sa isa sa mga stalls sa loob ng Mall. Yung mga nagbebenta ng fries. Fries to go ang pangalan ng inapplyan ko. Medyo okay okay naman ang sahod kaya pinatos ko na rin.

Tinulungan ko si Nanay na kusutin ang iilang mga damit, dahil kawawa naman siya. Tatlong basket ang iniwan ng amo niya sa kaniya.

Halos ala sais na nang matapos kami. Kaya sabay na kaming umuwi ni Nanay. Nadatnan namin si Tatay na nagkukumpuni ng sira naming electric fan. Nagmano ako sa kaniya at umakyat na upang makapagpalit.

Tinignan ko ang selpon ko at napagalaman kong natanggap ako dito. Sa susunod na linggo na ako pwedeng makapagsimula ng trabaho.

"Ate, ako po cheese flavor. Itong large,"

"Sour cream sa'kin, 'te. With drinks, extra large,"

"Barbeque sa'kin naman, 'te. Medium!"

"Osige sige, wait lang ha. Dahan dahan lang dahil mahina ang kalaban," Pinagkukuha ko ang mga order at mga pera nila. Si Fiel lang ang kasama ko dito. Siya naman ang taga luto.

"Oh Fiel, ito order nila," Binigay ko sa kaniya ang isang sticky note. Madami kaming customer ngayon. Naka P.E uniform pa ang mga ito. Sa hula ko'y mga nagfield trip ito.

"Ate, kulang po sukli ko," Sabi ng isang bata.

"Ha? Isang daan tsaka bente yung pera mo, 'di ba?" Umiling ito sa'kin.

"Fifty pesos po 'yon, Ate,"

Nanghingi na lang ako ng tawad sa kaniya at sinuklian ang kulang. Akala ko hindi na kami mauubusan ng customer, pero mabuti na rin dahil marami kaming kita.

"Magsara na tayo, Dalen,"

Niligpit namin ang mga pinaggamitan namin. Pati ang mga ingredients ay tinago namin nang maayos.

"Saan ka niyan?" Tanong niya habang kinukuha ang susi niya sa kaniyang bulsa.

"Pauwi na ako, Fiel,"

"Sabay na kita, tara na," Paga aya niya at kinuha ang isang helmet. Binigay niya ito sa'kin.

"Ay naku, kaya ko pa naman lakarin hanggang sa sakayan,"

Parang hindi niya ako pinakinggan at binibigay pa rin sa'kin ang helmet. Pumayag na rin naman ako, dahil ang totoo'y sumasakit ang paa ko tuwing nilalakad ko hanggang terminal. Nahihiya lang talaga ako kay Fiel.

Sinuot ko na ang helmet at napahawak sa likod dahil sa bilis niyang magpatakbo. Halos himatayin na ako nang wala pang sampung minuto ay nakarating na agad kami sa sakayan.

Nanghihina pa ang tuhod kong binalik sa kaniya ang helmet niya.

"Ayos ka pa ba, Dalen?" Tumawa ito sa ekspresyon ko. Siguro namumutla na ako ngayon. Ngumiti ako dito at tumango. Nagpasalamat na ako sa kaniya at sumakay sa jeep.

"Ate, yung ulo niyo po," Nakapagpagising sa'kin ang katabi kong lalaki. Nakasandal na pala ang ulo ko sa kaniya dahil sa sobrang pagod at nakatulog ako.

Tinignan niya pa ang kwelyo niya na parang nandidiri. Nang tignan ko ito, nakita kong may bakas ako ng laway ko. Kinapa ko ang gilid ng labi ko gamit ang aking panyo.

Bumaba ito na kitang disappointed pa rin. Ilang sandali pa ay nadaanan na ang kanto namin at nilakad ko na rin.

"Hoy, tomboy!" May nag pst sa likod ko at nakita ko si Max na nakasakay sa tricycle nila.

"Gago, tomboy ka diyan!"

Tinawanan niya lang ako.

"Kakauwi mo lang?"

"Hindi man. Magtratrabaho pa lang ako," Pabalang kong sagot.

"Osige, ingat ka ha!" Aniya at pinaharurot na ang tricycle nila.

Tarantado talaga 'yon. Wala ng ginawang tama. Nilakad ko na hanggang bahay namin at nakita kong nagkukumpulan ang mga tao sa harap ng bahay namin.

May birthday ba? Pero, kakabirthday lang ni Nanay at Tatay. Kaya naman nagpa excuse ako sa mga tao para makapasok na. Nasa amba pa lang ako ng pintuan, naririnig ko na ang pag iyak ni Nanay. Nakita ko siyang nakaluhod pati si Ninang Basyang.

"Tay!" Agad kong binitawan ang bag ko. Nakita kong nakahiga na si Tatay sa sahig. Tila naninigas. Agad na pumasok din si Max. Tumawag ako ng ambulansya.

Mabilis din silang umaksyon dahil agad na silang dumating. Sumakay kami sa tricycle nina Max at sinundan ang ambulansya papuntang ospital. Patuloy kong inaalo si Nanay.

Jusko, bakit nangyayari ang mga ito? Bakit ngayon pa?

Wrong Send si DalenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon