13

198 16 0
                                    

Walang humpay ang kalungkutan ko nang mangyari 'yon. Ilang beses na akong natutulala. Baka nga sa susunod ay hindi na si Max ang masabihang tanga sa daan, kun'di ako na. Noong pauwi na kami kanina, muntik na akong masagasaan, pero si Max naman ang rumescue sa'kin.

Ang hapdi pa rin ng mga nangyari sa'kin. Isipin mo 'yon. Napunta lang sa wala ang lahat. Pero, mabuti na lang, nandito ang mga bugok kong kaibigan.

"Kung nandoon ka lang, Eric, naku. Binugbog na sana natin yung boss niya. Napakasama ng ugali," Chika ni Max kay Eric.

"Sino ba 'yang hinayupak na 'yan? Ano pangalan sa Facebook at nang mapaulanan ko ng mura?!" Asik pa si Eric.

"Para kayong mga asong tangang nakikipag away sa asong taga kabilang kanto. Tama na. Huwag niyo ng isipin yung hinayupak na 'yon," Panga awat ko sa kanila habang kumukuha ng tissue sa hawak na box ni Eric.

Nandito kami ngayong tatlo sa park. Nagsisiksikan sa isang bench. Para kaming nasa jeep na last ride na lang. Na tipong pinipilit na lang ang pwet para lang makaupo.

"Ang laki ng pwet mo, Max. Lumipat ka na do'n sa kabilang bench!" Wika ni Eric, pero pinandilatan lang siya ni Max.

"Ayoko nga. Dito na lang tayong tatlo para magkakasama tayo. Kasiya naman tayo, eh! Nagfefeeling ka lang na hindi tayo kasiya, Eric," Sumbat ni Max.

"Hoy, Dalen. Ikaw ang humusga," Sagot ni Eric.

Pinakyuhan ko silang dalawa sa magkabilaang kamay. Naga away pa sila diyan kung masikip ba o hindi, e ako nga 'tong naaagrabyado. Wanhap lang ng pwet ko ang nakasakay sa upuan.

"Alam niyo, kayo, mga putangina niyo. Naga-away kayong mga tukmol kayo diyan, pero tignan niyo, oh. Kalahati lang pwet ko,"

"May pwet bang kalahati lang?" Pamimilosopo ni Max.

"Oo. Gusto mong tagain ko yung sayo para kalahati na lang din?" Pinaningkitan ko siya ng mata.

"Ito naman, nagbibiro lang. Masiyado kang serious sa life,"

Naubos ko na ang tissue sa box na hinahawakan ni Eric, pero ang mga luha ko, hindi pa rin nauuubos. Naririnig ko pa ang dalawang buang na nagbubulungan sa likod ko kung paano ako patatahanin. Baka nakakalimutan nilang naririnig ko.

"Hindi ba peyborit niya 'yon?" Bulong ni Eric.

"Weh? Akala ko vanilla,"

"Siraulo. Peke kang kaibigan," Humagikhik naman si Eric.

Hindi ko alam kung anong pinagu-usapan nila, pero makalipas ang ilang minuto, natahimik na silang dalawa at sabay silang tumayo.

"Aray! Naknamputa naman! Ako naiipit! Bakit hindi na lang kasi sabihing tatayo, ano?!"

Hinawakan lang nilang dalawa ang kamay ko at hinila ako sa hindi ko alam dahil wala akong ideya kung saan nila ako dadalhin.

Sinundan ko na lang ang dalawang siraulo at tumigil kami sa isang ice cream parlor. Ang makulay ng labas nito. Pinaghalong pink at blue ang mga kumikinang na ilaw sa labas. Medyo maliit lang ito, at may tatlong set ng upuan ang mayroon sa loob.

"Anong ginagawa natin dito?" Pagtatanong ko.

"Magsisimba," Sarkastikong sagot ni Eric. Pagbubuhulin ko talaga silang dalawa ni Eric. Mga walang kwenta kung sumagot.

"Hindi nga kasi! Bakit tayo nandito? May mga pera ba kayo?" Sambit ko.

"Sino bang nagsabing papasok tayo?" Sabi pa ni Max habang nakangisi.

"Eh, ano ngang ginagawa natin dito kung hindi pala papasok?!" Nawawalang pasensiyang tanong ko. Bakit pa ako hinila ng dalawang bugok na 'to kung wala pala kaming gagawin? Ano 'to? Magpapailaw kami gano'n?

"Ang tanga mo rin ano, Dalen. Syempre, kakain tayo dito!" Hinila ni Eric ang kamay ko at pumasok kaming tatlo sa loob. Tumunog ang maliit na bell ng shop nang buksan namin ang pintuan. Napatingin sa'min ang mga nagtratrabaho at binigyan kami ng ngiti.

"Welcome to Ice ice baby world, Ma'am and Sir!"

"Ice ice baby world? Ang korni naman ng pangalan," Bulong ni Max at sinikuhan ko lang siya. Nagsasabi sabi pa siya diyan, paano pala kung bigla kaming palayasin.

Umupo na kami at para kaming mga tangang hindi alam ang gagawin.

"Oh? Ano na? Anong gagawin natin dito?" Binulungan ko silang dalawa.

"Teka... Paano ba mag-order dito?"

"Hoy, Eric. Wala akong pera ha. Hindi ako kakain," Pagpapaalala ko sa kaniya.

"Ha?! Wala kang pera?! Paano na 'yan?!" Gulat pa nitong sabi at kinurot ko naman siya.

"Aba, yawa ka! Dinadala mo ako dito tapos wala ka pa lang dalang pera?! Alam mo namang namumulubi ako ngayon!" Asik ko sa kaniya. Tinapikan niya lang si Max at parang nagkaroon sila ng signal sa kung anong gagawin nila.

Lumapit sila sa nagtitinda at nagtatanong tanong pa at may parang tinuturo turo. Nakita ko pang napakamot lang ng ulo si Max, pero sa huli ay nakapag order naman sila. Nagsilabas sila ng mga lukot na tagbebente at iilang mga barya.

Sabay silang bumalik sa lamesa habang hawak ang papel na binigay ng nagtitinda. Mabuti at kami pa lang ang tao dito, kasi mukha ring kakabukas lang nila. Ayokong makitang mugto ang mga mata ko.

Makaraan ang ilang minuto, sinerve na sa harapan namin ang isang ice cream na nasa malaking lalagyan. May palatandaan pa ito sa flavor nito. Nakadikit ito sa lalagyan at nakalagay na 'Double dutch'.

Nanlaki ang mata ko. Ito ang paborito kong flavor ng ice cream! Pero, hindi ako kakain dahil wala naman akong ambag.

"Oy, Dalen. Bakit ka tumutunganga diyan? Hindi mo ba gagalawin 'yan?" Wika ni Eric.

"Ha? Bakit ako kakain niyan? Wala naman akong ambag diyan," Tugon ko.

"Ano 'to? Inuman? May ambagan, gano'n? Huwag ka ng mahiya. Nilibre namin sa'yo ni Max 'yan. Nahiya ako bigla sa'yo. Ikaw na lang lagi sa inuman. Dito naman sa ice cream-an, kahit dito na lang ambag ko,"

"Hindi nga? Sa'kin nga 'to? Ayaw niyong kumain?" Tinignan ko si Max at Eric, pero parehas naman silang umiling.

"Alam namin na paborito mo 'yan, kaya ipasok mong lahat 'yan sa sikmura mo," Humalakhak si Max.

Kinuha ko na ang maliit na kutsara at kumuha dito. Shet! Ang sarap talaga ng flavor na 'to.

"Huy, kain tayo. Tara na," Inaya ko pa sila at binigay ang dalawang maliliit na kutsara. Umaayaw ayaw pa ang mga bugok sa una, pero kumain na rin kalaunan. Inubos namin ang malaking ice cream gamit ang mga matatakaw naming bibig.

Nang papaalis na kami, hinatid nila akong dalawa sa bahay ko bago pa kami magkahiwa hiwalay.

"Salamat pala, Max tsaka Eric. Hindi lang pala kayo mga bugok," Tinawanan ko sila at ginawa namin ang handshake naming tatlo. Oo, meron kaming tatlo.

"Pucha ka, Max. Nangangamoy putok ka na," Sabi pa ni Eric at umaktong nababahuan.

Inamoy pa ni Max ang kili kili niya.

"Tanga! Ang bango ko pa rin kaya! Sariling amoy lang 'yan! O, baka si Dalen," Tinignan naman ako ni Max at binatukan ko siya.

Nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng mga kaibigang katulad nila. Kahit sandali, nakalimutan ko sakit na mula kay Abigeyl.

Wrong Send si DalenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon