KABANATA 21: BIGONG PAGNANAKAW

45 9 0
                                    

Inikot ni Lady Elia ang kaniyang tingin sa paligid at pagkatapos ay humawak sa kaniyang tiyan.

"Ano pong problema Lady Elia? Masakit po ba ang iyong tiyan?" Tanong ni Marylane.

"Oo medyo masakit na nga, marahil dahil nagugutom na ako. Ang mabuti pa ay huminto na muna tayo at maghanap ng mapagkakainan natin." Tugon niya.

Huminto si Luminous sa paglipad habang unti-unting bumabagsak pababa habang nagsasalita.
"Ako din Marylane hindi ko na kayang lumipad pa dahil sa sobrang gutom ko."

Agad siyang sinalo ng dalaga gamit ang mga kamay nito.
"Sandali lang Luminous hindi ba't nagtabi ako ng biskwet kagabi at kinain mo pa nga kanina?" Tanong ni Marylane dito ng may pagtataka.

Bumangon ang ibon.
"Ah hehehe ikaw pala ang nagtabi noon akala ko kasi ay nahulog lamang mula sa langit."

Lumilipad naman si Joyous ng paulit-ulit sa paligid niya na hindi nagtagal ay sinita niya.
"Joyous,maaari bang huminto ka kanina ka pa ikot ng ikot nahihilo na ako sa iyo."

Huminto ito at tumuntong sa ulo niya.
"Maging ako nga ay nahihilo na din,tingnan ninyo mayroon kasi akong natatanaw sa banda roon na tila parehas sa ating karuwahe."

Tiningnan nila ang direksyong itinutukoy ni Joyous.

"Tila nga sa atin ang karuwaheng iyon, ang mabuti pa ay lapitan natin upang ating masiyasat." Wika ni Lady Elia.

Nang makalapit sila dito..

"Bukas ang pinto."
Puna ni Joyous.

Siniyasat ng engkantada ang kabuuan nito.
"Atin nga ang karuwaheng ito."

Tumingin si Luminous sa paligid,"Ngunit wala dito ang binata, hindi kaya inabandona na niya ito sapagkat hindi na niya kailangan?"

"Maaari ngang tama ka Luminous."
Tugon ni Lady Elia.

Walang sinabing anuman ang dalaga at inilibot lamang ang mga mata sa kanilang kapaligiran.

Mayroong mga tao,pamilihan at ibat-ibang gusali sa kanilang paligid.
Agad siyang lumakad patungo sa iisang direksyon,mabilis ang kaniyang mga hakbang.

"Marylane,saan ka pupunta?" Tanong ni Luminous ngunit hindi ito sumagot.

Nagkatinginan ang dalawang sina Luminous at Joyous.

Nagpatuloy sa paghakbang si Marylane at sumunod sa kaniya ang kaniyang mga kasama pagkatapos ay huminto siya sa harap ng isang gusali.
Ang gusaling ito ay hindi naman masyadong malaki ngunit kitang-kita ang masining na pagkakagawa ng mga haligi nito at pinto.

Nagsalita si Marylane.
"Kung ako ay isang magnanakaw ay tiyak na ito ang lugar na agad kong tutunguhin."

"Isang museyo hmmm.. may punto ka Marylane maaari ngang narito siya ngayon dahil ang karuwahe ay iniwan niya hindi kalayuan dito." Wika ng engkantada.

Pumasok sila sa loob ng gusali, makikita sa loob nito ang ibat-ibang iginuhit ng mga pintor na mga larawan.

Ang bawat guhit-kamay ay mayroong nakasulat na pangalan ng nagguhit nito sa bandang baba at kanan ng bawat obra. Lumapit sila sa mga ipinintang nakasabit sa mga dingding.

Naagaw ng pansin ni Marylane ang isang larawan at tinitigan.
"Ang larawang ito ay napakaganda at napakahusay ng pagkakaguhit. Ang bawat hulma,linya at kulay ay perpekto at buhay na buhay!" Papuri niya.

"Marylane,isang simpleng larawan lamang iyan ng isang pook at walang kakaiba diyan." Wika ni Joyous.

Tumingin sa kaniya si Marylane at pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa larawan at nagsalita.

"Mayroon Joyous,nararamdaman kong ang gumuhit nito ay mayroong payapang kalooban. Maliwanag ang kaniyang isipan at ang puso ay may kagalakan, marahil ay iyon ang dahilan kung bakit ang larawan ng isang simpleng pook na ito na kaniyang ipininta ay nagiging maganda sa kabila ng pagiging simple nito. Ang saloobin ng nagpipinta ay sumasalamin sa kaniyang ipinipinta."

Tumango-tango si Joyous at pagkatapos ay lumapit kay Luminous.

"Luminous,tila yata malalim ang mga sinabi ni Marylane at hindi ko gaanong naunawaan maaari mo bang ipaliwanag?"

"Pasinsya ka na Joyous ngunit utak-ibon lamang ako. Alam mo na mahina ako pagdating sa mga ganiyang bagay."

Bumaling si Marylane kay Lady Elia,
"Lady Elia, hindi ba't magaling ka ding magpinta?" Nakangiting tanong nito.

Kumamot ito na tila nahihiya sa kaniyang ulo at tumatawang tumugon.

"Naku,hindi naman gaano hehehe hindi hamak namang magaganda ang mga larawang ito kung ikukumpara sa mga iginuhit at ipininta ko."

Abala ang lahat ng tao sa loob ng museyo sa pagtingin sa mga larawan at iba pang mga likhang-kamay.

Itinuro ni Lady Elia ang isang larawan.
"Tingnan ninyo ang larawang iyon maliit lamang ito ngunit napakalaki ng halaga."

Tiningnan nga ito ng tatlo at nilapitan.
"Oo nga Lady Elia nakatutuwang tingnan ang sukat nito." Sang-ayon ni Joyous.

Tinitigan ito ng husto ni Marylane.
"Ang larawang ito,kung ako ay isang magnanakaw ay ang mga ganitong larawan ang una kung kukunin. Madali itong itago dahil sa maliit na sukat nito ngunit malaki ang kaniyang halaga." Isip-isip niya.

Tumingin siya sa karamihan,
"Marahil ay hindi siya magbabalat-kayo bilang isang gusgusing matanda sa pagkakataong ito ngunit nasa anong anyo naman kaya siya ngayon?" Patuloy pa niya.

Narating nila ang pinakasentrong silid sa loob ng gusali at ito ang pinakamagandang lugar dito sapagkat dito matatagpuan ang iba't-ibang uri ng mga mamahaling bato na mayroong iba't-ibang hugis,laki,kulay at presyo.

Mayroong rubi,sapero,esmeralda at diyamante na ang bawat isa ay nakasilid sa mga salaming kahon.

Isang ginoo ang nagsalita habang itinuturo ang isang diyamanteng singdalisay ng tubig sa batis. Ito ang pinakamainam sa lahat ng mga diyamanteng narito sa loob ng silid.

Tiningnan nila Marylane ang itinuturo ng ginoo.

"Tunay na napakainam ng diyamanteng ito kung iyong tititigang mabuti ay tila ito isang dalisay na tubig na umaagos at inihulma. Inaakit nito ang bawat kaluluwa ng bawat taong tumitingin dito." Wika ng dalaga.

Sumang-ayon naman ang tatlo sa kaniya na kapwa manghang-mangha sa nakikita.

"Bibilhin ko iyan ng limampung salaping pilak." Sigaw ng isa sa mga naroon sa loob ng silid habang nakataas ang kabilang kamay.

Ang mga taong ito ay sinusubukang tumawad upang mabili ang diyamante.

"Bibilhin ko iyan ng limampung salaping ginto." Wika naman ng isa.

Muling nagsalita ang nagmamay-ari nito,
"Wala na bang tataas pa sa limampung salaping ginto?" Tanong nito ngunit wala ng nagtaas pa ng kamay.

Nang isisirado na ang tawaran ay isang ginoo ang sumigaw ng malakas.

"Bibilhin ko iyan sa halagang isandaang salaping ginto."

Gulat na gulat ang mga tao at ang lahat ay nagkatinginan pagkatapos ay hinanap ang pinagmulan ng tinig.

Nagbulungan ang apat,
"Isandaang salaping ginto? Marahil ay napakayaman ng taong iyan upang magtapon ng kaniyang salapi para lamang sa isang kapirasong bato."
Puna ni Luminous.

Inabangan ng lahat ang paglitaw ng nagsalita ngunit ang higit na ikinagulat nila Marylane ay nang nakita nila kung sino ang taong iyon.

Ito ay si Jordan na nakadamit ng disente at malinis na angkop ang sukat sa kaniyang katawan. Nakasuot siya ng tunay na kasuutan ng isang maharlika habang bitbit ang isang malaking supot.

"Ano pa ang hinihintay natin? Hulihin na natin siya ngayon."
Wika ni Joyous.

"Huwag! Hayaan muna nating matapos ang kaniyang palabas." Tugon ni Marylane.

Daffodil KingdomWhere stories live. Discover now