KABANATA 5: GALGO

82 9 0
                                    

Tumingin si Marylane sa paligid.
"Ang lugar na ito..."

Napahinto sa pag-uusap ang tatlo at tumingin sa kaniya.

"Ganitong-ganito ang aking nakita sa aking pangitain."

Tiningnan nila ang bayan na nasa harapan nila.

"Sigurado ka ba Marylane? " Tanong ni Luminous.

"Oo Luminous. Nakatitiyak akong ito nga ang aking nakita."

"Kung ganoon ay ito pala iyon." Wika ni Lady Elia.

"Ngunit anong bayan naman kaya ito? " Tanong ni Joyous.

"Ito ang bayan ng Galgo." Muling tugon ng engkantada.

"Galgo?" Maraming mga katanungan sa isipan ni Marylane.

Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa makapasok sila sa isang maliit na nayon. Nang makarating sila dito ay naisipan nilang iwanan muna ang kanilang karuwahe sa hindi kalayuan at maglakad na lamang. Habang sila ay nagmamasid sa paligid  ay mayroon silang nakitang nag-uusap.

Isang ginoong malaki ang mata, pandak at mataba na may hawak na latigo ang nagsasalita habang kausap ang isa pang ginoo. Kumatok ang ginoong malaki ang mata sa pinto ng bahay at agad namang pinagbuksan ng ginoong may-ari ng bahay.

"Ibigay ninyo ngayon sa akin ang inyong kinita sa inyong mga pananim. Madali! Kung hindi ay masasaktan kayo! " Pag-uutos nito sa malakas na tinig.

Nagmakaawa ang ginoo sa panauhin.
"Ipagpatawad po ninyo ginoo, ngunit kung maaari po sana ay pakisabi sa hari na wala pa kaming maibibigay na salapi sa ngayon dahil nasalanta ng mga peste ang aming mga pananim kung kaya't hindi kami nagkaroon ng mabuting ani."

Nagkunot-noo ito at iwinasiwas ang hawak na latigo.
"Ano ang iyong sinabi? Wala kang maibibigay na salapi?"

Nanginig ang ginoong nagmamay-ari ng bahay ngunit nagpatuloy pa rin ito sa pakikiusap.
"Pa- pakiusap bumalik na lamang po kayo sa ibang araw para makahanap kami ng ibang paraan upang makabayad sa inyo."

Nadismaya ng husto ang panauhin mula sa narinig  na tugon sa kaniya kaya maslalo pang nag-apoy ang kaniyang galit.
"Hindi maaari! Ilabas ninyo ang inyong salapi ngayon din!
Mariing sigaw nito.

Isang bata ang lumabas ng bahay at sumabat sa usapan.

"Hindi ba kayo nakauunawa? Wala kaming anumang maibibigay sa inyo. Kung ayaw ninyong tumanggap ng pakiusap ay umalis na lamang kayo!"

Agad itong sinaway ng kaniyang ama.
"Zena, tumigil ka! Huwag kang makisali sa usapan ng mga matatanda. Pumasok ka sa loob, madali."

Tumakbo ito sa kaniyang ina.

Dahil sa narinig ay akmang hahabulin ng panauhin ang bata upang saktan ngunit agad na humarang ang kaniyang ama.
"Aba't walang galang na bata!" Galit na galit na wika nito sa bata.

Humingi ng paumanhin ang ama ng bata sa inasal ng kaniyang anak.
"Ginoo, ipagpaumanhin po ninyo ang mga nasabi ng aking anak."

Muling nagsalita ang panauhin.
"Ipinag-uutos ng hari sa akin na kunin ang inyong kinita sa inyong mga pananim sapagkat ang lupaing ito na inyong pinagtataniman ay pag-aari ng hari.  Gayon din naman ay ipinag-utos din niya sa akin na kung hindi kayo magbibigay ay kailangan kayong parusahan upang kayo ay hindi na pamarisan." Wika nito at pagkatapos ay ngumisi.

Muling ipinahayag ng ginoo ang kaniyang opinyon sa kaniyang panauhin ayon sa kaniyang pagkakakilala sa hari.
"Imposible iyan, ang ating hari ay maunawain sa kaniyang mga mamamayan."

Humalakhak ang panauhin.
"Hahaha nagkamali kayo ng pagkakilala sa inyong hari." Wika nito at iwinasiwas ang kaniyang hawak na latigo.

Pumihit ito sa kaniyang mga kasama
"Ano pang hinihintay niyo? hawakan ninyo ang kaniyang asawa at anak. Tuturuan ko lamang ito ng isang leksyon na hindi niya malilimutan." Utos nito sa mga kasama, agad naman siyang sinunod ng kaniyang mga ito.

Daffodil KingdomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon