KABANATA 2:PASYA NI MARYLANE

114 10 0
                                    

"Kung ganoon, ang ibig mo pong sabihin ay ako ang tinutukoy ng propesiya na makatutulong ng prinsipe upang harapin ang mangkukulam na inyong nabanggit at putulin ang sumpa na bumabalot sa palasyo ng Daffodil?"

Tumango ang engkantada.

"Ngunit bakit ako? Isa lamang po akong simpleng tao at walang kakaiba sa akin."

Natawa ang engkantada sa sinabi nito, "Marylane, ang kabutihan ng iyong puso ay sapat ng dahilan upang ikaw ang mapili ng propesiya. Nang mag anyo akong isang matandang babae ay narinig kitang nag-alala ka na mahirapan akong mamuhay mag-isa dito sa kagubatan. Kung kaya't ninais mo akong kupkupin. Sumama ka sa aking hanapin ang prinsipe at iligtas ang palasyo ng Daffodil." wika nito at iniabot ang kamay kay Marylane.

"Ipagpaumanhin po ninyo mahal na engkantada ngunit hindi ko maaaring iwanan ang aking mga magulang ng basta na lamang."

"Nauunawaan ko." Ikinumpas nito ang kaniyang baston at lumitaw sa kaniyang kamay ang isang kristal na bulaklak at iniabot niya ito kay Marylane.

"Dalhin mo ito at sa oras na makauwi ka na sa inyo ay itanim mo ang kristal na ito sa harap ng inyong bahay. Sa oras na magawa mo na ito ay magsisimula nang guminhawa ang inyong pamumuhay."

Tinanggap naman niya ang binigay ng engkantada, "Maraming salamat po." Masayang wika niya at tiningnan ang hawak na kristal.

"Nais ko lamang na mapanatag ang iyong kalooban sa oras na tayo ay panandaliang maglakbay Marylane."

"Mahal na engkantada sana po ay hayaan mo muna po akong pagbulay-bulayin ang aking mga narinig. Masyado po akong nabigla sa mga narinig ko ngayon. Nais ko din po sana itong isangguni muna kanila ama at ina."

"Kung ganoon ay hayaan mong bigyan kita ng isa pang patunay upang tuluyan ka ng maniwala sa akin." Muli nitong ikinumpas ang kaniyang baston at itinapat sa ibon at paruparong kasama ni Marylane.

"Ano itong nangyayari sa akin?" Wika ni Luminous.

"Tila may kakaibang nangyayari sa aking katawan!" Wika naman ni Joyous.

"Totoo ba ito? Luminous, Joyous nauunawaan ko na ang inyong sinasabi." Tuwang-tuwang wika ng dalaga.

"Ha? Nauunawaan mo na kami?" Gulat na gulat na tanong ni Joyous.

Tumango si Marylane.

"Hindi ako makapaniwala." Wika ni Luminous habang ipinapagaspas ng malakas ang kaniyang mga pakpak tanda ng kaligayahan.

"Maraming salamat po mahal na engkantadang. Sobra-sobra na po ang lahat ng ito."

"Walang anuman Marylane masaya ako at nagustuhan mo. Ngayon naman,upang makalabas kayo ng kagubatang ito ay narito ang mga bagay na kailangan ninyong tandaan! Sa oras na makalabas kayo ng pintong ito ay mayroon kayong makikitang mga sangang daan ngunit ang pinakaunang daan na makikita ninyo,  iyon ang tunay na daan.

Kailangan ninyong talasan ang inyong mga paningin upang hindi kayo malito. Sa oras na makita na ninyo ang tunay na daanan ay tumakbo kayo ng mabilis patungo rito. Huwag kayong hihinto dahil sa oras na huminto kayo ay hindi na kayo makalalabas pa sa kagubatang ito habang-buhay."

Bagamat nasindak sa kaniyang narinig ay pilit na nilakasan ni Marylane ang kaniyang loob
"Opo." Tugon niya.

Ginawa nila ang lahat ng ibinilin ng engkantada. Nagpatuloy siya sa pagtakbo hanggang sa tuluyan na silang makalabas ng kagubatan. Dahil sa pagmamadali ay hindi na niya namalayang mayroon silang makakasalubong at mabubunggo.

"Arayyy..." Natumba si Marylane.

Agad naman siyang itinayo ng nakabungguan niya.
"Ayos ka lamang ba? Nasaktan ka ba binibini?"

Tumingin siya sa nakabunggo sa kaniya.
"Oo, ayos lamang ako. Paumanhin hindi kita napansin dahil sa sobra kong pagmamadali."
Marahang tugon niya habang hinihingal.

"Walang problema ayos lang naman ako. Hinihingal ka, bakit ka ba tumatakbo?"

"Naligaw kasi kami- ah ang ibig kong sabihin ay ako sa kagubatan kanina kung kaya't sa aking takot ay hindi ako tumigil sa pagtakbo."

"Kung ganoon ay mabuti na lamang at natagpuan mo ang tamang daanan. Mapanganib para sa katulad mo ang maabutan ng gabi sa kagubatan. May batis sa banda roon uminom ka muna hanggang sa mawala ang iyong hingal." Pag-aaya ng binatang kaniyang nakabungguan.

Tumingin sa kaniya si Marylane tanda ng pag-aalinlangan.

"Oo nga pala ako si Ryoma huwag kang matakot." Ngumiti ito sa dalaga.

Ngumiti si Marylane at sumunod sa kaniya.

Umupo sila sa gilid ng batis at panandaliang nagpahinga.

"Maraming salamat Ryoma sa tingin ko ngayon ay kailangan ko ng umalis bago pa man ako maabutan ng gabi dito sa kakahuyan." Wika ni Marylane at pagkatapos ay tumindig.

Tumindig din si Ryoma.
"Ayos lamang ba sa iyong umuwi mag-isa? Kung gusto mo ay sasamahan na lamang kita upang masigurong makauuwi ka nang ligtas."

Tinanggihan naman ito ni Marylane."Sobrang abala na ito para sa iyo salamat na lamang." Sabay kumpas ng dalawang kamay.

Tumalikod na siya upang maglakad ng muli itong magtanong,"Sandali lamang binibini maaari ko bang malaman ang iyong pangalan?"

"Marylane.. Marylane ang aking pangalan."

"Ikinagagalak kitang makilala Marylane." Nakangiting wika nito sa kaniya sabay yukod.

Yumukod din siya habang hinihila ang magkabilaang gilid ng kaniyang palda.
"Gayun din ako."

"Ngayong magkakilala na tayo, sana naman ay hindi ka na mahiya kung sakaling samahan kita pauwi upang masiguro kong ligtas kang makararating sa inyong tahanan."

"Ha?" Hindi na nakapagsalita pa si Marylane at tuluyan na nga siyang sinamahan nito pauwi.

Nang makauwi ay ikinuwento niya sa kaniyang mga magulang ang lahat nang nangyari sa kanila sa kagubatan.

"Anak sigurado ka ba sa iyong sinasabi? Tila yata nananaginip ka lamang?" Biro ng kaniyang ama at natawa ang kaniyang ina.

"Hahaha ikaw talaga Miro masyado mong binibiro ang iyong anak."

Hinawakan siya ng kaniyang ina sa magkabilaang pisngi.
"Anak, bakit ka ba kasi pumunta sa kagubatan? Hindi mo ba alam na mapanganib para sa isang bininining gaya mo ang lumakad mag-isa sa kagubatan?"

"Patawad po ina. May kakaiba po kasi akong naramdaman kanina. Tila may kung anong humihila sa akin upang pumunta sa kagubatan. Natitiyak ko pong hindi ako nananaginip, tingnan niyo. Ito po ay nagmula sa engkantada." wika niya at inilabas ang kristal na bulaklak.

Tinanggap ito at kinilatis ng kaniyang ina,
"Maganda at kakaiba ito. Ngayon pa lamang ako nakakita ng ganitong bagay."

Sinimulan ni Marylane ang pagpapaliwanag.
"Ibinigay po sa akin iyan ng engkantada at ang bilin niya ay itanim ko daw sa labas ng ating tahanan. Sa oras na magawa ko na iyon ay magsisimula na daw na guminhawa ang ating pamumuhay."

Namangha ang mag-asawa sa kristal na hawak ni Marylane.

"Hindi lamang po iyon, upang mas lubos pa kayong maniwala sa aking sinasabi ay pakinggan ninyo ito."

Tinawag niya at pinalapit ang dalawang kaibigan na sina Luminous at Joyous. Dumapo si Luminous sa balikat ng kaniyang ama at si Joyous naman ay sa hintuturo ng kaniyang ina.

"Kamusta po kayo?"

"Ah ayos naman joyous. Te- teka totoo ba ito? Dito sa paruparong ito nagmula ang tinig na iyon?"Lubos ang pagkagulat ng ina ni Marylane.

"Opo." Tugon nito sa kaniya.

"Ginamitan po kami ng mahal na engkantada ng kaniyang kapangyarihan." Pagpapaliwanag ni Luminous.

Nagkatinginan ang mag-asawa at sabay na hinimatay.

"Ama, ina gumising po kayo." Sambit ni Marylane.

Daffodil KingdomTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon