Kabanata 24

72 6 0
                                    

"KUYA Ran, saan po ba tayo papunta?" muling pagtatanong ni Sabel sa driver ni Rafael.

"Hindi ko po puwedeng sabihin sa iyo, Ma'am Sabel. Kabilin-bilinan po iyon sa akin ni Sir Rafael."

Napabuntong-hininga na lang si Sabel at sandali niyang tinitigan ang driver. Kahit hindi niya makita ang mukha nito dahil nasa likuran siya, pakiramdam niya ay nakangiti ito.

Sinubukang tawagan ni Sabel si Rafael ngunit hindi niya ito matawagan kaya napabuntong-hininga na lang siya. Hindi niya alam kung ano na namang surpresa ang gagawin ni Rafael at idinamay pa nito ang driver. Ano pa man iyon ay batid niyang magugustuhan niya iyon dahil lahat naman ng mga surpresa nito sa kaniya ay nagustuhan niya.

Iyon din ang isa sa mga hinahangaan ni Sabel kay Rafael. Palagi siya nitong pinasasaya. Tila hindi ito nawawalan ng pakulo para surpresahin siya. Sa kabila niyon ay hindi naman iyon importante sa kaniya dahil palagi lang niyang kasama si Rafael, napakasaya na niya. Tila nga masasabi niyang perpekto ang relasyon nila ngunit naroon pa rin ang takot niya na dumating ang pagsubok na susubok sa katatagan ng kanilang relasyon.

Hindi masusukat ang kasiyahan na nararamdamam ni Sabel sa relasyon nila ni Rafael. Mahal na mahal na niya ito ngunit tila hindi niya kayang sabihin na ipinagpapasalamat niya na dumating ito sa buhay niya dahil kung hindi namatay ang asawa at anak niya ay hindi niya ito makikilala. Hindi na iyon importante para sa kaniya dahil masaya na siya at kahit kailan, hindi niya malilimutan ang kaniyang anak lalo na si Mad na naging bahagi ng nakaraan niya.

Napangiti si Sabel dahil huminto ang sasakyan sa lugar kung saan siya niligawan ni Rafael. Umibis siya matapos siyang pagbuksan ng pinto.

"Pumunta na lang daw po kayo roon, Ma'am."

Tumango si Sabel dahil alam na niya kung saan ang tinutukoy ng driver. Narinig niya ang pag-alis ng sasakyan ngunit hindi na niya iyon nilingon. Itinuon lang niya ang tingin sa payapang lugar na kulay luntian na ang lupa dahil sa mga damo.

Banayad ang hangin dahil malapit nang bumalot ang dilim sa kalangitan. Hindi naman siya nakaramdam ng takot na siya lang ang maglalakad dahil alam niyang may naghihintay sa kaniya.

"Ano na naman kaya itong pakulo ni Rafael?" Nakangiting napailing si Sabel at matapos ang ilang sandali ay sinimulan na niyang lumakad.

Napahinto si Sabel nang makita si Rafael na tila hinihintay siya. Dahil hindi siya kalayuan mula sa kinatatayuan nito ay nakita niya ang matamis na ngiting nakaguhit sa labi nito. Mas lalo siyang napaisip kung bakit nandoon ang ina ng kaniyang nobyo maging ang kaniyang ina at si Daisy.

Napamangha si Sabel sa ginawang preperasyon ni Rafael. Mga kawayan ang naging haligi ng puting tela na nagsilbing dingding at bubong na ginawa nito na tila isang kubo. Sa loob niyon ay may mesitang may nakahain sa ibabaw at may mga bulaklak. Higit na nakaagaw atensyon sa kaniya ay ang lalaking tumutugtog ng violin. Tila hinihintay lang siya ni Rafael at ang mga taong malapit sa kaniya para pumasok na ang mga ito sa loob.

"Rafael..." Nakatitig lang si Sabel kay Rafael habang nasa harapan na niya ito. Napangiti siya matapos nitong hawakan ang dalawa niyang kamay at sabay na hinagkan ang mga iyon. "May okasyon ba na dapat nating i-celebrate?"

"Kahit araw-araw pa, gagawin kong may okasyon para mapasaya ka lang, Sabel."

"Hindi naman kailangan iyon, Rafael. Masaya na ako na magkakasama tayo."

"Rafael, Anak, naiinip na kami rito."

Ibaling ni Sabel ang tingin sa ina ni Rafael. Nakangiti ito sa kaniya na tila alam na nito ang mangyayari. Naibaling niya ang tingin sa lalaki nang lumapit ito sa kanila. Ipinagtaka niya dahil sinimulan na nitong tumugtog ng musika.

"Sabel?"

Pinagmasdan ni Sabel si Rafael. Sinubukan niyang basahin sa mga mata nito ang nasa isip nito ngunit hindi niya nagawa dahil naaagaw ang atensyon niya ng matamis nitong ngiti.

"Ikaw ang dahilan kung bakit nasabi kong masarap talagang mabuhay. Ikaw ang kumulay ng mundo ko at ikaw ang gumamot ng sugat sa puso ko." Muling hinagkan ni Rafael ang mga kamay ni Sabel. "Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung mawawala ka pa sa akin. Gaya nga ng sabi ko, ayoko nang magmahal ng iba dahil ikaw ang huli kong mamahalin..."

"Rafael..."

"Ikaw ang bumuo sa akin. Akala ko, natakot nang magmahal ang puso ko pero hindi. Salamat dahil ikaw ang muling minahal nito."

Bumuhos ang luha sa mga mata ni Sabel matapos lumuhod ni Rafael. Alam na niya ang nais nitong iparating kaya pilit niyang tinanong ang kaniyang sarili kung handa na ba siyang pakasalan ito lalo pa at hindi siya naging tapat.

"Sabel, will you marry me?"

Hindi naiwasang mapahagulhol ni Sabel. Dalawang emosyon ang nararamdaman niya, iyon ay kasiyahan at pagkakonsensya. Masaya siya dahil magiging asawa na niya ang lalaking muling nagpasaya sa kaniya at kokonsensya siya dahil inilihim niya rito ang kasalanang nagawa niya.

Hindi agad tumugon si Sabel dahil pinag-isipan niya nang mabuti ang kaniyang magiging desisyon. Hindi siya basta nagpadala sa sigaw ng kaniyang puso dahil nais niyang pairalin ang kaniyang isip. Inisip niya na ano na lang ang sasabihin ng mga magulang ni Rafael kapag nalaman ng mga ito na kriminal ang napangasawa ng anak ng mga ito.

"Mama Sabel, nangangawit na po si Papa Rafael."

Nanatiling nakatingin si Sabel kay Rafael. Nakita niya sa mga mata nito ang kagustuhang mapapayag siya sa alok nito. Kung wala lang siyang inililihim ay hindi na siya magdadalawang-isip na tanggapin ang alok nito.

"Alam kong masyadong mabilis pero ayoko nang patagalin pa, Sabel, lalo na alam kung dito rin tayo papunta."

Sandaling napapikit si Sabel matapos siyang makapagdesisyon. Siguro nga ay dapat niyang pagbigyan ang sigaw ng kaniyang puso. Kung ano man ang posibilidad na mangyari sa hinaharap ay handa siyang harapin iyon.

"Sabel?"

Tumango si Sabel habang patuloy sa pagbuhos ang kaniyang luha. "Magpapakasal ako sa iyo, Rafael."

Malapad na napangiti si Rafael at isinuot nito kay Sabel ang singsing. "Salamat."

Napapikit na lang si Sabel nang yakapin siya ni Rafael. Wala siyang ibang ginawa kundi damhin ang pagmamahal nito sa kaniya na magiging sandata niya upang makaya ang kinahaharap niya. Mahal na mahal niya si Rafael kaya hindi niya kayang mawala ito sa kaniya.

"Pinakaba mo ako, Sabel. Akala ko, tatanggi ka."

"Imposibleng mangyari iyon, Rafael. Mahal na mahal kita."

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now