Kabanata 8

141 9 3
                                    

IPINIKIT ni Sabel ang mga mata matapos hagkan ang litrato ng kaniyang mag-ama. Ilang sandali pa ay tuluyan nang kumawala ang luha na pilit niyang pinigilan dahil nais na niyang pawiin ang lungkot sa kaniyang puso. Akala niya ay nakalimot na ang puso niya mula sa matinding lungkot ngunit nagkamali siya.

"Anak, umiiyak ka na naman ba?"

Pinahid ni Sabel ang luhang umagos sa magkabila niyang pisngi. Muli niyang ipinatong ang litrato sa ibabaw ng mesitang nasa tabi ng higaan. Matapos ang ilang sandali ay humarap siya sa kaniyang ina.

"Hindi ba sinabi mo noon, hindi ka na iiyak dahil sa pagkawala ng mag-ama mo?"

Umupo si Sabel sa kama at ibinaling ang tingin sa labas ng bintana. Bahagya siyang nasilaw sa liwanag ngunit kalaunan ay umayon din ang mga mata niya roon.

"Kapag lagi kang ganiyan, hindi matatahimik sina Mad at Junjun."

Bumuntong-hininga si Sabel at muling ibinaling ang tingin sa kaniyang ina. "Magiging okay lang po ako kapag nahuli na ang may kasalanan sa pagkamatay nina Mad at Junjun."

"Hayaan mo, darating din ang araw na mahuhuli ang taong iyon."

Ibinaling ni Sabel ang tingin sa labas ng bintana. "Kailan pa? Naubos na nga lang ang pera ko sa paghahanap ng hustisya. Ayoko naman na iasa na lang sa mga pulis."

Bumuntong-hininga ang ina ni Sabel at iginala nito ang tingin sa loob ng silid. Ilang sandali ay muli nitong ibinalik ang tingin sa kaniya. "Ayoko mang sabihin ito pero sa tingin ko, makatutulong iyon. Ano kaya kung ibenta mo na lang ang bahay na ito para sa pag-aasikaso mo sa paghahanap ng hustisya."

Natahimik si Sabel. Pinag-isipan niya ang sinabi ng ina dahil sa tingin niya ay may punto ito ngunit ang iniisip niya ay ipinundar iyon ni Mad. Iyon na lang ang alaala na iniwan sa kaniya ng asawa.

"Pero kung ayaw mo naman, hindi kita pipilitin. Alam mong mahihirapan ka kapag wala kang pera."

Naramdaman ni Sabel ang pag-upo ng kaniyang ina sa kama. Napatingin siya rito matapos hawakan ang kaniyang kamay. Tanging pagngiti ang nagawa niya na may kalakip na lungkot.

"Nandito ako, Anak. Dadamayan kita."

Isinandal ni Sabel ang ulo sa balikat ng kaniyang ina. Tuluyan na siyang napaiyak dahil pakiramdam niya ay tila malabo nang maibigay ang hustisya sa kaniyang mag-ama.

Pinahid ni Sabel ang luhang umagos sa magkabila niyang pisngi matapos marinig ang pagkatok sa pinto. Napatingin siya sa kaniyang ina at gaya nito, may pagtataka rin itong nararamdaman.

"May bisita ka ba ngayon, Anak?"

"W-Wala po."

Lumabas si Sabel ng silid para buksan ang pinto. Hindi niya alam kung sino ang nasa labas lalo pa at wala siyang inaasahang bisita.

"Ma'am Sabel."

"B-Bakit po?" Pigil ang paghinga ni Sabel habang nakatingin sa dalawang pulis.

"Sumama na lang po kayo sa amin."

TULUYAN nang bumagsak ang luha sa mga mata ni Rafael. Nasasabik na siyang muling mayakap sina Jade at Cassey. Nais muli niyang makasama ang kaniyang mag-ina at maramdaman muli ang saya sa piling ng mga ito.

Pumagitna si Rafael sa puntod ng kaniyang mag-ina at humiga sa damuhan. Ang kaniyang kaliwang palad ay idinampi niya sa lapida ng anak habang ang kanang kamay ay idinampi niya sa lapida ng asawa. Pumikit siya upang takasan ang reyalidad at inisip niya na katabi niya ang mga ito.

Isang linggo na rin ang nakalilipas nang ilibing ang mag-ina ni Rafael. Araw-araw siyang nagpupunta sa puntod ng mga ito dahil nais niyang pawiin ang lungkot na nararamdaman. Sa bawat araw na lumilipas, pakiramdam niya ay lalong umaapaw ang lungkot sa kaniyang puso. Pakiramdam din niya ay tila pinipiga iyon at tila isang libong karayom ang sabay-sabay na tumutusok doon.

Nais nang takasan ni Rafael ang matinding lungkot na nararamdaman niya sa pamamagitan ng pagkitil sa kaniyang buhay. Sa bawat tatangkain niyang magpakamatay, palagi niyang naiisip sina Jade at Cassey. Batid niyang kailangan siya ng mga ito para makuha ang hustisya.

"Kumusta na kayo? Masaya na ba kayo?" Pinunasan ni Rafael ang luhang patuloy sa pag-agos at idinilat ang kaniyang mga mata. Bahagya siyang nasilaw sa maliwanag na kalangitan.

Hindi pa rin makapaniwala si Rafael na maagang mawawala ang kaniyang mag-ina. Marami pa siyang pangarap na nais matupad kasama ang mga ito ngunit kahit kailan ay hindi na iyon mangyayari. Hindi niya kayang sa iba niya matutupad ang mga pangarap na binuo niya kasama ang asawang si Jade.

"Parang hindi ko na yata kayang magmahal ng iba, Jade. Nangako ako sa iyo na ikaw lang ang mamahalin ko. Parang habambuhay na yatang nakasarado ang puso ko sa iba."

Naramdaman ni Rafael ang pag-vibrate ng kaniyang telepono pahiwatig na may tumatawag sa kaniya. Noong una ay hinayaan lang niya iyon ngunit dahil paulit-ulit ang pagtawag sa kaniya, napagpasiyahan niyang sagutin na ang tawag.

"Ma?" Hindi ipinahalata ni Rafael na umiiyak siya. Nangako siya sa kaniyang ina na magpapakatatag siya.

"Mabuti naman sinagot mo. Anak, nahuli na ang nakabunggo sa inyo."

Napaupo si Rafael buhat sa pagkakahiga sa damuhan. Hindi siya nakatugon dahil hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Iba-ibang emosyon ang nararamdaman niya.

"Nandito ako sa police office, Anak. Ise-send ko sa iyo ang address. Nandito na ang taong nakapatay sa mag-ina mo."

Ibinaba na ni Rafael ang tawag. Dumiin ang pagkakahawak niya sa telepono dahil nanaig ang galit sa kaniyang puso. Hindi niya alam kung ano ang gagawin sa oras na makita na niya ang mukha ng taong nakapatay sa kaniyang mag-ina. Tila nais niyang patayin ang taong iyon.

Salitang tiningnan ni Rafael ang puntod ng kaniyang mag-ina. Kahit umaapaw ang galit sa kaniyang puso ay nakuha pa rin niyang ngumiti. Sa wakas, maibibigay na rin niya ang hustisya sa mga ito.

"Alam kong matatahimik na rin kayo."

Natunton ni Rafael ang address na ibinigay sa kaniya ng ina. Nakatayo siya sa harapan ng pinto dahil tila hindi niya kayang pumasok. Tila hindi pa siya handa gayon na parang dati lang ay hiniling niya makilala na ang taong pumatay sa kaniyang mag-ina.

Humugot ng malalim na hininga si Rafael at agad din niyang pinakawalan para mapawi ang bigat na nararamdaman. Paulit-ulit niyang ginawa iyon. Matapos ang ilang sandali ay pumasok na siya sa loob.

Napahinto si Rafael matapos makita ang kaniyang ina. Tila naramdaman nito ang presensya niya kaya napatingin ito sa direksyon niya. Agad itong lumapit sa kaniya.

"Anak, nasa loob ang taong pumatay sa mag-ina mo."

Lahat ng galit na naramdaman ni Rafael noong namatay ang kaniyang mag-ina ay muling bumalik at nag-uumapaw. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin sa taong iyon. Gusto niyang bawiin din ang buhay nito para maging kabayaran sa pagkamatay ng kaniyang mag-ina ngunit batid niyang kulang pa ang buhay nito.

Agad na pumasok si Rafael sa silid kung saan naroroon ang taong pumatay sa kaniyang mag-ina. Nahirapan siya sa paghinga dahil sa tindi ng galit.

Matapos buksan ang pinto ay natigilan si Rafael matapos makita ang nasa silid. Pamilyar ito sa kaniya at hindi siya makapaniwala na ito ang pumatay sa kaniyang mag-ina.

"I-Ikaw?"

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now