Kabanata 18

81 5 2
                                    

"KAPAG nawala po ba ang mga ulap, makikita ko po ba ang mga bituin, Mama, Papa?"

Sinulyapan ni Sabel ang batang si Daisy habang nakahiga sila sa damuhan kasama si Rafael. Ngumiti siya rito at muli niyang ibinalik ang tingin sa kalangitan. "Hindi mo pa makikita ang mga bituin dahil maliwanag pa."

"Mamayang gabi mo pa sila makikita, Daisy."

"May tanong po ako, totoo po ba na ang mga bituin, sila po ang mga taong namatay na? Kung totoo po, sino po kaya sa kanila si Mama?"

Malalim na napabuntong-hininga si Sabel at kasunod niyon ay ang pagngiti niya. Nauunawaan niya si Daisy dahil napakamura pa ng isipan nito ngunit naiinggit siya rito. Mga bata lamang ang nakakatakas sa reyalidad. Sila lamang ang tanging nakagagawa na maging masaya sa buong araw nang walang iniisip na problema.

"Hindi mo man nakikita ang mama mo pero lagi siyang nasa tabi mo para bantayan ka. Basta tandaan mo, nandito lang kami ng Mama Sabel mo."

Umupo ang batang si Daisy at salitan nitong tiningnan sina Sabel at Rafael. "Kanina po habang naglalaro tayo, pakiramdam ko po, sina Papa at Mama ang kasama ko saka para po kayong mag-asawa talaga."

Umupo na rin si Sabel nang umupo si Rafael mula sa pagkakahiga. Napatitig siya rito dahil tila nahatak siya ng nakahuhumaling nitong ngiti.

"Bagay na bagay po talaga kayong dalawa."

"Daisy," nakangiting saway ni Sabel sa bata habang nakaupo ito sa pagitan nila ni Rafael.

"Alam kong alam mo na hindi nagsisinungaling ang mga bata, Sabel." Ibinaling ni Rafael ang tingin kay Daisy at makahulugan nitong kinindatan ang bata.

"Mama Sabel, halika ka."

Napatayo na lang si Sabel matapos hawakan ni Daisy ang kaniyang kamay. Napatingin siya kay Rafael dahil tila may plano ang dalawa na hindi niya alam.

"May pupuntahan po tayo."

"Saan naman?" kunot ang noong tanong ni Sabel sa bata. Wala na siyang narinig na tugon mula sa bata. Wala na rin siyang ibang nagawa kundi sumunod dito at wala siyang ideya kung saan siya nito dadalhin. Batid niyang unang beses pa lang nitong nakapunta sa lugar na ang patag na lupa ay natatamnan ng mga damo at ang paligid ay puro halaman at puno.

Tumigil lang si Sabel sa paglalakad nang huminto ang bata. Napakunot-noo siya nang kunin ng bata ang panyo sa bulsa ng suot nitong short.

"Mama Sabel, umupo ka po para matakpan ko ang mga mata mo."

"Sabihin mo nga sa akin, Daisy, ano ba itong pakulo ninyo ng Papa Rafael mo?"

"Basta po, malalaman mo rin po mamaya. Sige na po, umupo ka na po."

Nakangiting napailing si Sabel at gaya ng gustong mangyari ni Daisy, umupo siya at nagpatakip ng mga mata gamit ang panyo. Matapos ang ilang sandali ay naramdaman niya ang paghawak ng bata sa kaniyang kamay.

"Tayo ka na po at sundan mo po ako."

Dahan-dahang inihahakbang ni Sabel ang mga paa niya. Gusto man niyang alisin na ang piring sa kaniyang mga mata ay hindi niya ginawa dahil hindi niya gustong sirain ang plano nina Rafael at Daisy na wala siyang ideya kung ano iyon.

Matapos ang ilang sandali ay inalis na ni Sabel ang piring sa kaniyang mga mata nang bigyan siya ng pahintulot ni Daisy na alisin iyon. Una niyang nakita ang kaniyang ina na nakatayo hindi kalayuan sa kaniya. Katabi nito ang ina ni Rafael na hindi niya alam kung bakit naroon din ito sa kinaroroonan nila. Sa tabi ng ina ni Rafael ay may isa pang babae na sa pakiwari niya ay naglalaro ang edad sa singkwenta.

Napansin ni Sabel ang lalaking nakaluhod sa kaniyang harapan kaya ibinaling niya ang tingin doon. Napatakip siya sa kaniyang bibig matapos mapagtanto na si Rafael iyon. Nakangiti ito habang nakatitig sa kaniya.

"Rafael..." Mabilis ang kabog sa dibdib ni Sabel dahil hindi niya sukat akalain na gagawin iyon ni Rafael.

"Sorry kung nabigla ka sa ginawa ko, Sabel." Nagpakawala ng malalim na hininga si Rafael at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Hindi ko alam kung bakit tayo pinagtagpo pero isa lang ang alam ko at iyon ay para pag-isahin ang puso natin."

"Rafael..."

"Oo alam kong masyadong mabilis pero may magagawa pa ba ako para pigilan ang puso ko na magmahal ulit? Mahal kita, Sabel. Ayoko nang patagalin pa ito dahil alam kong dito rin tayo pupunta. Sabel, puwede ko bang hingiin ang kamay mo?"

"Papa Rafael, bakit mo po hihingiin ang kamay ni Mama Sabel? Kawawa naman po siya kung isa na lang ang magiging kamay niya."

Napatawa si Sabel habang may luhang umaagos mula sa kaniyang mga mata. Sinundan niya ang batang si Daisy habang inaakay ito ng kaniyang ina palayo sa kanila ni Rafael.

"Sabel?"

Muling ibinalik ni Sabel ang tingin kay Rafael. Pinagmasdan niya ito at pinag-isipan ang magiging tugon niya. Pumikit siya at inisip si Mad. Humingi siya rito ng permisyo kung dapat ba niyang tanggapin ang alok ni Rafael. Tila nakita niya ito habang nakapikit siya. Nakangiti ito pahiwatig na hindi ito tutol.

Dumilat si Sabel at pinahid ang luha sa magkabila niyang pisngi. "Oo, Rafael, pumapayag ako."

Tumayo si Rafael at mahigpit nitong niyakap si Sabel. "Maraming salamat, Sabel."

"Binabati ko kayong dalawa."

Humarap si Sabel sa babaeng hindi niya kilala nang kumalas si Rafael mula sa pagkakayakap sa kaniya. Nginitian niya ito dahil sa pagbati nito para sa kanila ni Rafael.

"Sabel, siya ang mommy ni Jade."

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Sabel matapos na ipakilala ni Rafael ang babaeng nasa harap nila. Tanging paglunok na lang ang nagawa niya habang nakatingin dito.

"Huwag kang mag-alala, Sabel, hindi ko tututulan ang relasyon ninyo ni Rafael kahit na kailan lang nang mamatay ang anak kong si Jade. Alam ko naman kasi na ito rin ang gustong mangyari ng anak ko, ang magmahal ulit si Rafael." Hinawakan ng ina ni Jade ang kamay ni Sabel. "Mahalin mo nang tapat at wagas ang dati kong manugang, Sabel. Nag-effort talaga siya na papuntahin kami rito para malaman mo na totoo talaga ang pagmamahal niya sa iyo at walang tututol sa inyong dalawa."

"Maraming salamat po." Naibaling ni Sabel ang tingin sa ina ni Rafael nang lumapit ito sa kaniya. Kung dati, ang tingin niya rito ay isang mabagsik na Leon, ngayon ay tila isa itong maamong Tupa.

"Sorry sa mga nasabi ko sa iyo, Sabel. Alam ko naman na naiintindihan mo ako dahil mahal ko ang anak kong si Rafael."

"Naiintindihan ko po iyon."

"Lahat ng ina, gustong makita na masaya ang anak nila kaya naman binabasbasan ko kayo ni Rafael."

"NAKAKAKILIG naman sila. Ganiyan na ganiyan ang mga eksenang napanood ko na napatili ako nang malakas, Ceska."

"Shut up, Fam!" Hinarap ni Ceska ang kaibigan at sinamaan niya ito ng tingin. "Nakakadiri nga ang eksenang iyon!" Muling ibinalik ni Ceska ang tingin kina Rafael at Sabel habang nakatayo sila ng kaniyang kaibigan sa ilalim ng puno. Ilang sandali na rin silang naroroon.

"Ang sabihin mo, naiinggit ka lang. Para talagang palabas ang buhay nina Rafael at Sabel at ikaw Ceska ang kontrabida. Ikaw ang sisigaw na itigil ang kasal kapag ikakasal na sila. Tapos pagpaplanuhan mong patayin si Sabel. Pero siyempre, bibihagin mo muna siya pero dahil nga si Sabel ang bida, makakatakas siya at matutuloy pa rin ang kasal." Malalim na humugot ng hininga si Fam dahil sa haba ng sinabi nito na tila hindi ito huminga. "Hindi ba, alam na alam ko na ang mga mangyayari kaya kung ako sa iyo, umuwi na tayo dahil sila pa rin ang magkakatuluyan sa huli kahit pa hadlangan mo sila."

"Iyan ang akala mo. Papatunayan ko sa iyo na ako ang magiging leading lady ni Rafael sa huli."

My Beloved's SinOù les histoires vivent. Découvrez maintenant