Kabanata 23

84 5 0
                                    

"ESPESYAL po ang lugar na ito para kay Mama Sabel, Papa Rafael, dahil dito mo siya niligawan."

Napangiti si Sabel. Hindi na niya sinulyapan ang dalawa bagkus nanatili siyang nakatingin sa maliwanag na kalangitan habang nakahiga sa damuhan.

"Papa, Mama, kumusta po si Papa?"

"Magpakabait ka raw sa amin ng Mama Sabel mo at pagbutihan mo ang pag-aaral mo."

Pinakiramdaman ni Sabel ang batang si Daisy na nasa gitna nila ni Rafael. Kahit hindi niya ito tingnan ay ramdam niya ang lungkot nito. Kung ano-ano na nga lang ang sinasabi nila ni Rafael para lang mapaniwala ang bata na nasa malayong lugar nagtatrabaho ang ama nito.

"Salamat po sa inyo Papa Rafael at Mama Sabel dahil kahit hindi ninyo ako totoong anak, inaalagaan ninyo pa rin ako."

Sinulyapan ni Sabel ang bata na nakatuon ang tingin sa kalangitan. Masuyo niyang hinaplos ang buhok nito. "Aalagaan ka namin ng Papa Rafael mo na parang tunay na anak."

"Paano po kaya kung hindi namatay ang asawa at anak ninyong dalawa, sino po kaya ang mag-aalaga sa akin?"

Hindi nakapagsalita si Sabel dahil hindi niya alam ang isasagot. Batid niyang kung ganoon nga ang nangyari, hindi niya makikilala si Daisy lalo na si Rafael.

Napatingin si Sabel kay Rafael nang tumayo ito at bahagyang lumayo sa kanila ng bata. Batid niyang tinatanong din nito ang sarili kung ano ang ginagawa nito sa mga oras na iyon kung hindi namatay ang mag-ina nito. Hindi naman niya masagot ang tanong na iyon dahil mahal niya sina Mad at Junjun at mahal din niya si Rafael. Hindi niya alam kung pipiliin ba niya ang nakaraan o ang kasalukuyan.

"Dito ka lang, Daisy." Tumayo si Sabel upang lapitan si Rafael. Napabuntong-hininga siya habang nakatingin sa nakatalikod niyang nobyo. "Rafael?"

"Alam kong napaisip ka rin sa sinabi ni Daisy, Sabel. Paano nga kaya kung hindi tayo namatayan ng asawa at anak?"

Niyakap ni Sabel ang nakatalikod na si Rafael at nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. "Hindi natin ginusto ang nangyari. Kung ano man ang iniisip natin tungkol doon, hindi na iyon mahalaga dahil ang mahalaga, kung ano tayo ngayon hanggang sa hinaharap."

"Tama ka, Sabel. Hindi na natin pa dapat balikan ang nakaraan dahil ang mahalaga, ang ngayon at ang hinaharap."

Kumalas si Sabel sa pagyakap niya kay Rafael at pumuwesto siya sa harapan nito. "Hindi man natin nakikita sina Mad at Jade, alam kong masaya sila para sa atin."

Ngumiti si Rafael at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Basta ipangako mo sa akin na hindi mo ako iiwan."

Pinagmasdan ni Sabel si Rafael at ilang sandali ay kusang bumuhos ang luha sa kaniyang mga mata na hindi na niya napigilan. Niyakap niya ang nobyo at doon niya malayang binuhos ang kaniyang luha.

"Sabel?"

Pinilit ni Sabel na ikalma ang sarili upang maayos siyang makapagsalita. "Paano kapag may nagawa pala akong kasalanan. Mapapatawad mo pa kaya ako?"

Napaiyak na lang si Sabel. Gusto man niyang pigilan iyon ngunit hindi na niya kaya lalo pa kapag iniisip na malalayo na siya kay Rafael dahil makukulong siya. Nangako na siya sa sarili na susuko na siya at ipagtatapat na niya kay Rafael ang nagawang kasalanan kapag naibigay na niya ang hustisya para sa kaniyang mag-ama.

Kung husgahan man si Sabel ni Rafael ay tatanggapin niya lalo pa at malaking kasalanan ang nagawa niya. Kay tagal din niyang hindi ibinigay ang hustisya sa mga naulila nang dahil sa kaniya. Kung layuan man siya ng kaniyang nobyo ay tatanggapin niya.

"Paano kapag ako may nagawang malaking kasalanan, Sabel? Mahahalin mo pa kaya ako?"

Napatigil si Sabel sa kaniyang pag-iyak. Kumalas siya sa pagyakap kay Rafael at hinarap niya ito. Wala siyang ibang ginawa kundi titigan ito.

"Kahit ano man ang nagawa mo, hindi magbabago ang pagmamahal ko sa iyo. Ako, mamahalin mo pa kaya ako, Sabel?"

Pinilit ngumiti ni Sabel at tumango siya. "Hindi rin magbabago ang pagmamahal ko sa iyo."

"Ipangako mo sa akin na anuman ang mangyari, tayo pa rin hanggang sa huli. Ayoko nang magmahal ng iba."

"Pangako, Rafael, at wala na akong ibang mamahalin."

Kung si Sabel lang ang masusunod, hindi na niya aaminin ang malaking kasalanang nagawa niya dahil hindi niya gustong malayo kay Rafael ngunit alam niya ang tama at iyon ay ang sumuko siya at aminin ang nagawa niya. Kahit mahirap sa kaniya ay pipilitin niyang gawin ang alam niyang tama. Kung anuman ang kahinatnan ng relasyon nila ni Rafael ay ipagkakaubaya na lang niya sa tadhana dahil ito rin ang dahilan kung bakit ngayon ay mahal nila ni Rafael ang isa't isa.

"Papa, Mama, umiiyak po ba kayong dalawa?"

Nagpahid ng luha si Sabel at ngumiti siya kay Daisy. "Hindi, Anak, masaya lang kami ng papa mo."

"Bakit ka po umiiyak?"

"Hindi porket umiiyak ang isang tao, Anak, malungkot siya dahil minsan, umiiyak din ang tao dahil masaya siya."

"Ganoon po ba iyon?" Napabuntong-hininga ang batang si Daisy at ilang sandali ay malapad itong napangiti. "Gusto ko pong maglaro ng habul-habulan."

"Tumakbo na kayong dalawa ng Mama Sabel mo, Anak. Ako na ang taya."

"BWISIT talagang Sabel na iyon! Bakit kasi hindi pa namatay ang babaeng iyon!" Inihagis ni Ceska ang mamahaling baso na naglalaman ng wine.

"My gosh, ilang linggo na ang nakalipas nang maaksidente sina Rafael at Sabel. Hanggang ngayon hindi ka pa rin maka-move on na sinagip ng anghel si Sabel?"

Padabog na umupo si Ceska sa malambot na sofa at masama niyang tiningnan si Fam. "Ang sabihin mo, sinagip ng demoyo ang babaeng iyon para makapaghasik pa ng lagim dito sa mundo."

"Sabi ko nga." Ininom ni Fam ang wine na nasa baso at maarte nitong pinunasan ang bibig gamit ang tissue nang maubos nito ang iniinom. "Eh sino ba kasi ang naghahasik ng lagim, hindi ba ikaw? Sino ba ang ex na hindi maka-move on sa dati niyang boyfriend na may mahal nang iba?"

"Shut up!" Tila magkakaputol-putol ang mga ngipin ni Ceska dahil sa tindi ng galit na dinagdagan pa ng kaniyang kaibigan.

"Kahit anong gawin mo, hindi ako titigil na ipamukha sa iyo na hindi ka na mahahalin ni Rafael. Baka nga kapag naghubad ka pa sa harapan niya, eh hindi man lang mabuhay o magalit ang ano niya." Muling nilagyan ni Fam ang baso ng wine at muli itong uminom. "Kaya kung ako sa iyo, mag-move on ka na. Uso move on, Girl, walang bayad."

Tumayo si Ceska at bahagya itong lumayo sa kaibigan. "Alam kong may bahong tinatago ang Sabel na iyan. Malaman ko lang talaga kung ano iyon, humanda siya sa akin."

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now