Kabanata 4

171 8 4
                                    

"MAG-INGAT ka sa ibang bansa, Gelai. Kailangan pag-uwi mo, may chocolate kang dala para sa akin." Kasabay ng pagngiti ni Sabel ay ang pagbagsak ng luha sa kaniyang mga mata. Napatakip pa siya sa bibig dahil hindi na niya napigilan ang paghagulhol ng iyak.

Nais man ni Sabel na kumbinsihin si Gelai na huwag nang umalis ng bansa ngunit batid niyang gagawin iyon ng kaibigan para sa mag-ama nito. Kahit na kailangan niya ito dahil lugmok siya sa kalungkutan at kailangan niya ng masasandalan ay wala na siyang magagawa kundi maging masaya na lang sa desisyon nito.

"Hayaan mo, dalawang taon lang naman ang kontrata ko roon. Huwag ka nang umiyak dahil magbi-video chat naman tayong dalawa."

Pinahid ni Sabel ang luhang umagos sa kaniyang pisngi. Pilit niyang ikinalma ang sarili at nang magtagumpay, malapad siyang ngumiti upang ipaalam sa matalik na kaibigan na masaya siya sa pag-alis nito.

"Kung maluwag lang kami sa pera, hindi na ako magtatrabaho sa ibang bansa. Mahirap kayang malayo sa pamilya."

Napawi ang ngiti ni Sabel. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa sofa at lumapit sa bintana. Naibaling niya ang tingin sa kotseng nakaparada sa labas ng bahay ng kaniyang kaibigan.

"Sabel..."

Muling ibinaling ni Sabel ang tingin kay Gelai at bahagya siyang ngumiti. "Kailan nga pala ang alis mo?"

Tumayo si Gelai at lumapit ito kay Sabel. "Ngayong Biyernes na."

Humugot ng malalim na hininga si Sabel at muli siyang ngumiti kahit na nakaramdam siya ng lungkot. "May three days pa pala tayo para mag-bonding."

"Sabel..."

Napawi ang ngiti ni Sabel dahil nakita niya ang lungkot sa mga mata ni Gelai. Batid niyang maaring nakita nito ang lungkot na sumisilay sa kaniyang mga mata.

"Sorry kung hindi na kita masasamahan sa paghahanap sa driver ng kotse. Hayaan mo, lagi kong ipagdarasal na sana, makamit na nina Mad at Junjun ang hustisya."

"Ano ka ba, huwag mo akong intindihin. Dapat mo lang unahin ang pamilya mo kaysa sa iba."

Ngumiti si Gelai at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Hindi ka naman iba sa akin. Sa tagal nating magkaibigan, kapatid na ang turing ko sa iyo. Basta kapag kailangan mo ng pera, huwag kang mahiyang magsabi sa akin."

"Nakakahiya naman sa iyo. Ilaan mo na lang iyon sa pamilya mo dahil may pera pa naman ako. Gagamitin ko iyon para makamit nina Mad at Junjun ang hustisya."

"Basta kapag kailangan mo, tumawag ka lang sa akin."

Masuyong pinisil ni Sabel ang kamay ni Gelai. Matamis siyang ngumiti at kasunod niyon ay niyakap niya ito nang mahigpit. Labis ang pasasalamat niya dahil nagkaroon siya ng kaibigan na kasama niya sa hirap at ginhawa.

Kumalas si Sabel mula sa pagkakayakap kay Gelai at humarap siya rito. "Puwede ko bang mahiram saglit ang kotse ninyo ni Jake?"

"Oo naman, Sabel. Saan ka ba pupunta?"

"May pupuntahan lang ako. Babalik din ako."

"Mag-ingat ka. Bumalik ka rin agad para rito ka na maghapunan."

Nakangiting tumango si Sabel. Tinungo na niya ang pinto para makalabas na sa bahay ni Gelai. Sa katunayan ay hindi niya alam kung saan siya pupunta basta ang alam lang niya, nais niyang pagaanin ang bigat na nararamdaman.

"ATE Perl, nakita mo ba sina Jade at Cassey?" tanong ni Rafael sa kasambahay nang makapasok sa loob ng kanilang bahay.

"Nasa room po ninyo sila. Kararating lang din po ni ma'am Jade."

My Beloved's SinKde žijí příběhy. Začni objevovat