Kabanata 32

84 3 0
                                    

MATAPOS tumingin sa maliwanag na kalangitan ay umupo si Sabel sa damuhan para madampian ang lapida ng mag-ina ni Rafael. Malaya niyang pinakawalan ang luha sa kaniyang mga mata dahil wala naman ang nobyo niya. Bumalik ito kung saan nakaparada ang sasakyan dahil ito na ang nagpresinta na kunin ang telepono niyang maaring nalaglag sa loob niyon.

Nagpatuloy sa pag-iyak si Sabel dahil labis siyang nakokonsensya sa pagkamatay ng mag-ina ni Rafael. Kung hindi siya nagpadala sa kaniyang emosyon, marahil ay buhay pa ang mga ito at kasama ng kaniyang nobyo. Batid niyang masaya sana ang mga ito dahil buo ang pamilya.

"Patawarin ninyo ako. Alam kong alam ninyo na hindi ko sinasadya ang nangyari." Napahagulhol ng iyak si Sabel at matapos ang ilang sandali ay pinilit niyang kalmahin ang sarili. "Patawarin ninyo ako kung hanggang ngayon, hindi ninyo nakakamit ang tunay na hustisya. Hindi ko kasi alam kung paano ko sasabibin dahil ayokong mawala sa buhay ko si Rafael."

Labis nang nahihirapan si Sabel sa sitwasyon niya. Hindi niya alam kung bakit sa dinarami-rami ng tao sa daigdig ay siya pa ang binigyan ng ganoong kabigat na pasanin. Kung hindi lang niya iniisip ang mga taong mahalaga sa kaniya ay matagal na siyang sumuko.

Mas lalo pang nahihirapan si Sabel dahil ilang araw na lang ay kasal na nila ni Rafael. Tila hindi niya kayang itali ang sarili sa lalaking namatayan ng mga mahal sa buhay nang dahil sa kaniya ngunit sa tuwing maiisip kung gaano niya kamahal si Rafael, mabilis na nagbabago ang pasya niyang huwag pakasalan ang nobyo.

Kung tutuusin ay napakasuwerte ni Sabel kay Rafael. Malas lang nito dahil siya pa ang minahal nito. Kung minsan ay tinatanong niya ang tadhana kung bakit pinaglaruan sila. Minsan din ay iniisip niya na sana ay sumuko na lang siya noong una pa dahil kung noon pa siya sumuko, marahil ay hindi na siya naghihirap ngayon ngunit huli na ang lahat. Kailangan niyang lutasin ang problemang kinahaharap niya.

"Alam ninyo na ako ang nakapatay sa inyo pero bakit lagi kayong nakangiti sa akin sa panaginip? Hindi ba nga dapat, galit na galit kayo dahil ang taong pumalit sa inyo  sa buhay ni Rafael ay ang taong nakapatay sa inyo?"

Hanggang ngayon ay malaking katanungan pa rin kay Sabel kung bakit laging nakangiti ang mag-ina ni Rafael sa kaniyang panaginip. Wala siyang maramdaman na galit sa mga ito. Tila masaya pa ang mga ito na pumasok siya sa buhay ni Rafael.

"Sana bigyan ninyo ako ng sign kung dapat ko nga talagang pakasalan si Rafael. Sabihin ninyo sa panaginip ko kung ano ang gusto ninyong sabihin."

"Kinakausap mo ba sila, Sabel?"

Nagpahid ng luha si Sabel gamit ang panyo. Matapos tuluyang maikalma ang sarili ay tumayo siya at humarap kay Rafael. "Oo, nagtatanong ako sa kanila kung masaya ba sila na makakapangasawa ka na ulit."

Ngumiti si Rafael at niyakap nito si Sabel. "Hindi ba sinabi ko naman sa iyo na ito rin ang gusto nila, lalo na si Jade. Alam kong matagal na nila tayong binasbasan."

Niyakap din ni Sabel si Rafael. Pumikit siya at kasunod niyon ay ang muli niyang pagluha. Sinikap niyang hindi makalikha ng inggay mula sa kaniyang pag-iyak.

"Wala nga pala ang cellphone mo roon. Baka naiwan mo sa bahay." Bumuntong hininga si Rafael at sandali itong natahimik. "Excited na akong maging asawa ka, Sabel."

Humugot ng malalim na hininga si Sabel para kalmahin ang sarili. "Rafael, paano kapag nalaman mong may nagawa pala akong kasalanan na labag sa batas lalo na sa mata ng Diyos? Mamahalin mo pa rin ba ako?"

Kumalas si Rafael sa pagkakayakap at hinarap nito si Sabel. "Ano bang klaseng tanong iyan, Sabel? Imposibleng mangyari ang sinasabi mo." Bumuntong-hininga si Rafael. "Paano pala kung ako ang nakagawa ng malaking kasalanan sa iyo, mamahalin mo pa rin ba ako?"

"Ma'am Sabel."

Ipinagtaka ni Sabel kung bakit naroon si Chad sa kinaroroon nila ni Rafael. Hindi niya alam kung paano nito natunton ang lugar na iyon.

"B-Bakit n-nandito ka?" nauutal na tanong ni Rafael at tila nakakita ito ng multo.

"Galing ako sa bahay ninyo, Sir Rafael. Sinabi sa akin ng kasambahay ninyo na galing kayo roon ni Ma'am Sabel at nagpunta kayo rito. Mabuti na lang nakita ko ang driver mo kaya natunton ko kayo rito."

Napangiti si Sabel dahil napahanga siya ni Chad ahil ginagawa nito ang trabaho. Hiling niya na sana ay matukoy na talaga nito ang taong matagal na niyang hinahanap para matapos na ang lahat.

Lumapit si Sabel kay Chad. "Nandito ka ba dahil napatunayan mo na na ang taong tinutukoy mo ay ang taong pumatay talaga kina Mad at Junjun?"

Nilapitan ni Rafael si Chad at hinawakan nito sa braso. "Mag-usap tayo roon."

"Sir Rafael, maraming araw ang ibinigay ko sa iyo para sabihin kay Ma'am Sabel ang totoo. Bakit hanggang ngayon, wala pa rin siyang alam?"

Napatingin si Sabel kay Rafael dahil ipinagtaka niya ang sinabi ni Chad. Naguguluhan siya dahil tila may itinatago sa kaniya ang dalawa.

"Bigyan mo pa ako ng panahon."

"Sobra-sobra na ang ibinigay ko. Nakokonsensya na ako. Gusto kong gawin nang maayos ang trabaho ko."

"Ano bang pinag-uusapan ninyong dalawa? Rafael, may dapat ba akong malaman?"

Tumingin si Rafael kay Sabel at ilang sandali ay muli nitong ibinaling ang tingin kay Chad. "Pagkatapos ng kasal, pangako, sasabihin ko na ang totoo."

"MA'AM Ceska, ako po ang mananagot kay Sir Rafael kapag nalaman niyang nakapasok ka rito."

Hindi inintindi ni Ceska ang kasambahay bagkus dumiretso siya sa silid ni Rafael para puntahan ito. Nais niya itong kausapin dahil nagbabaka-sakali siyang magbago pa ang isip nito at makipagbalikan sa kaniya kapag pinagbantaan muli ito na sasabihin na talaga niya kay Sabel ang nalaman niya.

"Wala nga po rito si Sir Rafael. Umalis sila ni Ma'am Sabel. Kanina nandito sila."

"Tumahimik ka!"

Napasigaw na lang si Ceska matapos mapagtanto na wala sa silid si Rafael. Hindi na siya nagtagal doon at bumaba na siya para magtungo sa salas habang kasunod ang kasambahay.

"Nasaan si Rafael!"

"Wala nga po sila rito."

Napahilamos si Ceska gamit ang kaniyang mga palad. Sinundan niya ang papalayong kasambahay at batid niyang tatawagin nito ang security guard dahil nagkataon na wala ito sa gate kaya siya nakapasok.

Napatingin si Ceska sa ibabaw ng mesita matapos marinig ang pagtunog ng telepono. Agad niya iyong kinuha. Hindi na niya pinagkaabalahan pang basahin ang pangalang nakarehistro sa telepono dahil sinagot agad niya ang tawag.

"Ano, Sabel, nakapagdesisyon ka na ba? Kung ako ang tatanungin mo, bilang matalik mong kaibigan, papayuhan kita na huwag mo nang pakasalan si Rafael dahil kapag nalaman niyang ikaw ang totoong nakapatay sa mag-ina niya, hindi malabong kasuklaman ka niya."

Nanlaki ang mga mata ni Ceska matapos marinig ang mga sinabi ng babae sa kabilang linya. Muntikan pa niyang mabitiwan ang telepono. Buti na lang ay mas hinigpitan niya ang pagkakahawak doon.

"Sabel?"

Pinatay na ni Ceska ang tawag at inilapag niya ang telepono sa mesita. Agad siyang napangisi dahil sa kaniyang nalaman.

"Kung ganoon, pareho pala silang may itinatagong lihim. Paano kaya kapag nalaman nilang dalawa na ang taong minamahal nila nang sobra ay ang taong nakapatay sa asawa at anak nila?"

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now