Kabanata 33

77 4 0
                                    

NASA simbahan na si Rafael at ang lahat ng mga magiging saksi sa pag-iisang-dibdib nila ni Sabel. Ito na lang ang hinihintay nila para masimulan na ang kasal. Ilang minuto na rin silang naghihintay sa pagdating nito.

Masaya si Rafael dahil dumating na ang araw na magiging asawa na niya si Sabel. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na mangyayari na iyon. Sa kabila ng kasiyahan na nararamdaman niya ay may kaba at takot siyang nararamdaman.

Gustuhin man ni Rafael na habambuhay na lang niyang ilihim ang kasalanan kay Sabel ngunit marami na rin ang nakaaalam ng lihim niya. Isa pa, batid niyang araw-araw siyang babagabagin ng konsensya.

"Handa ka na bang sabihin kay Ma'am Sabel ang kasalanan mo sa kaniya, Sir Rafael?"

Kahit mahina ang tinig na iyon ay malinaw na narinig ni Rafael ang sinabi ni Chad. Sinulyapan niya ito na nasa tabi niya at nakangiti siyang tumango.

Sa totoo lang ay hindi pa handa si Rafael. Wala naman siyang magagawa dahil nangako na siya kay Chad at mainam na rin na siya na ang magsabi kaysa malaman pa ni Sabel sa iba ang kasalanan niya rito.

Masaya si Rafael sa oras na maging ganap na niyang asawa si Sabel ngunit panandalian lang ang kasiyahan na iyon. Hindi sana niya gustong tapusin ang kasiyahang nararamdaman dahil gusto niyang sulitin ang emosyong iyon.

"Pasensya na sa mga nasabi ko sa iyo noon, Sir Rafael. Sana maintindihan mo ako dahil gusto kong gawin nang maayos ang trabaho ko."

"Naiintindihan ko iyon. Pasensya ka na rin kung pati ikaw, nadadamay sa kasalanang nagawa ko." Bumuntong-hininga si Rafael at ibinaling niya sa kawalan ang tingin. "Hindi ko naman ginusto ang nangyari. Oo, nagpapasalamat ako na dumating si Sabel sa buhay ko, pero hindi ko ikinasaya na namatay ang asawa at anak niya dahil alam ko kung gaano kahirap ang mawalan ng mga mahal sa buhay."

"Mas maganda sana kung sumuko ka muna sa mga pulis bago ka magtapat kay Sabel. Sa paraang iyon, puwedeng bumaba ang sistensya mo lalo pa at hindi mo naman sinadya ang nangyari."

NAPALUHA si Sabel habang dahan-dahan niyang inihahakbang ang mga paa palapit kay Rafael. Masaya siya na kinakabahan na tila unang beses pa lang niyang ikakasal. Kakaiba ang nararamdaman niyang iyon kaysa noong ikinasal siya kay Mad at batid niya ang dahilan.

Habang patuloy si Sabel sa paghakbang sa kaniyang mga paa ay patuloy rin ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata. Ang luhang iyon ay sanhi ng kasiyahan dahil ikakasal na siya kay Rafael at lungkot dahil nagpakasal siya rito kahit napakalaki ng kasalanan niya.

Kung tutuusin, puwedeng-puwedeng tumakbo palayo si Sabel para umatras sa kasal ngunit hinding-hindi niya iyon gagawin. Desidido na siyang pakasalan si Rafael kahit pa alam niyang mali.

Nabuo ang pasya ni Sabel na ituloy ang kasal matapos niyang makausap si Jade sa panaginip niya. Sinabihan siya nitong ituloy ang kasal dahil naniniwala itong siya ang tunay na nakalaan kay Rafael. Sinabihan din siya nitong huwag matakot magtapat dahil mapapatawad siya nito. Sa kabila niyon, hindi pa rin niya alam kung paano siya magtatapat.

Malapit nang makarating si Sabel kay Rafael. Sa oras na makarating na siya at kunin nito ang kaniyang kamay, handa na siyang maging asawa ito at handa na rin siyang putulin ang pising nagdurugtong sa kanila ni Mad.

Nagpahid ng luha si Sabel at malalim siyang humugot ng hininga. Matapos ang ilang sandali ay napangiti siya matapos maalala ang unang araw na nagkakilala sila ni Mad.

"Ayos ka lang ba, Miss?"

Binitiwan ni Sabel ang kamay ng lalaki matapos siya nitong alalayan sa pagtayo. Bahagya siyang napayuko dahil nakaramdam siya ng hiya matapos nitong masaksihan ang pagkadulas niya. Umuulan nang panahon na iyon kaya madulas ang daan.

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now