Kabanata 2

238 13 10
                                    

TANGING paghagulhol ng iyak lang ang nagawa ni Sabel matapos sabihin sa kaniya ng kaibigang si Gelai na patay na ang kaniyang mag-ama. Gusto niyang magwala ngunit nanghihina pa siya dahil ilang oras din siyang walang malay at hapon na nang magising siya. Paggising na lang niya ay nasa ospital na siya.

"Kausap ng mga biyenan mo ang mga pulis at sinabi sa kanila na nasunog daw ang katawan nina Mad at Junjun."

Sa narinig ni Sabel, pakiramdam niya ay tila tinusok ang kaniyang dibdib at pakiramdam din niya ay tila napakaraming karayom ang sabay-sabay na tumutusok sa kaniyang puso. Hindi niya kayang tanggapin ang nangyari sa kaniyang mag-ama at hindi siya makapaniwala na sasapitin iyon ng asawa at anak.

"Gagawin daw ng mga pulis ang lahat para pagbayaran ang may kasalanan pero mahihirapan daw sila dahil malabo ang kuha ng mga CCTV." Napahinga nang malalim si Gelai at hinawakan nito ang kamay ni Sabel. "Huwag kang mag-alala, makakamit din nina Mad at Junjun ang hustisya."

Napayakap na lang si Sabel sa kaibigan at nagpatuloy siya sa paghagulhol ng iyak. Hindi niya alam kung paano na siya gayong wala na ang mag-ama niya. Hindi niya alam kung paano matatanggap ang nangyari sa mga ito.

Hindi ikinasaya ni Sabel na nabuhay pa siya. Para sa kaniya, sana ay namatay na rin siya para hindi na niya nararamdaman ang labis na sakit at lungkot. Hindi tuloy niya alam kung anong dahilan kung bakit nabuhay siya.

Napakalas si Sabel mula sa pagkakayakap kay Gelai nang marinig ang padabog na pagbukas ng pinto. Ibinaling niya roon ang tingin at halos makaramdam siya ng takot nang makita ang biyenan niyang babae. Kusot ang mukha nito at halos maging kulay pula ang mukha nito dahil sa galit.

"Malas ka talagang babae ka!"

Muling napahagulhol ng iyak si Sabel matapos marinig ang mga katagang sinabi ng biyenan niyang babae. Nakatingin lang siya rito habang pilit itong pinipigilan ng biyenan niyang lalaki na makalapit sa kaniya. Nagpapasalamat siya dahil naging mabuti ito sa kaniya at ibang-iba ito sa asawa.

"Puro kamalasan ang ibinigay mo sa anak ko! Ikaw ang may kasalanan kung bakit namatay si Mad, Sabel!"

"Tama na, Tadel. Walang may gustong mangyari iyon kina Mad at sa apo natin. Kung sino man ang labis na nasasaktan sa pagkamatay nila, si Sabel iyon."

"Kasalanan ito ni Sabel! Dahil sa iyo, namatay si Mad! Sana ikaw na lang ang namatay!"

Muling napayakap si Sabel kay Gelai nang lumabas ang dalawa niyang biyenan sa silid na kinaroroonan niya. Tanging paghagulhol ng iyak na lang ang nagawa niya. Para sa kaniya, tama ang biyenan niyang babae dahil kung hindi niya pinilit si Mad na umalis na sa puder ng mga magulang nito, sana ay buhay pa rin ito maging ang kaniyang anak.

"Huwag mo nang intindihin ang sinabi ng mama ni Mad, Sabel. Walang may gustong mangyari iyon sa kanila."

"Gusto ko silang makita, Gelai."

"Gusto nga rin sanang makita ng mga biyenan mo ang bangkay nina Mad at Junjun kaya lang hindi na raw puwede."

Napapikit na lang si Sabel at sinubsob niya ang mukha sa dibdib ni Gelai habang patuloy siya sa paghagulhol ng iyak. Hindi niya alam kung paano makakayanan ang sakit at lungkot na nararamdaman niya dahil hindi na niya mayayakap ang kaniyang mag-ama. Hindi na rin niya makikita ang mga ito.

"WHAT happened, Rafael?"

Napalunok si Rafael dahil matapos niyang buksan ang pinto ay bumungad sa kaniya ang ina niya kasama ang asawa niyang si Jade at anak nilang si Cassey. Nakaupo ang mga ito sa sofa na tila hinihintay ang pagdating niya.

"Kanina pa kami tawag nang tawag sa iyo ni Jade. Saan ka ba nanggaling?"

Hindi nagsalita si Rafael bagkus ay tinitigan lang niya ang kaniyang ina na nakatayo sa harapan niya. Gusto niyang umiyak ngunit pinigilan niya dahil hindi niya gustong magtanong ito kung ano ang nangyari lalo pa at hindi niya gustong may makaalam sa nagawa niya.

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon