Kabanata 28

74 4 4
                                    

NAPAUPO lang si Rafael sa kama habang umiiyak. Naging magulo ang loob ng silid dahil sa paghagis sa anumang makita niya. Nagawa niya iyon dahil sa takot na mawala sa kaniya si Sabel. Hindi siya takot makulong ang hindi lang niya kaya ay layuan siya ng nobya kapag nalaman na nitong siya ang nakapatay sa mag-ama nito.

Hindi malaman ni Rafael kung bakit tila pinaglaruan siya ng tadhana. Nangako siya kay Sabel na hindi niya ito sasaktan ngunit hindi niya alam na matagal na pala niyang nasaktan ang damdamin nito. Hindi niya alam kung paano sasabihin na hindi naman talaga niya ginustong mamatay ang mag-ama nito. Kung kaya nga lang niyang ibalik ang nakaraan, siya na lang ang nag-alis sa mag-ama ni Sabel na nasa loob ng sasakyan at hindi na siya umalis.

"Rafael, Anak, nagkakaganiyan ka ba dahil kay Sabel?"

Tumayo si Rafael at napasuntok sa pader. Isinandal niya ang noo roon habang patuloy sa pag-iyak. Napapikit siya nang maramdaman ang paghaplos ng palad ng kaniyang ina sa likod niya na pilit siyang pinakakalma.

"Rafael, alam mo naman na iniisip ko lang ang kapakanan mo. Kung magkakaganito ka lang din naman, papayag na akong matuloy kasal ninyo."

Muling napasuntok si Rafael sa pader habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Masaya siyang marinig iyon sa ina ngunit pakiramdam niya ay huli na ang lahat dahil tila hindi na mangyayari ang kasal. Batid niyang hindi nanaisin ni Sabel na magpakasal sa kaniya lalo na at siya ang dahilan kung bakit nalugmok ito sa lungkot at higit sa lahat, isa siyang kriminal.

"Ma, s-sorry po. H-Hindi ko naman sinasadya."

"Ano bang sinasabi mo, Anak? Ako nga dapat itong humingi ng tawad sa iyo. Binabawi ko na ang sinabi ko kanina na hindi matutuloy ang kasal."

Humarap si Rafael sa kaniyang ina habang patuloy sa pag-iyak. Hindi siya nagsalita bagkus tinitigan lang niya ito.

"Gusto mo bang papuntahin ko ulit si Sabel dito? Kaya lang, kanina pa sila umalis kasama ang mama niya. Si Ceska na lang ang nasa baba."

Hindi alam ni Rafael kung dapat na ba niyang sabihin sa kaniyang ina ang kasalanang nagawa niya. Natatakot siyang mahusgahan na masamang tao dahil alam niya sa sarili na hindi siya masamang tao. Naduwag lang siyang panagutan ang kaniyang kasalanan kaya tinakasan niya iyon.

"Anak?"

Sandali pang napaiyak si Rafael bago niya kalmahin ang sarili. Marahil ay panahon na para malaman ng kaniyang ina ang nagawa niya lalo pa at kailangan niya ng karamay dahil hindi niya alam kung ano ang gagawin.

"Anak?"

"Ma... ako po ang nakapatay sa asawa at anak ni Sabel." Muling napaiyak si Rafael matapos niyang umamin. Hindi niya alam kung saan siya nakakuha ng lakas ngunit sa kabila niyon ay tila nabunutan siya ng tinik.

"Rafael, hindi iyan magandang biro."

"Totoo po, ako ang nakapatay sa kanila."

Napaiyak ang ina ni Rafael at napaupo ito na tila nawalan ng lakas. "B-Bakit? P-Paano, Anak?"

Umupo si Rafael upang pantayan ang kaniyang ina. Kapwa sila umiiyak habang magkatitig sa isa't isa. "Matagal kong itinago iyon, Ma. Hindi ko ginusto ang nangyari. Aksidente lang ang lahat."

"P-Paano, A-Anak?"

Isinalaysay ni Rafael ang nangyari sa kaniyang ina. Halos hindi ito makapaniwala na nakapatay siya ng hindi lang isang tao kundi dalawa. Maging siya rin ay hindi makapaniwala.

Matapos sabihin ay nabawasan ang bigat sa dibdib ni Rafael. Matagal din niyang tiniis ang hirap habang itinatago ang nagawa. Hindi niya alam na kailangan din pala niya ang kaniyang ina upang makayanan ang kinahaharap. Hindi rin niya alam ang kahihinatnan ng pag-amin ngunit batid niyang magiging kakampi niya ang kaniyang ina.

My Beloved's SinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon