Kabanata 14

95 7 1
                                    

"HUWAG kang mawalan ng pag-asa, Jake. Mapapawalang-sala si Gelai." Hinigpitan ni Sabel ang pagkakahawak sa telepono dahil pakiwari niya, anumang oras ay mabibitiwan niya iyon matapos maibalita sa kaniya ni Jake ang tungkol sa asawa nito. Pilit siyang nagpapakatatag dahil batid niyang kailangan nito ng masasandalan.

"Ayokong mawala ang asawa ko, Sabel."

Napapikit si Sabel at kasunod niyon ay ang pag-agos ng luha sa kaniyang magkabilang pisngi dahil naramdaman niya ang takot at lungkot na nararamdaman ni Jake. Gusto man niyang tumulong ngunit ang tangi lang niyang magagawa ay patatagin ang loob nito lalo pa at maging siya ay nangangailangan din ng malaking halaga ng pera.

"N-Napakabata pa ng anak namin, Sabel."

Mas tumindi ang lungkot na naramdaman ni Sabel matapos marinig ang pag-iyak ni Jake sa kabilang linya. Wala na siyang ibang narinig kundi ang pag-iyak nito. Batid niyang napakahirap para rito na malaman na hahatulan ng kamatayan ang asawa nito.

"Lumuhod na ako sa pamilya ng amo ni Gelai, Sabel. Nagmakaawa na ako na sa kanila."

"Jake, makinig ka sa akin." Paulit-ulit na pinatahan ni Sabel ang umiiyak na si Jake at matapos ang ilang sandali ay bahagya itong tumahan. "Hihingi tayo ng tulong para hindi matuloy ang pagbitay. Magdasal tayo. Magtiwala tayo na mapapawalang-sala si Gelai."

"Sabel, sorry kung nadadamay ka pa sa problema namin." Muling umiyak si Jake ngunit ilang sandali lang ay bahagya itong tumahan. "Alam kong inaasikaso mo ang paghahanap ng hustisya para sa mag-ama mo. Sorry kung dumadagdag pa kami."

"Huwag mo nang isipin iyon, Jake. Hindi na kayo iba sa akin. Hindi ba ang sabi, hindi lang dapat magkasama sa saya ang magkaibigan kundi maging sa hirap?"

"Maraming salamat talaga, Sabel. Hindi ko alam kung paano ko makakaya ang pagsubok na ito kung ako lang ang mag-isa. Salamat talaga."

"Dinamayan din naman ninyo ako noong namatay sina Mad at Junjun. Basta, tatagan mo lang ang loob mo."

"Sige na, Sabel. Susubukan ko ulit kausapin ang amo ni Gelai. Kung kinakailangang mag-stay ako rito ng ilang buwan, gagawin ko para sa asawa ko."

Malalim na napabuntong-hininga si Sabel matapos ibaba ni Jake ang tawag. Lumapit siya sa bintana upang tumingin sa maliwanag na kalangitan. Ilang sandali pa ay muling umagos ang luha sa magkabila niyang pisngi matapos maalala ang kaibigang si Gelai.

Aminado si Sabel na nahihirapan siya dahil marami rin siyang iniisip ngunit sa kabila niyon ay hindi niya naisip na talikuran ang kaibigang si Gelai. Sinubukan na rin niyang lumapit kung kani-kanino para lang matulungan ang kaibigan niyang nakakulong sa ibang bansa.

"Anak, may naghahanap sa iyo."

Napalingon si Sabel sa likuran matapos marinig ang tinig ng kaniyang ina. "Sino raw po?"

"Rafael ang pangalan."

Bahagyang lumaki ang mga mata ni Sabel matapos makaramdam ng pagtataka kung paano nalaman ni Rafael ang bahay ng kaniyang mga magulang. Hindi siya nakapagsalita matapos maramdaman ang malakas na kabog sa kaniyang dibdib na alam niya ang dahilan.

Simula nang maisip ni Sabel na gamitin si Rafael para maibigay ang hustisya sa kaniyang mag-ama ay tila hindi muna niya ito nais makita dahil nakokonsesya siya. Hindi naman niya noon alam na napakayaman pala nito at hindi maitatangi na maaring ito na ang daan para maibigay niya ang hustisya sa kaniyang mag-ama. Nahihiya naman siyang lumapit dito lalo pa at kailan lang nang makilala niya ito.

"Wala ka bang planong harapin siya, Sabel? May kasama pa naman siyang batang babae."

"Pasabi naman po na sandali lang."

Nakangiting tumango ang ina ni Sabel na hindi niya mawari ang pakahulugan. Matapos ang ilang sandali ay lumabas na ito ng silid na kinaroroonan niya.

Lumapit si Sabel sa higaan para maupo roon. Mahina siyang napatapik sa kaniyang noo dahil naguguluhan na siya.

"Mabuting tao si Rafael." Malalim na napabuntong-hininga si Sabel at napapikit na lang siya.

Piniling maupo na lang ni Sabel sa upuan na nasa ilalim ng puno. Nasa park siya kasama sina Rafael at Daisy. Pinili niyang manatili roon malayo sa dalawa dahil ginugulo siya ng kaniyang konsensya sa pagbabalak na gamitin si Rafael para makamit ng kaniyang asawa at anak ang hustisya.

Hinagilap ng mga mata ni Sabel sina Rafael at Daisy. Tipid siyang napangiti matapos makita ang saya sa mukha ni Rafael habang hinahabol nito ang bata. Masaya siya dahil sinusubukan muli nitong sumaya sa kabila ng nangyari sa asawa at anak nito.

Hindi pa rin makapaniwala si Sabel na namatay sa car accident ang asawa at anak ni Rafael. Nabanggit na rin niya rito na ang buong akala niya, pinatay ang mag-ina nito. Hindi niya maiwasang mainggit dahil buti pa ito ay nakuha nito ang hustisya para sa mag-ina ngunit siya, tila malabo na yatang maibigay niya ang hustisya para sa kaniyang mag-ama.

"Mama Sabel, okay lang po ba kayo?"

Napaayos ng upo si Sabel matapos marinig ang tinig ng batang si Daisy. Sinulyapan niya ito at ngumiti siya dahil batid niyang tila nawala siya sa kaniyang sarili. "Oo naman."

"Pasensya ka na, Sabel, kung nagpasama pa ako sa iyo. Gusto ko lang kasing ipasyal itong si Daisy."

Ibinaling ni Sabel ang tingin kay Rafael na hindi niya namalayang nakaupo na pala sa tabi niya. "Okay lang, Rafael. Hindi ba nga, tayo muna ang tatayong magulang niya kaya dapat, buong pamilya tayong papasyal."

"Mama Sabel, alam po ba ninyo, si Papa Rafael po pala iyong nagbigay sa akin ng lobo dati." Umupo ang bata tabi sa pagitan nina Sabel at Rafael.

Muling sinulyapan ni Sabel ang bata at hinaplos niya ang buhok nito. "Sabi ko sa iyo, mabait talaga ang Papa Rafael mo."

Napawi ang ngiti ng bata matapos ang ilang sandali. Itinuon nito ang tingin sa unahan at ilang sandali pa ay malalim itong bumuntong-hininga. "Nami-miss ko na po si Papa."

"Babalik din ang papa mo. Kaya habang wala pa siya, ituturing ka namin ng Mama Sabel mo na parang tunay na anak."

"Hindi naman po kayo mag-asawa. Ang sabi ninyo, magkaibigan lang kayo." Salitang tiningnan ng bata sina Sabel at Rafael. "Hindi po ba puwedeng maging mag-asawa po talaga kayo?"

Sinulyapan ni Sabel si Rafael. Pilit siyang ngumiti dahil nakangiti ito sa kaniya. Agad din niyang iniwas ang tingin rito at ibinaling niya sa bata. "Daisy, bata ka pa kasi kaya hindi mo maiintindihan kung bakit hindi puwedeng mangyari ang gusto mo."

"Kung sa akin lang, puwede namang mangyari ang gusto mo dahil pareho naman kaming single ng Mama Sabel mo."

Muling napasulyap si Sabel kay Rafael. Kahit nakangiti ito sa kaniya ay hindi niya nagawang suklian ito ng ngiti. Hindi niya maunawaan kung bakit nasabi iyon ni Rafael gayon ay kamamatay lang ng asawa nito. Batid niya na maaring iyon na ang sagot upang mahanap na niya ang hustisya ngunit sinusubukan pa rin niyang pigilan ang masama niyang plano para kay Rafael. Hindi niya nais saktan ang damdamin nito lalo pa at namatayan na ito ng asawa.

"Sige na po, Mama Sabel. Pumayag ka na po."

"Mabuti kang tao, Rafael. Hindi kita kayang saktan." Nakatitig si Sabel sa mga mata ni Rafael at kahit nais niyang sabihin ang mga katagang iyon ay hindi niya magawa dahil nagtatalo ang kaniyang isip. Sa kabila niyon ay tila ipinagpapasalamat niyang sinabi niyang namatay ang asawa at anak niya sa sakit dahil batid niyang hindi malalaman ni Rafael ang motibo niya. Nasabi rin niya iyon dahil hindi niya kayang sabihin na namatay ang mag-ama niya sa car accident lalo pa at maging siya ay nakapatay rin.

"Ang bilis mo yatang magkaroon ng asawa at anak, Rafael. Sa pagkakaalam ko, kamamatay lang ni Jade at ng anak mo. Parang hindi mo yata minahal ang asawa mo dahil ang bilis mo siyang naipagpalit."

Hinanap ni Sabel ang babaeng nagmamay-ari ng tinig na narinig niya hanggang matagpuan niya iyon sa harapan din nila. Nakatingin sa kaniya ang babae habang nakataas ang isang kilay nito. Katamtaman lang ang taas nito na bumagay sa hanggang leeg nitong buhok. Maputi ang babae at halata na edukada itong tao. Bilugan ang mga mata nito na bumagay sa matangos nitong ilong at mapulang labi.

"Ceska?"

"Ako nga, Rafael."

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now