Kabanata 7

151 8 13
                                    

KASABAY ng pagngiti ni Rafael ay ang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya alam kung magiging masaya siya dahil nakita niya sina Jade at Cassey. Nakangiti ang mga ito sa kaniya.

Nasa lugar si Rafael kung saan una niyang nakita at nakilala si Jade. Dahil magulo ang isip niya noon, napagpasiyahan niyang magpunta sa tahimik na lugar at dinala siya ng kaniyang mga paa sa isang sikat na park sa kanilang siyudad. Tila luntian iyon dahil sa mga damo at mayroon ding naglalakihang mga puno na sa ilalim niyon ay may mahabang upuang gawa sa bato.

Nagkataon naman na nang araw na iyon ay naroon din si Jade. Nakita ito ni Rafael na nakaupo sa batong upuan habang umiiyak. Dala ng kuryosidad ay nilapitan niya ito at napagtanto niyang namatay ang ama nito. Doon na nagsimula ang lahat sa kanilang dalawa.

Napawi ang ngiti ni Rafael nang mawala sina Jade at Cassey. Akala niya ay tunay niyang nakita ang mag-ina. Nais pa naman sana niyang yakapin ang mga ito ngunit hindi na niya nagawa pa. Kung alam lang niyang mawawala rin agad sa paningin niya ang mag-ina, nilapitan na sana niya ang mga ito.

"Papa, bili mo ako niyon."

Napalingon si Rafael sa kaniyang likuran nang narinig ang tinig ng batang babae. Kahit lungkot ang bumabalot sa kaniyang puso, nagawa pa rin niyang ngumiti matapos na maalala sa batang babae ang anak na si Cassey. Nagpapabili ang batang babae sa ama nito ng lobo at paulit-ulit nitong pinipilit ang magulang.

"Walang pera si papa, Anak. Hayaan mo sa susunod, ibibili kita ng lobo kahit marami pa."

Nakita ni Rafael ang lungkot sa mukha ng bata. Nilapitan niya ang nagtitinda ng lobo at bumili siya roon ng limang iba-iba ang kulay. Matapos makabili ay nilapitan niya ang batang babae.

"Huwag ka nang malungkot." Iniabot ni Rafael ang mga lobo sa batang babae. Sandali pa siya nitong tinitigan bago nito kunin ang mga lobo.

"Nakakahiya naman sa iyo." Napayuko ang ama ng batang babae.

"Sa akin po ba ang mga ito?" malapad ang ngiting tanong ng batang babae.

Nakangiting tumango si Rafael. Gusto niyang yakapin ang batang babae dahil naalala niya rito ang kaniyang anak ngunit hindi na niya ginawa pa. Sapat na sa kaniyang makitang nakangiti ang bata.

"Salamat po nang marami sa inyo."

Sinulyapan ni Rafael ang ama ng bata. Nakayuko pa rin ito na tila malaking kahihiyan na hindi nito naibili ang gusto ng anak. "Masuwerte ka dahil kasama mo ang anak mo kaya sana, iparamdam mo sa kaniya ang pagmamahal mo. Hindi mo man siya mabilhan ng materyal na bagay, iparamdam mo na lang sa kaniya kung gaano mo siya kamahal. Mas importante na maramdaman niya iyon."

Inangat ng lalaki ang mukha nito at tiningnan si Rafael. Ilang sandali pa ay ngumiti ito. "Salamat ulit. Hirap man kami sa buhay, mamahalin ko ang anak ko dahil kami na lang ang magkasama sa buhay dahil namatay na ang mama niya."

Hapon na nang makarating si Rafael sa tulay. Napapikit siya nang maramdaman ang paghaplos ng malamig na hangin sa kaniyang magkabilang pisngi. Sa pagpikit niya ay malinaw niyang nakita sa isipan ang kaniyang mag-ina. Nakangiti ang mga ito habang kumakaway sa kaniya.

Bumuhos ang luha sa mga mata ni Rafael sanhi ng lungkot na nararamdaman. Gusto na niyang yakapin ang mag-ina ngunit mangyayari na lang iyon sa kaniyang isip. Nasasabik na siya sa mga ito at hindi niya alam kung kailan niya makakaya ang lungkot na nararamdaman.

Napadilat si Rafael nang marinig ang pagtunog ng kaniyang telepono. Hinayaan lang niyang tumunog iyon dahil wala siyang planong sagutin ang tumatawag sa kaniya. Batid niyang ang tumatawag ay ang kaniyang ina. Hindi muna niya nais magpunta kung saan nakaburol ang kaniyang mag-ina dahil nasasaktan lang siya. Hindi pa rin niya matanggap na wala na ang mga ito.

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now