Kabanata 9

103 7 9
                                    

KANINA pa giniginaw si Sabel. Gusto na niyang bumaba ng bus ngunit malayo pa siya sa kanilang bahay kaya kailangan muna niyang tiisin ang lamig. Nagsisisi tuloy siya na hindi ordinaryong bus ang sinakyan niya.

Napatingin si Sabel sa lalaking katabi niya sa upuan. Ang mukha nito ay nakaharap sa bintana at pakiwari niya ay tulog ito. Nais sana niyang hiramin ang suot nitong jacket ngunit nahihiya naman siyang gisingin ito.

Niyakap na lang ni Sabel ang sarili para kahit papaano ay mapawi ang lamig na nararamdaman niya. Nakaramdam siya ng antok dahil na rin pasado alas-otso na iyon ng gabi. Kahit inaantok ay hindi niya ipinikit ang mga mata dahil batid niyang makikita muli niya ang mukha ng kaniyang asawa at anak na pilit na nagmamakaawa na makamtan na ang hustisya.

Galing si Sabel sa police office upang kumustahin ang paghahanap sa nakapatay sa kaniyang mag-ama ngunit sa kasamaang palad, wala pa ring magandang balita. Noong isang araw ay may pumunta sa bahay nila na mga pulis. Akala niya, kaya siya sinama ng mga ito ay dahil nakilala na ang suspek ngunit hindi pala. Sinama siya ng mga ito upang ipanood ang kuha ng CCTV na hindi naman nakatulong sa paghahanap niya ng hustisya.

"Suotin mo muna ito, Miss."

Napasulyap si Sabel sa lalaking katabi niya sa upuan matapos marinig ang sinabi nito. Hindi agad siya nakapagsalita dahil pamilyar sa kaniya ang mukha nito ngunit hindi niya alam kung saan sila nagkita.

"N-Nagkita na ba tayo?" Nakatitig si Sabel sa mga mata ng lalaki at gaya nito, nakatitig din ito sa kaniya.

"Parang oo yata." Ngumiti ang lalaki at isinuot nito ang jacket kay Sabel. "Parang pamilyar din ang mukha mo."

"Salamat." Inalis ni Sabel ang pagkakayakap sa sarili dahil bahagyang napawi ang lamig na nararamdaman niya. Bago niya alisin ang tingin sa lalaki ay ngumiti muna siya. Itinuon niya ang tingin sa unahan upang isipin kung saan niya nakita ang pamilyar na lalaki.

"Alam ko na." Bahagyang tumawa ang lalaki.

Muling naibalik ni Sabel ang tingin sa lalaki. Pinagmasdan niya ito habang patuloy pa rin na inaalam kung saan sila nito nagkita.

"Kung hindi ako nagkakamali, Sabel ang pangalan mo."

Malapad na napangiti si Sabel matapos na maalala kung saan niya ito nakilala at nakita. "Rafael?"

"Mabuti naman, buhay ka pa." Nakangiti si Rafael habang nakatitig ito kay Sabel.

Sa halip na magtaka ay bahagyang napatawa si Sabel sa sinabi ni Rafael. "Ikaw, buti buhay ka pa rin. Wala ka na bang planong magpakamatay?"

"Wala na, lalo pa at nakuha na ng mag-ina ko ang hustisya."

Napawi ang ngiti sa labi ni Sabel sa sinabi ni Rafael. Pinagmasdan niya ito habang nakatuon ang tingin nito sa harapan. Kahit nakangiti ito ay kita niya sa mga mata nito ang matinding lungkot.

"Salamat nga pala sa iyo, Sabel. Dahil sa iyo, buhay pa ako ngayon." Bumuntong-hininga si Rafael at nanatili itong nakatitig sa unahan.

"N-Nakuha na ng mag-ina mo ang h-hustisya? B-Bakit, namatay ba sila?" Hindi man sana gustong itanong iyon ni Sabel ngunit nadala na rin siya ng kuryosidad.

Nawala na ang kunwaring ngiti sa labi ni Rafael. Bahagya itong tumango. "Napakabata ko pa para maging biyudo."

"Pareho pala tayo." Napayuko si Sabel. Agad niyang pinahid ang luhang umagos sa magkabila niyang pisngi.

"A-Ano nga ulit ang sinabi mo?"

Sinulyapan ni Sabel si Rafael na nakatingin sa kaniya. Ngumiti siya rito upang maitago ang lungkot na nararamdaman. "Ang sabi ko, salamat din dahil ikaw rin ang dahilan kung bakit buhay pa ako ngayon."

Ngumiti lang si Rafael. Muli nitong itinuon ang tingin sa unahan at binalot ito ng katahimikan.

Sandali pang pinagmasdan ni Sabel si Rafael bago niya ituon din ang tingin sa unahan. Nararamdaman niya ang lungkot nito kahit pa nakuha na ng mag-ina nito ang hustisya. Hindi tuloy niya maiwasang maitanong sa sarili kung mawawala na ba ang lungkot sa puso niya kapag nakuha na rin ang hustisya para sa kaniyang mag-ama.

"Akala ko kapag nakuha na ng mag-ina ko ang hustisya, magiging masaya na ako pero parang hindi pa pala."

Muling sinulyapan ni Sabel si Rafael. Nanatili itong nakatingin sa unahan. Kahit hindi niya makita ang mukha nito ay batid niyang nakaguhit doon ang matinding lungkot.

"Para akong nakokonsensya sa nagawa ko, Sabel."

"B-Bakit?" Iyon lang naitanong ni Sabel. Kahit nais niya itong tanungin patungkol sa mag-ina nito ay hindi na lang niya ginawa dahil batid niyang lalo itong malulungkot.

"Matagal kong hinanap ang nakapatay sa mag-ina ko at hindi ko alam, minsan ko na pala iyong nakita at nakausap." Bumuntong-hininga si Rafael at sinulyapan nito si Sabel. "Siya kasi ang tatay ng batang binilhan ko ng lobo."

Walang nagawa si Sabel kundi pagmasdan lang ang malungkot na si Rafael. Labis siyang naawa para rito kahit na maging siya ay nawalan din ng mga mahal sa buhay. Alam niya kung gaano kasakit para rito ang nangyari kaya naman kahit hindi pa sila lubusang magkakilala ay handa siyang tulungan ito.

Muling ibinalik ni Rafael ang tingin nito sa unahan. "Kahit siya ang nakapatay sa mag-ina ko, pakiramdam ko napakasama kong tao dahil ipinakulong ko siya."

"Tama lang ang ginawa mo."

"Parang hindi, Sabel. Naawa ako sa kaisa-isa niyang anak. Namatayan na nga ito ng nanay, nakulong pa ang ama ng bata."

"Nakakaawa ang bata pero dapat pa ring pagbayaran ng tatay niya ang kasalanan nito." Idinampi ni Sabel ang palad niya sa braso ni Rafael dahilan upang tumingin ito sa kaniya. "Makakaya natin ang lahat ng problemang dinadala natin."

"Salamat, Sabel. Tama ka rin, dapat niyang pagbayaran ang kasalanan niya dahil lahat ng kasalanan ay may kabayaran."

Pinilit ni Sabel na ngumiti kahit pa nasaktan siya sa sinabi ni Rafael dahil naalala niya ang kasalanang nagawa. Napapatanong tuloy siya sa sarili kung hinahanap ba siya ng pamilyang namatay nang dahil sa kaniya.

Nais ni Sabel na malaman kung sino ang pamilyang naulila nang dahil sa kaniya ngunit wala siyang nakuhang impormasyon. Paminsan-minsan ay iniisip niyang sumuko na ngunit sa tuwing naaalala ang kaniyang mag-ama ay agad na nagbabago ang kaniyang pasya dahil alam niyang kailangan siya ng mga ito. Alam niyang darating din ang araw na pagbabayaran niya ang kasalanang nagawa.

"Para po!" sigaw ni Sabel matapos marinig ang pagsigaw ng kundoktor sa lugar na bababaan niya.

Tumayo na si Sabel. Sinulyapan niya si Rafael na nakangiting nakatingin sa kaniya. Tila masaya ito sa muli nilang pagkikita.

"Mag-ingat ka, Sabel."

"Ikaw rin, Rafael. Sige na, mauna na ako." Nakangiting lumabas si Sabel ng bus. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Tila muling sumaya ang puso niya nang dahil kay Rafael.

Napabuntong-hininga na lang si Sabel habang sinusundan ang papalayong bus na sinasakyan ni Rafael. Kasabay ng pagkawala ng sasakyan sa kaniyang mga mata ang pagkapawi ng ngiti sa labi niya.

Hahakbang na sana si Sabel upang tahakin ang daan papunta sa terminal ng Tricycle nang maalalang suot niya ang jacket ni Rafael. Agad niyang kinapa ang bulsa at napagtanto niyang may wallet doon. Hindi na siya nag-alangan na kunin iyon at buksan. Matapos mabuksan ay nanlaki ang mga mata niya nang makita na may mga atm card.

"Huwag kang mag-alala, Rafael, ibabalik ko ito sa iyo." Napabuntong-hininga si Sabel. Tila muling umindak ang puso niya dahil muli na naman silang magkikita ni Rafael.

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now