Kabanata 29

69 5 0
                                    

"PASENSYA na ka kung isang linggong hindi ka namin nadalaw." Bahagyang yumuko si Sabel dahil tila hindi niya kayang makipagtitigan sa ama ni Daisy na nasa harapan niya.

"Walang problema sa akin. Bakit hindi mo yata kasama si Rafael?"

"M-Marami kasi siyang g-ginagawa, Jan. Saka masyado pang maaga," tugon ni Sabel habang nanatili siyang nakayuko.

"Kumusta nga pala ang anak ko, Sabel? Salamat dahil kahit kriminal ang tatay niya, inalagaan pa rin ninyo siya."

Dahil sa sinabi ni Jan ay napagpasiyahan ni Sabel na tingnan ito sa mga mata. Nakita niya sa mga mata nito ang lungkot, lungkot na nawalay ito sa anak dahil sa kasalanang hindi ito ang may gawa. Hindi niya alam kung bakit ito ang nasa sitwasyon na dapat sana ay siya ang naroroon. Alam na niyang siya ang tunay na nakapatay sa mag-ina ni Rafael.

Halos hindi makapaniwala si Sabel na ang mag-inang namatay nang dahil sa kaniya ay asawa at anak ni Rafael. Hindi niya mawari kung bakit pinagtagpo sila nito gayon ay siya ang nakapatay sa mag-ina nito. Tila pinaglaruan siya ng tadhana dahil inilapit siya sa taong nalubog sa kalungkutan nang dahil sa kaniya.

Mahal na mahal ni Sabel si Rafael ngunit nagsisisi siya kung bakit ito pa ang lalaking minahal niya. Kung kaya niyang ibalik ang panahon, hindi na lang siya magmamahal. Akala niya nang dumating si Rafael sa buhay niya ay ito ang muling kumulay ng mapanglaw niyang mundo, ngunit hindi niya alam ay mas inipit niya ang sarili sa sitwasyon na mas lalo siyang mahihirapan.

"I-Ikaw ba talaga ang n-nakapatay sa mag-ina ni R-Rafael?" Diretsyong tiningnan ni Sabel sa mga mata si Jan dahil nais niyang alamin kung tunay ang sasabihin nito.

Bahagyang yumuko si Jan at sandali itong natahimik. "A-Ako nga."

Sandaling napapikit si Sabel at malalim siyang bumuntong-hininga. "H-Huwag ka nang magsinungaling. Alam ko na ang totoo, Jan."

Inangat ni Jan ang mukha nito upang tingnan si Sabel. "Anong alam mo na?"

Malalim na humugot ng hininga si Sabel para pigilan ang nagbabadyang pagbuhos ng luha sa kaniyang mga mata. "H-Hindi ikaw ang totoong nakapatay sa mag-ina ni Rafael." Pinahid ni Sabel ang luhang hindi na niya napigilang bumuhos. "Bakit mo ginawa iyon? Hindi mo ba inisip si Daisy, Jan?"

Napahagulhol ng iyak si Jan. Ilang sandali rin itong umiyak bago subukang kalmahin ang sarili. "Masakit na malayo ako sa anak ko pero mas masakit na pati siya ay mawala sa akin."

Hindi nagsalita si Sabel bagkus tinitigan lang niya si Jan. Labis siyang naawa rito dahil dapat siya ang nakakulong at hindi ito. Kasama dapat nito si Daisy.

"Kailangang maoperahan ni Daisy. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng malaking halaga ng pera para sa operasyon." Pinunasan ni Jan ang luha sa pisngi at muli ay sinubukan nitong ikalma ang sarili. "Kahit labag sa loob ko, inako ko ang kasalanan na hindi naman ako ang gumawa. Napagkasunduan namin ng kaibigan ko na ituro niya ako na ako ang nakapatay sa mag-ina ni Rafael para makuha niya ang pabuya sa makapagtuturo sa suspek. Ang perang iyon ang ginamit para sa operasyon ni Daisy. Mabuti na ring ganito dahil ang mahalaga, buhay ang anak ko."

Tuluyan nang napahagulhol ng iyak si Sabel. Tumayo siya at sinubukang ikalma ang sarili. "H-Hayaan mo, malapit ka nang makalabas dito."

NAG-AALALA na si Rafael kay Sabel dahil makailang ulit na niya itong tinawagan ngunit hindi nito sinasagot ang tawag niya. Isang araw na niya itong hindi nakikita. Huli niya itong nakita nang araw na ipakilala siya nito kay Gelai at simula niyon, tila nagbago ito.

Hindi alam ni Rafael kung ano ang nangyari kay Sabel. Kung saan-saan na rin siya nagpunta para lang mahanap ito. Maging ang ina at kaibigan nito ay nag-aalala na rin para kay Sabel.

"Dito lang, Kuya Ran." Umibis ng sasakyan si Rafael nang huminto iyon.

Napagpasiyahan ulit ni Rafael na puntahan si Sabel sa bahay nito at ni Mad. Makailang ulit na siyang nagpabalik-balik doon ngunit sa pagkakataong iyon ay malakas ang kutob niyang naroon ang kaniyang nobya.

Napahinto si Rafael nang may humintong sasakyan sa harap ng bahay ni Sabel. Hinintay niya ang paglabas ng sakay niyon. Nanlaki ang mga mata niya matapos makilala ang lalaki. Iyon ang lalaking tinutukoy ni Sabel na nag-aasikaso sa paghahanap sa taong nakapatay sa mag-ama ng kaniyang nobya.

Agad na nilapitan ni Rafael ang lalaki dahil nais niya itong pigilan. Hindi niya alam kung bakit doon ito pumunta. Marahil ay tama ang kutob niya na naroon sa bahay na iyon si Sabel. Kung ganoon, ipinagpapasalamat niya na roon siya dinala ng kaniyang kutob.

"Magandang hapon, Sir Rafael," bati ng lalaki at bahagya pa itong ngumiti.

Hindi tumugon si Rafael bagkus tinitigan lang niya ang lalaki. Batid niyang alam nito na siya ang taong hinahanap nito. Hindi lang niya alam kung bakit umaakto ito na tila walang alam.

"Nasa loob ba si Ma'am Sabel?"

"Alam kong alam mo na ako ang taong hinahanap mo. Sasabihin mo na ba sa kaniya, Chad?"

"Kilala mo pala ako." Bumuntong-hininga si Chad at bahagya itong napangisi. "Paano mo nagagawang umarte sa harapan ni Ma'am Sabel na wala kang alam sa nangyari?"

Hindi nakapagsalita si Rafael dahil sinampal siya ng mga sinabi nito. Sa totoo lang ay nahihirapan siyang humarap kay Sabel lalo pa at alam na niyang siya ang nakapatay sa mag-ama nito. Kahit na ganoon ay pinipilit niya dahil hindi niya kayang layuan ang kaniyang nobya dahil mahal niya ito. Kahit pa may pagkakataon na gusto niya itong layuan ay hindi niya ginawa dahil nananaig ang pagmamahal niya para sa kaniyang nobya.

"Ano kayang mararamdaman ni Ma'am Sabel kapag nalaman niya na ikaw ang taong matagal na niyang hinahanap?"

Pikit-matang lumuhod si Rafael sa harapan ni Chad. "Nakikiusap ako sa iyo, hayaan mo ako ang magsabi sa kaniya. Nagmamakaawa ako. Bigyan mo ako ng panahon para sabihin sa kaniya ang totoo. Pangako, hindi ko na tatakasan ang nagawa kong kasalanan."

"Pero nagkasala ka. Kailangan mong pagbayaran ang nagawa mo."

"Alam ko at handa akong pagbayaran ang nagawa ko. Nagmamakaawa ako sa iyo."

Sandaling natahimik si Chad at matapos ang ilang sandali ay bumuntong-hininga ito. "Naiintindihan kita. Labag man sa loob ko pero pagbibigyan kita. Mangako ka sa akin na hindi mo tatakasan ang nagawa mo at ikaw mismo ang susuko."

"Nangangako ako."

Pumasok si Rafael sa loob ng bahay kasama si Chad. Pagpasok pa lang niya ay nandatnan nilang nakaupo si Sabel sa sofa. Umiiyak ito habang nasa dibdib nito ang litrato.

Matapos malapitan ni Rafael si Sabel ay mahigpit niya itong niyakap. Sinubukan niya itong patahanin sa pag-iyak na hindi niya alam ang dahilan.

"Patawarin mo ako, Rafael. Hindi ko sinasadya," paghingi ng tawad ni Sabel habang patuloy ito sa pag-iyak.

Hinagkan ni Rafael sa ulo si Sabel. "Para saan, Sabel?"

"Patawarin mo ako, Rafael. Hindi ko sinasadya."

Matapos ang ilang sandali ay napatahan ni Rafael si Sabel. Hindi siya kumalas sa pagkakayakap dito habang nanatili silang nakaupo.

Sinulyapan ni Rafael si Chad na ilang sandali nang nakatayo sa harapan nila ni Sabel na hindi niya mawari kung napansin ba ito ng kaniyang nobya. Sa pakiwari niya ay nahinuha ni Chad ang nais niyang iparating.

"Ma'am Sabel, sa ngayon, hindi ko muna puwedeng sabihin sa iyo ang taong tinutukoy kong nakapatay sa asawa at anak mo. Sa oras na mapatunayan na siya nga talaga ang suspek, puwede mo nang malaman kung sino ang taong iyon."

Napapikit si Rafael. Kahit paano ay nawala ang matinding kaba na nararamdaman niya. Ipinagpapasalamat din niya na pinagbigyan ni Chad ang kahilingan niya.

"Sorry, Ma'am Sabel."

"Hayaan mo, malapit mo nang makilala ang taong nakapatay kina Mad at Junjun. Maibibigay mo na rin sa kanila ang hustisya, Sabel." Hinagkan ni Rafael sa ulo si Sabel. Kasunod niyon ay ang pag-agos ng luha sa kaniyang mga mata.

My Beloved's SinWhere stories live. Discover now