Thirteen

3K 130 15
                                    


EDITED VERSION


Candid Alessia Rosales

°°°
#Elites



UMUULAN na naman. Ito yung mga pagkakataong ayaw na ayaw ko, kapag umuulan.





Kung ang iba gustong gusto, ako kasi ayaw na ayaw ko. Ito yung mga pagkakataong hindi ko gugustuhing lumabas pa ng unit na tinutuluyan ko. Walang pasok, pero dito ko ginustong manatili. Kahit hindi ko pwedeng ituring na comfort zone ang lugar na ito dahil para itong isang kulungan sa'kin na si Blaze ang nagbigay, pansamantala ko muna itong yayakapin kahit ngayon lang.




Gusto kong matawa ng mapakla. Meron namang payong, pero hindi naman nito maitatago ang katotohang ayaw na ayaw ko sa ulan. Idagdag mo pa ang tunog ng kulog at kidlat na lalong nagpapadagdag ng rason kung bakit kailangan kong isumpa ang panahon at klima na isusumpa ko, samantalang pahingahan ng iba.





Ano ba ang nagagawa ng payong? Hindi ba panandalian lang nitong hinaharangan ang katotohanang mababasa ka pa rin ng ulan? Kahit anong takip mo sa sarili, patuloy pa rin itong tutulo ng tutulo sa ibabaw nito. Hanggang sa lumakas ng lumakas at mabasa ka na. Sa una ay talamsik lang. Pero habang tumatagal kang nagtitiis at nananatili ay hindi mo napapapansing nababasa ka na.
Hanggang sa bumugso ang malakas na hangin para tangayin ang natatangi mong sandata para hindi mabasa. Kaya sa bandang huli, anong magagawa nitong tulong kung patuloy ka ng binabagyo?



Wala.





Wala kang ibang pwedeng gawin kung hindi ang sumilong. Kung hindi ang magtago. At kapag tumila na ito, saka ka pa lamang lalabas sa pinagtataguan mo. Saka mo pa lang mararamdaman yung kapanatagan sa takot na ibinigay ng matinding salanta ng ulan na may kasamang malakas na hangin at bagyo.




Kagaya na lang siguro ng buhay ko.



Kung bakit ba naman napakamapaglaro ng tadhana. Ibinuhos lahat sa’kin ang delubyo.




Hindi pa ba sapat na namumuhay ako ng ganito? Bakit kailangang ipaalala kung paano ako mas naghirap ng husto dalawang taon ang nakakaraan?





Pinili kong huwag magtiwala sa iba. Bilang lamang sa kamay ang binibigyan ko nito. Pero bakit pala pati mga taong pinagkakatiwalaan ko, nagagawa pang magtago ng sikreto mula sa’kin?




Buhay ko naman ito, hindi ba? Pero bakit kailangang ipagkait sa'kin ang mga katotohan tungkol sa buhay ko na hindi naman sa kanila?





Paano nila nagagawang umakto sa harap ko na parang wala silang kaalam alam? Karapatan kong malaman lahat. Pero pinagkait nila sa loob ng dalawang taon.




It's so damn two years.



Akala ko sadyang may mga bagay lang na dapat kong itago dahil kailangan.





Ang takot ko sa ulan; akala ko isang natural na reaksyon lang sa ibat ibang uri ng tao. Pero paano ko nga naman maiisip na malalim pala ang dahilan nito kung sariling mga kapatid at magulang eh itinago sa’kin ang totoo. At pati ang kaisaisang kaibigan ko, hindi ko alam kung pinaglihiman din ba ako..




ELITESWhere stories live. Discover now