Kabanata 44

3K 128 3
                                    


Bago tuluyang umalis, nag-iwan si Nacio ng mga bulaklak kay Felicita, katulad lang ng dati niyang sinabi.

"Nawa'y ang halimuyak ng bulaklak na ito ang magpagising sa natutulog mong diwa."

Nasa tabi naman ni Nacio si Rheden at Marina.

"Hindi pa rin, nagigising ang tulog mantika," pabiro ngunit may lungkot na saad ni Rheden. "Kailan ka babalik dito Nasing?"

"Maaaring sa susunod na taon. Dalawang semestre nalang ang tatapusin ko, dito ko na rin nais makapagtrabaho," tugon ni Nacio at inilapag na ang liham sa lamesa, sa tabi ng kama ni Felicita.

"Balitaan at sumulat kayo sa'kin. Hindi ako mapapalagay hangga't hindi nakakarinig ng balita mula sa kalagayan ni Felicita," saad ni Nacio at hinalikan ang mahimbing na natutulog na si Felicita sa noo.

Lumapit sa tabi ni Nacio si Marina, "Makaaasa ka. Mag-iingat ka sa iyong biyahe pinsan," saad niya at niyakap nang mahigpit si Nacio. Pinipilit niyang 'wag maluha ngunit hindi niya na ito napigilan.

Si Nacio na rin kasi ang itinuturing niyang isa sa pinakamatalik niyang kaibigan. Palagi-lagi rin silang nagsusulatan kahit nasa Europa pa no'n ang pinsan, at ngayon nga muli na naman itong lilisan.

"Tumahan ka na pinsan, uuwi rin naman ako," saad ni Nacio at pinat sa ulo si Marina.

Humiwalay naman si Marina sa pagkayakap, at agaran din siyang inabutan ni Rheden ng panyo.

"Sa pagbabalik ko ay makikita ko na ang maliliit na Rheden at Marina. Balitaan ni'yo na lamang ako kung babae o lalaki ang aking inaanak."

Nagkatinginan naman ang dalawang magkasintahan at nagkahiyaan. "Oo naman Nasing, matagal-tagal pa nga lang iyon. Aasahan namin ang iyong pagbabalik kasama ng mga pasalubong," tugon ni Rheden na nagpatawa sa kanila.

Nagyakapan pa muli sila at tinitigan ni Nacio sa huling pagkakataon ang dalagang pinakamamahal. Tinging mabilis lang, ngunit para sa kaniya ay napakatagal sapagkat mananatili sa kaniya ang imahe ng dalaga kahit saan man siya magpunta mistulang litrato ito sa kaniyang isipan.

Nagpaalam na sila sa isa't-isa, nagmamadali na ring umalis si Nacio, pinili niyang mahuli dahil sa nais niya pang manatili ng matagal.

"Pupunta na ako sa daungan. Maraming salamat," saad ni Nacio bago tuluyang umalis. Mas pinili nalang niya ang salitang salamat kaysa sa paalam. Nasasaktan siyang sabihin ito.

Nakatanaw naman sa kaniya ang dalawang kaibigan, pinagmamasdan siya hanggang sa tuluyan nang nawala ang kaniyang anino.

***

Mahal ko,

Alam kong sa paggising mo ay wala na ako sa Pilipinas, 'wag mo sanang isiping iniwan kita. Kinakailangan ko lamang umalis para sa aking pag-aaral.

Napakasakit sa akin ang makita ka sa gan'yang kalagayan, kung p'wede ko lamang ibigay ang lakas ko ay nagawa ko na. Napapanatag na lamang ang loob ko dahil sa maamo mong mukha, tila napakahimbing ng tulog mo. Mistula ka lang anghel na natutulog at namamalagi rito sa lupa.

Labis lang akong nasasabik na marinig muli ang tinig mo. Masilayan muli ang mga mata mong nangungusap at mapagmasdan ang maganda mong ngiti. Nais kong balik-balikan ang mga araw na magkasama at nakikita kita na maayos at masigla. Ngunit tuwing nakikita ko kung gaano kapanatag ang iyong hitsura tuwing natutulog, ay tila ba ayaw na kitang istorbohin.

Gayunpaman, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa, alam kong sa pagbabalik ko ay makikita ko muli ang mata at mga ngiti mo sa labi. Alam kong hindi pa rito ang ating huling yugto. Aasa akong hindi na kita makikitang nakahimlay sa higaan.

Take Me Back in Time #Wattys2019WinnerKde žijí příběhy. Začni objevovat