Kabanata 34

3.2K 169 16
                                    


Unti-unting nagising ang aking diwa. Gising na'ko ngunit nanatili pa rin akong nakapikit. Pinakikiramdaman ang buong paligid.

Maingat kong iginalaw ang aking braso. Puno ito ng mga pasa. Hanggang ngayon nararamdaman ko pa rin ang hapdi. Habang patuloy na bumabalik sa akin ang nangyari.

"Punyeta kang bata ka!" Mahigpit na hinawakan ni Ama ang magkabilang braso ko.

"Pinalaki kitang maayos at may dangal, ngunit anong ginawa mo?!! Sinira mo ang puri ng ating pamilya!" Mas lalo pa niyang hinigpitan ang hawak sa braso ko, habang niyuyugyog ako.

Patuloy naman sa pagkalabog sa pintuan sila ina.

Marahas niya akong itinumba sa may sahig. Sabay hawak sa may pisngi ko gamit ang kanyang isang kamay.

"Ano bang pagkukulang ko Felicita hah!" Nararamdaman ko na ang pagtulo ng mga luha sa aking pisngi. Wala akong nakikitang awa sa mata ni Ama. Napupuno lamang ito ng galit.

Ilang sandali pa...

Lumagapak sa aking pisngi ang palad niya. Dahil sa gulat ay hindi ako nakagalaw agad. Tanging paghawak lang sa aking pisngi ang nairesponde ko.

Ilang sandali pa, marahas ulit akong hinawakan ni ama sa magkabilang braso. Ang isang kamay niya ngayon ay nasa leeg ko na. Unti-unti itong humihigpit.

"Ama," Tanging ito lang ang nasambit ko habang patuloy sa pagtulo ang aking mga luha, "Tama na."

"Florentino! Pakiusap buksan mo ito. Maawa ka sa anak mo!" Ilang pagkalabog pa ang narinig ko.

"Ang susi pakibilisan Leonora," Sambit ni Kuya Rheden.

Hindi na ako halos makahinga dahil sa higpit ng hawak ni Ama.

Hanggang sa unti-unti ng nagdilim ang paligid ko.

"Jusko Florentino!" Ang huling mga salita na narinig ko bago ako tuluyang nawalan ng malay.

Bukod sa mga pasa ko sa braso nagkaroon din ako ng pasa sa leeg. Halos kulay lilac na ito kung titingnan.

Napatayo ako mula sa kandungan ni ina. Patuloy naman siya sa paghagod ng buhok ko.

Nasa loob kami ng kalesa, nasa tapat ko si Kuya Rheden at nasa tabi niya si Marina.

"Salamat naman at nagising kana Fely," panimula ni Marina.

Maayos na ang kalagayan ni Marina. Tinapalan na ang kanyang mga sugat.

"Kanina nagising ka ngunit tulala ka lamang. Ayos ka na ba?" Sabay hawak ni Marina sa kamay ko.

Binigyan ko siya ng isang ngiti at tumango, "Ayos lang, kagat lang ito ng langgam kumpara sa mga galos mo."

Sinuklian niya rin ako ng ngiti.

Ilang segundo siyang natigilan tila may nais siyang sabihin, "Nais lang makatakas ni Sita sa mga nagawa niya kaya tayo ang pinagmukha niyang masama. Ni wala manlang nagawa si ama para kasuhan siya sa ginawa niya sa akin. Nagmamakaawa siya dahil siya raw ay nagdadalang-tao," Biglang naging seryoso ang tono ng boses ni Marina.

"Felicita, nais niyang pakasalan ang aking pinsan." Ilang segundo rin ang lumipas bago ko tuluyang malunok ang sinabi ni Marina.

"Wala akong nagawa para pigilan iyon. Sana ay kasama natin siya ngayon." Biglang napayuko si Marina, hinagod naman ni Kuya Rheden ang kan'yang likod.

"Babalikan natin si Nasing. Pangako yan. Ngumiti na kayong dalawa, hindi ako sanay na ganyan ang hugis ng inyong mga labi," Tumingin sa'kin si Kuya Rheden. Agad niya akong niyakap. Yumakap na rin si ina at Marina sa amin.

"Magiging ayos din ang lahat," sambit ni Kuya Rheden.

Nagpasya kaming magpapalipas muna ng gabi sa isang bahay panuluyan. Bukas na bukas din ay byabyahe na kami pabalik sa Legazpi.

Hindi namin kasama si ama. Matapos siyang makita ni ina na sinasakal ako ay agad daw itong umalis. Umalis siya na parang walang bahid ng konsensya.

Pagkatapos noon ay inaasikaso na ako nila Kuya Rheden. Si Marina naman ang nag gamot ng maliliit kong sugat. Habang si Ina ang naging abala sa pag-iimpake ng gamit.

Pero... bakit parang may kulang sa amin?

Biglang may isang tao na sumagi sa isip ko, "Ina asa'n si Leonora?" sambit ko habang nag-aayos kami ng gamit.

Ilang sandali silang natahimik.

"Kaganina habang nag-iimpake, napag-alaman naming sinibak siya sa trabaho ni Florentino. Sinaad ni Sita na isa rin siya sa mga kasabwat mo," Lumapit sa 'kin si Ina at niyakap ako.

"Patawad anak, wala kaming nagawa. Mas inuna pa ng iyong Ama na makipag-usap at humingi ng tawad kay Sita kaysa intindihin ang iyong kalagayan." Hindi ko na napigilan pang umiyak, nang dahil sa 'kin nawalan ng trabaho si Leonora.

Nawalan ako ng isang tunay na kaibigan. Ni hindi manlang ako nakapagpaalam.

"Asa'n siya ngayon Ina?"

"Sa pagkakaalam ko may kamag-anak dito si Leonora at doon siya pansamantalang nanunuluyan."

Babalikan kita Leonora.
Babalikan kita Sita... ibabalik ko ang dignidad na kinuha mo sa akin.




Babalikan kita Nacio.

Nais kong malaman mo na oo ang tugon ko sa dalawang tanong mo sa liham. Nais kong marinig mo ito nang harapan. Pangako, babalikan kita.

Ilang oras akong nakamulat. Hindi pa rin dinadatnan ng antok. Sila ina ay matiwasay ng natutulog.

Sa halos ilang linggong pamamalagi ko rito, nawala ang pagkaprangka ko. Mistulang naging malalim na rin ang pagsasalita ko. Kailan ba ko makakabalik muli sa realidad?

Nanaisin ko pa bang bumalik sa isang mundong wala ang isang taong pinakamamahal ko?

Ang mga taong naging pamilya at kaibigan ko na rin dito, nanaisin ko bang lisanin sila?

Isang araw pa ang lumipas bago kami tuluyang nakabalik sa Legazpi. Sa pagbalik namin doon. Wala na ang ilang tagapagsilbi. Dalawa na lamang ang natitira.

Nalaman naming nagpadala ng liham si ama. Nakasaad rito na wala na siyang pampasahod sa mga tagapagsilbi. Tanging dalawang tagapagsilbi nalang ang kaya niyang pasahurin. Binabaan niya pa ito.

Napagalaman ko rin na binawi ni General McDermott ang limang ektaryang lupain kay ama. Isa ito sa pinagsasakahan at pinagkukunan ng bigas na inaangkat sa pamilihan. Ito ang pangunahin pinakakakitaan ng aming pamilya.

Ilang araw na naging tahimik ang aming tahanan. Bumalik rin sa Maynila si Kuya Rheden matapos masiguro ang kalagayan ko at ni  Marina.

Nagdadalawang isip pa si kuya noon kung babalik siya, ngunit sinabihan siya ni ina na kailan niyang tapusin ang nalalabi niyang semestre sa pag-aaral.

Madalas ko ring nakikitang tulala si ina. Minsan naman abala siya sa pagtatahi. Umaalis siya paminsan-minsan para ibenta ang mga blusa at paldang tinahi niya. Kaya madalas akong mag-isa.

Andito ako ngayon sa aming silid aklatan. Hawak-hawak ang diary ko na ilang araw ko ng sinusulatan. Wala si Leonora, wala akong masabihan ng mga bagay-bagay at ang tanging kaagapay ko lang ngayon ay ang diary na ito.

Bumalik ako sa aking k'warto dahil naiwan ko ang pluma at tinta. Ngunit natigilan ako ng may makitang saranggola sa may bintana.

Nagtataka akong lumapit at tiningnan kung sino ang nagpapalipad no'n.

Isang lalaki ang matamis na nakangiti sa akin ngayon...

-

AAAA #1 tayo sa Historical Fiction Guys!! Maraming-maraming salamat sa mga taong patuloy na sinusuportahan ang akdang ito. Hindi mararating ng akdang ito ang unang ranggo kung wala kayo. ❤

Maraming Salamat! At Maligayang Pagbabasa. :)

Take Me Back in Time #Wattys2019WinnerWhere stories live. Discover now